A Beautiful Love (Part 4)
Nobela ni SEL BALRAM
(Ika-4 na labas)
EKSAKTONG ika-5:00 ng hapon pagkaraan ng kanyang pangmaghapong shift, nagmadali sa pagta-time out si Aliyah.
Sisilip siya sa emergency room, gusto niyang malaman ang talagang nangyari sa lalaking tinulungan niyang makatayo sa bay walk nang madapa, na alam niyang ang lalaki ring duguan ang ulong isinugod sa pinapasukan niyang ospital nang araw na iyon.
Masyado nang lumalaki ang kuryosidad niya sa magkasunod na pangyayaring nakaugnay sa estranghero, na dalawang beses na niyang nakaengkuwentro sa magkasunod ding pagkakataon.
Ngunit wala na sa emergency room ang pakay niyang lalaki. Nailipat na raw ito sa charity ward ng ospital pagkaraang malapatan ng lunas ang pumutok na ulo nito, ayon sa napagtanungan niyang hospital attendant na naroroon.
Mabibilis ang mga hakbang na binaybay ng dalaga ang pasilyong tumutumbok patungo sa charity ward ng ospital. Sa ward na malapit sa nasasalaminang bintana ng silid-pagamutan, doon niya nakita si Bryan Soler, ayon na rin sa pangalang nabasa niyang nakasabit sa may paanan ng hospital bed na kinararatayan ng lalaki. Mahimbing ang pagkakatulog ng estranghero.
Mas lumapit pa siya sa ward. Ngayo’y mas malaya rin niyang natunghayan nang malapitan ang maamong mukha ni Bryan.
Nagkamali pala siya nang ikuwento kay Cookie na guwapo nga ang lalaki dahil mas guwapo pala ito sa malapitan. Tila nakita niya sa magagandang features ng mukha nito ang paborito niyang 1970 leading man ng pelikulang “Love Story” na si Ryan O’Neal.
Iilang sandali pa lamang siya nakatatayo malapit sa hospital bed ni Bryan nang maulinigan niya ang pagtawag sa kanyang pansin ng nalingunan niyang matandang babaing may dalang supot ng pagkain at ilang gamot na inilapag nito sa lamesitang nasa sulok, malapit sa bintana ng hospital room.
“Ang sabi ko, nagising na po ba ang anak ko, Miss Nurse?” ulit na tanong ng matandang babaing tila iyon din ang narinig niyang itinanong nito nang mahina kanina samantalang papalapit sa kinaroroonan ng anak, na ngayo’y napag-alaman niyang siya nga palang ina ni Bryan.
“H-hindi po ako ang nurse na naka-assign dito, dumaan lang po ako. Nakita ko po kasi kanina nang isugod sa emergency room ang inyong anak…” nakikiming sagot niya sa matandang babae sa pagiging naroroon nga naman niya samantalang ni hindi naman siya kakilala ng mga ito.
“Nadapa na naman kasi siya kanina habang naglalakad sa isang parke malapit sa amin. Tumama ang ulo niya sa sementadong bangketa…” malungkot na kuwento ng matanda.
Sa pagkadapa rin ni Bryan una niyang nakaengkuwentro ang binata. At nang banggitin pa sa kanya ng ina nito na kailangang dalhin nito ang anak sa Neurology Department, maraming katanungan na ang naglaro sa kanyang utak.
ITUTULOY