A Beautiful Love (Part 5)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-5 labas)
“NITONG huling mga araw, marami ng bagay ang hindi na niya magawa nang maayos. Gusto niyang kumilos pero hindi siya makagalaw, pati ballpen ay nalalaglag na mula sa kanyang pagkakahawak. May mga pagkakataon ding nauutal siya. Pero ang ikinaalarma ko’y ang madalas na niyang pagkadapa, tulad ngayon na ikinaputok pa ng kanyang ulo…” malungkot na pagkukuwento ni Mrs. Soler, na nakilala ni Aliyah na siya palang ina ni Bryan, nang silipin ang binata sa charity ward na pinaglipatan dito matapos lapatan ng lunas ang pumutok na ulo nito mula sa pagkakadapa tulad nang ikinukuwento ng matandang babae.
“Napatingnan na po ba ninyo siya sa espesyalista?” tanong niya kay Mrs. Soler, pagkaraang mabatid ang tungkol sa naging mga kakaiba sa mga kilos ni Bryan.
“Hindi pa...” maikling tugon ng ina ng binata samantalang inaayos ang lumihis na benda sa sugat sa noong tinamo ng anak.
“Pero nabanggit na po ninyo sa kanyang doktor ang mga madalas na nangyayari sa kanya nitong mga nakaraan?” sumunod na tanong niya sa kausap.
“Oo, kaya marahil ay dadalhin siya sa Neurology Department…” may pag-aalala sa tinig ni Mrs. Soler.
“Mainam po iyon, para ma-trace ang totoong sakit niya…” may malasakit sa tinig na dagot niya.
“Ang ikinalulungkot ko lang ay ang trabaho niya, halos napabayaan na niya…”
“Ano po ang trabaho niya?” muli ay umahon ang interes niya tungkol sa mga bagay-bagay sa estranghero.
“Creative director siya ng isang news magazine na sa ibang bansa ang distribusyon…”
“Nakaaaliw po pala ang trabaho niya?”
“Oo at hilig din niya ang photography, alam mo ba?” may kislap pa ang mga mata ng matandang babae sa paraan ng pagkukuwento nito.
Kaparis niya, hilig din ni Bryan ang tungkol sa pagkuha ng mga larawan. Muli, may kawing na gustong mag-ugnay sa pagitan nila ng binata…
Dikawasa’y bahagyang gumalaw ang mga kamay ni Bryan. Nataranta si Mrs. Soler. Hindi alam kung papaano kakausapin ang anak na unti-unting nagkakamalay.
Hudyat naman iyon kay Aliyah upang lisanin ang charity ward.
ITUTULOY