Skip to main content

Biyuda tinaga ng binasted na suitor

MALUBHANG nasugatan ang isang 46 anyos na biyuda matapos pagtatagain ng kanyang masugid na manliligaw. Naganap ang krimen noong Abril 17, 2015 sa Purok 4, Barangay Napaod, Labo, Camarines Norte.

Ang biktima na kaagad na isinugod sa Camarines Norte Provincial Hospital ay nakilalang si Rufina Francisco, 46, residente ng natu­rang lugar.

Ang suspek ay kinilalang si Geronimo Sasatona, nasa hustong gulang, matandang binata at residente rin ng nabanggit na barangay.

Sa ulat ng pulisya, natutulog ang biyuda at ang kanyang anak na dalagita sa loob ng kanilang bahay nang biglang kumatok nang kumatok sa pintuan ang suspek na lasing. Hindi ito pinagbuksan ng pinto ng biktima.

Ilang sandali pa, may nakitang usok ang biyuda na nagmumula sa pintuan ng kanilang bahay. Agad niyang ginising ang anak at mabilis na lumabas ng bahay. Bigla silang nilapitan ni Sasatona na armado ng itak at pinagtataga ang biyuda.

Sumaklolo sa mag-ina ang kanilang mga kapitbahay at dinala sa ospital ang biyuda. Mabilis namang tumakas ang suspek.

Ayon pa sa ulat, ang suspek ay laging dumadalaw sa bahay ng biyuda at naging masugid na manliligaw matapos na mamatay ang mister nito. Gayunpaman, binasted umano ito ng biyuda kaya naging bayolente at hindi matanggap ang pagkabigo.

EDITOR’S TAKE:

Nawawala na ba sa mga lalaking Pinoy ang pagiging maginoo? Marami tayong nababalitaan na mga lalaking nagiging bayolente kapag binabasted ng nililigawan. Kung magpapakita ng kagaspangan ng ugali at karahasan ang isang lalaki sa nagugustuhang babae, lalo lang siyang hindi matututuhang mahalin nito.

Ang pag-ibig ay kusang nararamdaman, hindi ipinipilit.