Skip to main content

Grace hindi pa raw hiwalay sa mister

January 29, 2016

TODO tanggi at natatawa na sinagot ni Senador Grace Poe ang mga tsismis na hiwalay na sila ng kanyang mister noon pang Nobyembre ng isang taon.

“Ha?” ang inisyal na reaksyon ni Poe sa tanong kung totoo nga ba ang tsika na wala na sila ng kanyang mister, habang kinakapanayam sa radyo.

“Alam mo, marami akong naririnig na tsimis pero first time kong narinig ang tsismis na iyan na hiwalay kami ng aking kabiyak,” ayon sa senadora, na ang pinatutungkulan ay ang mister na si  Teodoro Misael “Niel” Llamanzares.

Sa katunayan, magdiriwang umano sila ng kanyang mister ng kanilang silver anniversary ngayong taon.

“Alam n’yo po, kung meron man akong lakas at meron akong inspirasyon ay ang aking asawa, ang aking pamilya, ang aking nanay,” paliwanag pa ng senadora. “Alam  mo, kung ‘yung iba sa pulitika ay nagkakaroon ng medyo hindi pagkakasundo, ang asawa ko, kaibigan ko talaga ‘yan.”

Kahit umano humihingi siya ng advice o payo sa kanyang mister, ni minsan ay hindi ito nakialam sa kanyang trabaho bilang opisyal ng gobyerno.

EDITOR’S TAKE:

Mala-showbiz kasi ang projection niya sa media at sa publiko kaya kung anu-anong drama rin tuloy ang ibinabato sa kanya ng mga kalaban niya.