Skip to main content

Dalaga umiiwas sa nakabuntis sa kanya na may sabit na

DUMULOG sa kanilang barangay sa Quezon City ang isang dalaga na nagpapatago sa pangalang Doris, 23 anyos. Humihingi siya ng proteksyon dahil ginugulo umano siya ng kanyang nakarelasyon.

Ang dalaga ay nagtatrabaho sa isang kilalang fast food center at tubong probinsya.

Sa salaysay ni Doris, bagong luwas siya mula sa kanilang probinsya at katatanggap lang sa kasalukuyang trabaho nang makilala si Martin. Matanda raw ito sa kanya ng sampung taon at laging doon kumakain sa fast food outlet kung saan siya nagtatrabaho.

Dahil bawal sa kanila ang makipag-usap nang matagal sa mga customers, lagi siyang inaaba­ngan nito kapag uwian na.

Inamin ni Doris na dahil mabait sa kanya ang lalaki ay nahulog ang loob niya rito at hindi nagtagal ay nagkaroon sila ng relasyon.

Sumulpot ang problema nang sobrang lumalim ang kanilang relasyon at nabuntis siya nito. Saka naman niya natuklasan na may pananagutan na pala sa buhay si Martin at tatlo na ang anak.

Nakipagkalas umano siya rito pero ayaw nitong pumayag. Sinabi rin umano ni Martin na iiwan nito ang pamilya at silang dalawa ang magsasama—na tinanggihan ni Doris.

Nagpaplano na rin siyang umalis sa trabaho dahil lumalaki na ang kanyang tiyan at nahihirapan na siyang magbiyahe. Nag-aalok si Martin ng sustento ngunit hindi niya tinanggap. Nag-away sila at nagbanta umano si Martin na gagawin ang lahat magkabalikan lamang sila.

Nangako naman ang barangay na idudulog sa women’s desk ng pulisya ang problema ni Doris, at ilalapit din sa DSWD at baka-sakaling puwede siyang mag-avail ng programa ng ahensya para makauwi muna siya sa kanyang mga magulang sa probinsya.

EDITOR’S TAKE:

Maging lesson sana ito sa mga kababaihan dahil maraming lalaking manloloko. Bago ninyo ibigay ang inyong tiwala sa nanliligaw sa inyo, mag-background check muna. Madali namang malaman kung may sabit na ang lalaki. Sa age gap nila ni Martin, dapat ay kinutuban na si Doris na posibleng may pamilya na ito.