Skip to main content

A Beautiful Love (Part 7)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-7 labas)

ANG tagpo sa rooftop na iyon ang simula.

            Naging madalas na ang pagbabatian at maliliit na kuwentuhan nina Aliyah at Bryan kapag nagkakasalubong sa pasilyo ng ospital habang hinihintay pa rin ng binata ang resulta ng eksaminasyon nito mula sa Neurology Department.

Madalas, ang pareho nilang pagkahilig sa photography ang nagiging sentro ng kanilang mga usapan.

            “Naka-attend ka na ba ng mga seminar ng street photography? Doon, makaka-create ka kasi ng fine art photography sa pamamagitan ng pagkuha ng mga larawan sa mga pampublikong lugar na madalas, nakapokus sa kanilang mga emosyon. Ako kasi, sa YouTube tutorial lang nag-aaral, isinisingit ko lang kapag wala akong duty rito sa ospital,” minsang pag-uusap nila ni Bryan  ay pagse-share niya rito tungkol sa nauusong hindi lang libangan, kundi nagiging propesyon na ring pagkuha ng mga larawan sa mga sulok ng kalsada ng mga nahihilig dito.

            “Yeah, may mga imbitasyong madalas ay gusto ko ring i-consider, nakikita ko rin ang patalastas nila sa mga site sa Internet,” nakangiting tugon ng binata.

            “Saka magagamit mo naman, related din kasi sa pagiging art director mo,” pagpapatuloy pa rin niya sa konbersasyon nila ng binata.

            “Naisip ko nga, kung matatagalan pa ang pagpapagamot kong ito, baka hindi na rin ako makabalik sa trabaho, sa photography na muna ako magko-concentrate,” ani Bryan nang muling tumugon.

            “Sayang naman ang trabaho mo pero puwede mo rin ngang tingnang opsyon ang photgraphy.”

            “Oo, ‘yung friend ko kasi, matagal na akong niyayayang magtayo kami ng studio. Nagko-cover na kasi siya ng mga kasal, binyag, birthdays at iba pang mga okasyon. Inaawitan niya ako para maging photographer.”

            “Why not, baka nga roon ka na magsimula?”

            “Sana, kaso tulad ngayon na nasa ganito akong kalagayan, ni baso ng tubig, hindi ko mahawakan nang maayos, lagi na lang akong nakababasag…” may lamlam na lumambong sa mukha ni Bryan nang sumagi sa isip ang kasalukuyang kondisyon ng kalusugan.

            “Kung... kung lalabas naman na ang findings sa mga sintomas mo at mabibigyan ka ng tamang medication, babalik na sa normal ang lakas mo,” pagpapalakas naman ng dalaga sa loob ng kausap.

            “Oo… sana…”

            Pero sa huling pag-uusap nilang iyon, hindi na niya nakitang papasyal-pasyal sa pasilyo ng ospital si Bryan.

            At kinabahan na naman ang dalaga.

 

ITUTULOY