Skip to main content

Hindi siya sure kung sino ang nakabuntis sa kanya

November 23, 2015

LIMANG taon nang magka-live in sina Judith at Alex. Dalawang taon ang nakalilipas ay nagkaroon sila ng matinding away at naghiwalay dahil nagkaroon ng bisyo ang lalaki. Kay Alex napunta ang kanilang two-year-old daughter. Ilang buwan ang kanilang naging paghihiwalay at nagkaroon naman ng casual relationship si Judith kay Philip na naging BF niya noong high school.

Nagbalik sa buhay ni Judith si Alex at muli siyang sinuyo. Naging mabait na rin ito kaya nakisama uli siya. Napagkasunduan na rin nila na magka-baby uli.

Sa panahong nagsasama na uli sila ni Alex ay nagkita sina Judith at Philip para magkaroon sila ng closure. Gusto sana ni Philip na silang dalawa na lang ang magsama pero desidido na si Judith kay Alex. Bago sila naghiwalay ay nag-sex sila—na para kay Judith ay isang paraan ng tuluyang pamamaalam kay Philip.

Buntis ngayon si Judith at hindi niya ipinaaalam kay Philip. Tiwala naman daw siya rito na hindi ito magkukuwento ng tungkol sa mga namagitan sa kanila. Gayunpaman, hindi siya sure kung sino ang ama ng ipinagbubuntis niya. Sasabihin daw ba niya kay Alex na baka hindi ito ang ama? Kung pagbabatayan ang petsa kung kailan siya huling nakipag-sex kay Philip, lumalabas na parang hindi naman ito ang nakabuntis sa kanya—bagaman at two weeks lang ang pagitan matapos naman niyang makipag-sex kay Alex.

Ayaw na raw ni Judith na mawala muli sa buhay niya si Alex dahil ngayon ay isa itong mabuting partner at ama ng kanyang anak. Ano raw kaya ang mabuti niyang gawin?

EDITOR’S TAKE:

Kung sa kutob ni Judith ay si Alex ang ama ng kanyang ipinagbubuntis, good. Gayunpaman, lagi siyang magdududa kung sino ba talaga kung hindi siya sure. Ang dapat niyang gawin ay maging honest kay Alex.

Mahirap gawin dahil baka iwan siya ni Alex, at hindi natin alam kung ano ang magiging reaction nito pag nalaman ang naging relasyon niya kay Philip. Pero kailangan niyang iluwal ang kanyang anak at alagaan na alam niya kung kanino ito nagmula.

Maa-upset tiyak si Alex na nagkaroon pa ng kaugnayan si Judith kay Philip matapos nilang magkabalikang muli. Pero kung lalawakan nito ang pang-unawa, kailangang maging mapagpatawad ni Alex. Dahil sa kanya ay naging magulo ang relasyon nila ni Judith kaya magulo rin ang naging direksyon ng isip ng babae kaya kailangang unawain nito ang ka-partner.

Ang pinaka-sure na paraan para malaman ni Judith kung sino ang nakabuntis sa kanya ay ang magpa-DNA test kapag nailuwal na niya ito. At kung sakaling hindi si Alex ang ama, isipin na lang sana nito ang kasabihang “It takes a lot more than sperm to be a good father.”