Skip to main content

'Crime of passion' sa kakaibang love triangle

ISANG “crime of passion” ang nabunyag na isinagawa ng isang mister laban sa kanyang misis matapos isiwalat ng anak ang brutal na pagpatay sa kanyang ina at lover na tomboy. Naganap ang krimen noong Disyembre 2014 sa bayan ng Bagabag, Nueva Vizcaya. Nalaman naman ito ng pulisya nito lang April 22.

Sa ngayon ay pinaghahanap na ng pulisya ang suspek na si Ricardo Tomas ng Purok 3, Barangay Paniki na itinuturong pumatay sa kanyang 58 anyos na misis na si Pacita Tomas, at sa "lover" nitong tomboy na si Marilyn Eugenio, 59, ng Barangay Sta. Cruz sa nasabing bayan.

Sa salaysay sa pulisya ng dalagitang anak ng suspek, buwan ng Enero nang ipagtapat sa kanya ng kanyang ama ang ginawang pagpatay nito sa sariling asawa at sa lover nito.

Matapos marinig ang kuwento ng ama ay agad namang namang lumayas ang dalagita sa kanilang bahay at nakituloy sa kamag-anak. Natakot umano siya sa kanyang ama.

Noong Abril 16 ay naglakas-loob na ang dalagita na isiwalat ang krimen kaya kaagad na inilatag ng pulisya ang operasyon, at natagpuan naman ang pinaglibingan ng dalawang biktima.

Ayon kay P/Chief Insp. Claveria Villegas, hepe ng Bagabag PNP, naisampa na ang kasong murder at parricide laban sa suspek. Wala pang ibang ibinibigay na impormasyon ang mga pulis habang at large pa ang suspek.

EDITOR’S TAKE:

There’s no perfect crime. Mabuti na lamang at nagkaroon ng lakas ng loob ang anak na ipagtapat sa mga awtoridad ang sinapit ng kanyang ina.

Masasabi nating mali ang ginawa ng ina ng dalagita na pumatol sa iba, ngunit mas mali ang kanyang ama na ilagay sa sariling mga kamay ang pagtatanggol sa kanyang pagkalalaki at pride.