A Beautiful Love (Part 2)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-2 labas)
“KUNG bakit kasi nurse ka na nga, ayaw mo pa ring kalimutan ‘yang obsesyon mo sa photography!” pang-aasar kay Aliyah ni Cookie, kaibigan niyang nurse din sa pinaglilingkuran nilang isang private hospital nang ikuwento niya rito na bigo na naman niyang makuhanan ng magandang shot ang pagsikat ng araw.
“First love ko nga kasi ang photography, di ba?” gaya ng dati ay depensa na naman niya sa topic na iyon, saka pagkatapos ay pumakabila na sila sa pasilyo ng ospital para sa ward-round process nang umagang iyon.
“Sus, masyado na kayang malayo sa propesyon mo... natin!” taas-kilay na buweltang sabi sa kanya ng kaibigan, na masyadong pinuna ang pagiging haggard niya sa pagpasok dahil lamang sa pagkukumahog sa tanawin sa bay walk.
“Hey, girl, love your own, huh! Alam mo bang ang pagsikat ng araw sa Pilipinas ang pinakamaganda sa mundo? At pati na rin ang paglubog nito!” may proud feeling niyang sabi kay Cookie.
“Whatever! At puwede bang dalian mo na? Magsisimula na ang ward round, kailangang makarating tayo sa oras!”
“Sandali, hindi ko pa nga naikukuwento sa iyo ‘yung tungkol sa lalaking nadapa sa bay walk, ‘yung tinulungan kong makatayo…” habang sinasabi iyo’y sumasabay na rin siya sa mabilis na paglalakad ng kaibigang nurse.
“Hay, naku... saka na ‘yang kuwento na ‘yan! Dali at ayokong mag-rush round! Dahil tiyak, tayo rin ang papalpak!” ani Cookie nang haltakin na siya sa mas mabilis pang paglalakad.
Eksaktong papasok na sila sa hospital room na ilang hakbang lang sa emergency ng ospital nang agawin ang pansin niya ng pagkakagulo ng iba pang mga nurse at hospital attendant sa isang lalaking naka-stretcher, putok ang ulo, at malakas ang tagas ng dugo mula sa sugat nito.
Nasa hulihan ng kinalalagyang stretcher ng lalaki ang humahabol na isang matandang babae, panay ang tangis, walang patid ang usal ng pagdarasal…
Hindi maipaliwanag ni Aliyah pero may kung anong kaba rin siyang nadarama sa nakikita.
Ang hindi rin niya maipaliwanag ay nang hilahin siya ng mga paa papalapit sa emergency room ng ospital.
Kumabog ang dibdib ng dalaga nang ganap na makalapit sa lalaking nasa stretcher.
Iyon ang lalaking tinulungan niyang makatayo nang paluhod na madapa sa bay walk!
ITUTULOY