Skip to main content

A Beautiful Love (Part 8)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-8 labas)

“UY, panay pa rin ang sulyap mo sa Neurology Department kapag napadadaan tayo roon, ah!” isang umaga ay nakangiting tukso ni Cookie kay Aliyah nang lumampas sila sa tinutukoy nitong departamentong sumusuri sa neurological conditions and diseases samantalang patungo naman sa isang rotinaryong ward round para sa mga pasyente sa charity ward na nasa second floor ng ospital.   

            “Eh, sino pa kaya ang susulyapan ko roon?” sagot naman ng dalagang nakairap dahil nakuha agad ang pang-iistir ng kaibigan, na ang tinutukoy ay ang hindi niya nabalitaang pagkaka-discharge kay Bryan mula sa pagamutan.

            “Kung bakit kasi hindi mo hiningi sa kanya ‘yung mobile number niya, ‘no?” pang-aasar pa rin sa kanya ni Cookie.

            “Kahiya kaya!” buwelta niya, saka mas nginusuan ang kausap.

            “Uso na ring ang babae ang nauuna, ‘no?!”

            “Ako, hindi!”

            “Pero type mo siya talaga, ha?”

            “Concern lang ako sa sakit niya.”

            “Ows, peks man?”

            “Bakit ba kinukulit mo ako tungkol kay Bryan?”

            “Dahil hayun siya at mukhang dito papalapit, o!”

            Akala niya’y nagbibiro lang si Cookie pero eksaktong pagdako ng tingin niya sa bahagi ng pasilyong itinuturo ng kaibigan ay naroroon nga si Bryan. Matamis na nakangiti at tila slow motion na papalapit sa kanila; wala na ang benda sa ulo, makisig na makisig sa suot nitong hunk T-shirt at kupas na pantalong maong. May dala itong isang kumpol ng white roses.

            “Bukod kasi sa mga resulta ng eksaminasyon sa ‘kin na kailangan kong ayusin dito sa ospital, may isang tao pa pala akong dapat balikan para pasalamatan,” ani Bryan, samantalang sa kanya iniaabot ang hawak-hawak nitong kumpol ng mga bulaklak.

            “T-teka, p-para sa akin ba ang mga ito? H-hindi ko maintindihan?” aniyang nagugulumihanan samantalang hindi pa rin matanggap-tanggap ang mga bulaklak na ibinibigay ng binata.

            “Oo, bilang pasasalamat sa lahat,” si Bryan nang tumugon.

            “Sa iyo na nga iniaabot, eh, di sa iyo na nga, sus!” sali naman ni Cookie na nakokornihan sa usapan nila ni Bryan, sabay-paalam na mauuna na ito sa second floor para sa ward round bagama’t sinenyasan siyang kailangan na nilang magmadali sa oras.

            “Sabi ko, thank you sa lahat, lalo na ‘yung maiikli nating pagkukuwentuhan pero makabuluhan…” puro ang ngiting nakaguhit sa mga labi ng binatang nakatitig sa kanya nang malagkit na malagkit.

            “Y-you are most welcome…” at kasabay ng mga katagang iyon ay ang hindi na niya maawat na paglukso ng kanyang puso.

 

ITUTULOY