Skip to main content

A Beautiful Love (Part 3)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-3 labas)

NATAPOS ang ward round nila ni Cookie nang umagang iyon pero hindi pa rin naaalis sa isip ni Aliyah ang mukha ng lalaking nakita niyang isinugod sa emergency room ng pinapasukan nilang ospital ng kaibigan bilang mga nurse.

            Hindi siya maaaring magkamali. Iyon ang lalaking tinulungan niyang makatayo nang paluhod na madapa sa bay walk.

Mula sa maaamong mukha nito, maliit na tuwid na ilong, maninipis na labi, hindi pa rin nabubura sa isip niya ang mga deskripsyong iyon…

            Kanina, samantalang pinagmamasdan niya ang lalaki sa pagkakaratay sa stretcher, parang siya man ay pinapanawan ng lakas sa nakikita niyang malakas na pagpuslit ng dugo mula sa putok ng ulo nito.

            “Hey, girl... kapag hindi mo pa inalis sa utak mo ‘yung ikinukuwento mong lalaking isinugod sa emergency room, malamang na buong araw mo sa pagtatrabaho, apektado! Kaninang nag-ward round tayo, napagpalit-palit mo ang pagre-record ng mga detalye ng mga pasyente, ah! At tingnan mo, hanggang sa pagkain, ang tamlay-tamlay mo! Bakit nga ba kasi, ha?” litanyasa kanya ni Cookie nang mag-break time sila ng kaibigan at punahin nito ang mga kakaibang ikinikilos niya mula sa magkakasunod na pangyayaring nakaengkuwentro niya ang sinasabing lalaki.

            “Hindi ko rin nga alam, eh. Basta hinihila na lang ako ng ganitong pakiramdam…” matamlay niyang tugon matapos ibaba ang hamburger na kakagatin na lang sana niya pero hindi na nga niya itinuloy.

            “Sus, mahaba pa ang duty natin, ah! Di pupuwedeng ganyan ka, maya’t maya, tinatawag tayo para sa mga pasyente!” may himig pagpapaalaala sa kanya ni Cookie nang muli itong magsalita.

            “Pinipilit ko namang maging masigla, ewan ko ba…” aniya sa kaibigan, ngayo’y tila ramdam niya ang mas negatibong emosyong umaatake sa kanya nang dahil lamang sa estrangherong hindi naman niya kilala pero kung bakit ang laki nga naman ng espasyong inuokupa sa isip niya.

            “Pero kumain ka, okey? Ubusin mo ‘yang hamburger at French fries!” diin ni Cookie saka parang batang pinanlakihan pa siya nito ng mga mata.

            Tumango siya kay Cookie pero aminado siyang iba ang itinatakbo ng utak niya.

            Mamaya, kapag nakakuha siya ng pagkakataon, hahangos siya sa emergency room.

            Hindi siya mapapanatag hangga’t hindi nalalaman ang kalagayan ng estrangherong nahihirapan din siyang ipaliwanag kung bakit nagpapalakas sa mga tahip ng kanyang dibdib!

 

ITUTULOY