Skip to main content

A Beautiful Love (Part 6)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-6 na labas)

PARA kay Aliyah, sining ang potograpiya. Isang potensyal na noon sana ay sadyang nais niyang bigyan ng panahon at atensyon at maging propesyon.

Noon pa man, gusto niyang ilagay rito ang isip at puso niya, ang ekspresyon ng kanyang artist’s vision, lalo na para sa maitutulong niyang public awareness sa kagandahan ng kalikasan, na sa pamamagitan pa rin ng kanyang sining, magkaroon ng ideya ang lahat kung papaano ito mapoproteksyunan.

       Pero ang maging isang nurse, iyon ang pangarap sa kanya ng kanyang ama at inang parehong US-based at pareho ring mga nurse sa isang malaking ospital doon. Kumbaga’y nagsisilbi siyang karugtong ng “American Dream” ng kanyang mga magulang, na pilit naman niyang pinakatututulan. Na kung napilit man ng mga itong kunin ang kursong nais ng mga ito para sa kanya, ayaw naman niya ang mangibang-bansa pa.

       Mula sa mapapait na alaalang iyon na naglihis sa kanyang pangarap, malungkot na diniinan ni Aliyah ang shutter ng kanyang camera para kunan ng larawan ang maaliwalas na langit mula sa kinaroroonan niyang rooftop ng ospital. Madalas, maaga siyang pumapasok at bago dumating ang takdang-oras ng kanyang duty ay nagtutungo muna siya roon at kinagigiliwan ang kagandahan ng kalangitan.

       Isa pa sanang shot ang pakakawalan ni Aliyah nang pigilin siya ng manipis na boses ng isang lalaking nagsalita mula sa kanyang likuran.

       “P-puwede ko bang makita ang resulta ng shot ng nurse na maganda? Mahilig din kasi ako sa mga larawan…” kimi ang boses ni Bryan samantalang nakangiting papalapit sa dalaga. Nakabenda pa rin ang ulo nito. Hapis pa rin ang anyo ng binata pero lantay na ang mga ngiting nakaguhit sa mga labi.

       “S-sure, halika…” nakangiting tugon naman niya sa binata habang ipinakikita rito ang kuhang mula sa kanyang hawak na camera.

       “Salamat…” kinuha ng binata ang camera, matamis na napangingiti sa pinagmamasdang shot ng bughaw na langit na naka-save sa folder.

       “Paano ka nga pala nakaakyat dito sa rooftop? Medyo bawal kasi rito ang mga pasyente?” tanong niya kay Bryan, na ngayo’y sinisipat ang settings ng kanyang camera na iniabot dito.

       “Naglakad-lakad kasi ako galing sa room ko, nakita kong may hagdang papunta rito, sinubukan kong umakyat. Nang wala namang nagbawal, tumuluy-tuloy na ako…” wika ni Bryan.

       “Kumusta na ang sugat mo sa noo?” sadyang doon niya dinala ang pag-uusap nila ng binata.

       “Alam mo ang tungkol dito?” may bahagyang kuryosidad sa tinig ng kausap.

       “Nakita kasi kita nang isugod ka sa emergency room…”

       “’Di ko na rin kasi matandaan ang nangyari, eh…”

       “Nagkita na rin kasi tayo sa bayside. No’ng madapa ka habang nagda-jogging ka yata noon?”

       “Pasensya na pero, hindi ko matandaan…”

        Ikinalungkot ni Aliyah ang huling sinabi ni Bryan.

 

ITUTULOY