A Beautiful Love (Part 15)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-15 labas)
MAY option si Bryan ang magpalabas na ng ospital. Hindi na naniniwala ang binata sa paggaling pa mula sa karamdaman, at blangko na ang mga pananaw nito sa lahat-lahat. Maging si Mrs. Soler ay walang nagawa sa desisyong iyon ng anak.
Ngunit hindi si Aliyah. Desidido siyang muling ibalik ang pag-asang pilit tinatalikuran ni Bryan. Hindi siya papayag na hindi na ito muling makipag-interaksyon sa buhay.
Ipinahingi niya kay Mrs. Soler sa espesyalistang doktor ni Bryan ang mga bagay-bagay na makatutulong sa kalagayan ng binata kahit nasa labas na ito ng pagamutan. Mula sa diet suggestions para sa partikular na sitwasyon nito, na mae-enhance ang pananaw sa personal na kontrol at sense of responsibility sa pangangalaga sa neurological condition ng binatang maysakit.
Ipina-request din niya sa ina ng binata ang physician’s notes ng doktor na tumitingin dito, ang mga gamot at dosage, at ang laboratory notes na magiging batayan nila sa pagmo-monitor sa kalagayan ni Bryan.
Mula sa pamimili sa isang pinakamalapit na supermarket, muling sinilip ni Aliyah ang listahan ng simple carbohydrates-restricted diet na batid niyang makatutulong sa kasalukuyang kalagayan ni Bryan. Complex carbohydrates na mga pagkain ang dapat para sa binata tulad ng unsweetened fruits, starchy vegetables, legumes, kanin at pasta na makadaragdag sa lakas nito, maayos na bowel movements at higit sa lahat, mapagaganda ang mood and spirit ng binatang maysakit. Bumili rin siya ng mga pagkaing makasusuporta sa healthy body weight at para sa normal bodily functions.
Mahalagang mapanatili ni Bryan ang appropriate body weight para sa improve movement ability at lower stress sa mga joint.
Day off niya nang araw na iyon at nais niyang bisitahin si Bryan. Ewan, pero hindi niya maipaliwanag ang mga sandaling kinaiinipan niyang masilayan ang binata.
“Iha, mabuti at dumating ka! Kailangan ko ng tulong! Si Bryan!” hindi pa man siya nakalalapit sa pinto ng apartment nina Bryan ay nasalubong na niya ang hangos na ina nito, papalabas at puno ng pag-aalaala ang anyo.
“B-bakit po? Ano po’ng nangyari kay Bryan?” Nagsimula nang mag-unahan ang mga kabog sa kanyang dibdib.
“Nagpatihulog siya sa hagdan gamit ang kanyang wheelchair!”
Pagkarinig niyon ay tila may pakpak na nilipad ng dalaga ang kinaroroonan ng binata! Bakit nito ginawa iyon?
ITUTULOY