Skip to main content

Duterte may solusyon kung sino ang gagawing First Lady pag nahalal na presidente

January 30, 2016

“PARA walang gulo, bago na lang. Bagong style."

Ito ang naging pahayag ni  Davao City Mayor Rodrigo “Rody” Duterte nang sabihin niyang ang anak niya ang gagawin niyang first lady kapag nanalo siyang pangulo sa darating na eleksyon.

Sinabi ni Duterte na ayaw niyang itong maging kumplikado kaya naman hindi niya gagawing first lady ang dating asawa o ang kinakasama niya ngayon.

“Para walang gulo, bago na lang. Bagong style. Para walang gulo, si Inday na lang. Si Inday Sara,” wika ni Duterte kay Mike Enriquez sa panayam sa “Ikaw Na Ba?” ng dzBB.

Ikinasal si Duterte kay Elizabeth Zimmerman, isang flight attendant mula Davao City at nagbunga ang kanilang pagmamahalan ng tatlong anak na sina Sara, Paolo at Sebastian.

Noong 1998 ay naghain ng petisyon sa Pasig Regional Trial Court si Zimmerman upang ipawalang-bisa ang kanilang kasal at dalawang taon ang lumipas ay inaprubahan ito ng korte matapos hindi iyon kwestyunin ni Duterte.

Sa kasalukuyan ay kinakasama ngayon ni Duterte si Honeyley, isang nurse at ina ng nag-iisang anak nila na si Veronica.

Sinabi ng Davao City Mayor na kung papayag ang kanyang dating asawa at ngayo'y kinakasama ay pagsasamahin niya ang dalawa sa Malacañang.

“May asawa ako. Hiwalay ako sa first. Mabait itong second wife ko. Kung papayag sila, tig-isang kwarto na lang sila riyan (Malacañang). Nakakaawa naman ‘yung first wife ko. Tig-isang kuwarto sila sa Malacañang. Malaki-laking lugar naman iyan. Patitirahin ko na lang diyan. Nakakaawa naman,” sabi ni Duterte.

EDITOR’S TAKE:

Asahan na ang bayolenteng reaction ng mga konserbatibo at netizens sa pahayag na ito ni Digong.