Skip to main content

'Bloody Valentine'

February 18, 2016

SA halip na i-date ang misis noong Araw ng mga Puso, kinaladkad paakyat ng bahay sa gitna ng pag-aaway at tinarakan hanggang sa mapatay ng kanyang mister na nagseselos sa Sta. Cruz, Maynila.

Dead-on-the-spot ang biktimang kinilalang si Jerlyn Flores, may isang anak, tubong Leyte, nangungupahan sa M. Natividad St., malapit sa panulukan ng Batangas St., sakop ng Barangay 345 Zone 35, sa Sta. Cruz, Maynila.

Tumakas naman ang suspek na si Benny Bernez, live-in partner ng biktima, na isang tricycle driver.

Sa ulat ni SPO2 Richard Escarlan,ng Manila Police District-Homicide Section, pasado alas 3:00 ng hapon nang maganap ang insidente sa mismong bahay ng biktima at suspek.

Nakita pa ng mga residente ang paglabas ng suspek ng bahay bitbit ang hunting knife na may limang pulgada ang haba, duguan at bago tuluyang tumakas ay itinapon pa sa eskinita ang patalim.

Ayon sa impormasyong nakuha ng pulisya, madalas mag-away ang dalawa dahil sa  bintang ng suspek na may ibang lalaki ang biktima.

Halos isang linggo na ring walang tulog ang suspek na nasa ilalim ng impluwensya ng droga bago maganap ang insidente.

Bago ang pananaksak, pinipilit umano ng suspek na umakyat sa kanilang kuwarto ang biktima habang sila ay nagtatalo subalit ayaw ng huli hanggang ito ay kaladkarin paakyat ng bahay at saka tinarakan ng patalim.

Nabatid na may isang anak ang dalawa na iniwan umano sa ina ng biktima sa Leyte.

EDITOR’S TAKE:

Resulta ito ng pagsasamang wala talagang pundasyon ng pagmamahal, at sinira pa ang lalaki ng kanyang bisyo.