Skip to main content

A Beautiful Love (Part 14)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-14 na labas)

“SA tingin ko, dito na ako titira sa ospital. Katulad din ng katotohanang hindi ko na mabubuo ang perpektong buhay na gusto ko dahil nagbago na ang lahat dahil sa sakit na ito.” Nginig ang tinig at mapait na wika ni Bryan nang may malay nang datnan ni Aliyah sa hospital room na pinaglipatan dito mula sa emergency room pagkaraang isugod ito roon.

       Katatapos lang ng duty ng dalaga nang silipin ang kalagayan ng binata.

       “Huwag mong sabihin ‘yan dahil kailangan mo pa ring tingnan ang iba pang bahagi ng mundo,” tulad ng dati ay positibong sagot na naman niya sa nauunawaan niyang pagiging negatibo ng maysakit.

       “Ikaw ba, gusto mong may kaibigan kang ganito ang kondisyon? Na lahat ng bagay na gusto kong gawin, sasamahan mo ako at aalalayan?” ngumiti si Bryan, mapakla at puno ng hinanakit.

       “Bakit hindi? Magkaibigan tayo, hindi ba?” tugon niyang ngumiti naman nang matamis pagkaraan.

       “Maaaring sinasabi mo lang ‘yan pero iniisip mo rin kung bakit mo nga ba ako pinag-aaksayahan ng panahon samantalang dapat ay hindi. Di nga ba’t kailan lang tayo nagkakilala? Minsan ba, hindi mo sinisisi ang tadhana kung bakit nakatagpo mo pa ng landas ang isang pasaning katulad ko? Isa pa, may trabaho ka at may sarili kang buhay na dapat intindihin.”

       “Nang manumpa ako bilang isang nurse, kalakip na niyon ang paglilingkod ko sa kapwa.”

       “Darating ka rin sa puntong pagsasawaan ang sinasabi mong paglilingkod sa kapwa.”

       “Paano kung hindi?”

       “Basta ang gusto ko’y huwag mo na akong sisilipin pa kung saang bahagi man ng ospital na ito ako naroroon. Marami na akong utang na loob sa iyo. At paano kita mababayaran sa kalagayan kong ito?”

       “Bryan, huwag mong sayangin ang mga sandali sa pag-iisip na ikaw ay nag-iisa…”

       “Sabihin mo, paano ko hindi iisiping seryosohin ang lahat?” matiim na sabi ni Bryan na namasa na ang mga mata at ang anyo ay nilaganapan na ng kawalan ng self confidence.

        Batid ni Aliyah, ang awa sa sarili ang pinakamatinding kalaban ni Bryan sa kasalukuyan nitong kalagayan. Ang pinakamapanirang non-pharmaceutical na narkotikong nagiging sandigan nito ay nagbibigay rito ng ginhawang hindi maipaliwanag ngunit inihihiwalay ang binata sa reyalidad.   

       Alam niya, ibabagsak ng self-pity ang lahat-lahat ng nakaugnay sa binatang maysakit.       

       Pero ipakikita’t ipadarama niya kay Bryan na ang bawat araw ay biyaya ng Maykapal. Na habang may buhay ay may pag-asa.

 

ITUTULOY