Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

A Beautiful Love (Part 9)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-9 na labas)

MARTES, day off ni Aliyah. Napangiti ang dalaga sa text message na natanggap mula kay Bryan. Isang dinner invitation iyon sa paboritong chicken house ng binata na malapit sa bay walk.

       Pero aaminin niya, nakadarama siya ng mixed signals, roller coaster na mga iniisip at pagkalito ng emosyon. Inaatake siya ng first-date nerves bagama’t ang mga nararamdaman ay binibigyan niya ng positibong level ng excitement at ng positibo ring antisipasyon.

       Maging sa damit na isusuot, nahihirapan siyang magdesisyon. Hindi naman niya intensyong lumikha ng fantastic impression pero siyempre’y nais niyang ilabas ang kanyang best advantage, maging komportable, mga bagay na una na niyang inilalagay sa isip.

       Sa wakas, ang kulay itim na bestidang kamakailan lang ay ipinadala sa kanya ng inang nasa abroad ang umagaw ng kanyang atensyon sa mga damit na nakahilerang naka-hanger sa kanyang closet.       Natatandaan pa niya ang sabi sa kanya ng ina tungkol sa black dress na ipinadala nito — na bawat babae raw ay dapat na may kahit isang itim na bestida sa kanyang aparador. Ang sikreto raw sa pagsusuot nito ay nakasalalay sa mga gagamitin niyang nice pieces of jewelry. Ipinartner niya sa black dress ang pares ng strappy heels na hindi pa rin niya nagagamit mula nang kanyang bilhin sa isang department store. Nang humarap siya sa salamin, bumagay sa kanyang kasuotan ang hawak na kulay puting complimentary bag na mula rin nang bilhin niya ay ngayon lang din niya gagamitin—at sa first date pa pala niya.

        Ayaw pa ring matunaw ng nerbiyos ni Aliyah kahit nakababa na siya sa taksing naghatid sa kanya sa usapang restaurant nila ni Bryan.   

       Nang pumasok siya sa pamosong kainan, namataan agad niya ang binata na nakapuwesto sa isang pandalawahang table na nasa isang sulok ng restaurant. Nang makita naman siya nito, mabilis itong tumayo para salubungin siya. Pero nakaiilang hakbang pa lang ang binata ay tila nawalan na ito ng balanse at hindi sinasadyang bumagsak sa table ng isang magkaparehang foreigners na nagdi-dinner din sa loob ng restaurant.

       Tumapon ang mga pagkain, bumagsak ang ilang plato at baso sa sementadong sahig ng kainan.

       Umugong ang bulungan ng iba pang mga kumakain. Nagkanya-kanya naman ng pagsaklolo ang mga crew papunta kay Bryan.

       Naalarma si Aliyah, hangos na tinakbo niya ang kinaroroonan ng kanyang first date!       

 

ITUTULOY