Skip to main content

Ilang buwan bago ang kasal, fiancee nakipag-one night stand!

May 28, 2015

TATLONG taon na ang relasyon nina Dennis at Mila. Nakatakda na ang kanilang kasal. Isang pangyayari ang gumugulo ngayon sa isip ni Dennis.

Isang gabi aniya ay gumimik sina Mila at mga kaibigan nito. Nagulat na lang siya nang ikuwento ng isang kaibigan ng nobya na nakipag-one night stand ito sa lalaking nakilala sa bar. Kuwento pa ng kaibigan ni Mila ay pinipigilan nila ito pero sumama pa rin sa lalaki. Medyo tipsy na raw kasi si Mila at bago ito sumama sa lalaki ay panay na ang halikan ng dalawa kahit maraming nakakakita.

Kinompronta ni Dennis si Mila. Noong una ay tumanggi ito at sinabing hindi totoo ang kuwento ng kaibigan nito. Pero nang pagharapin niya ang nobya at ang kaibigan nito ay hindi na nakapangatwiran pa si Mila at inamin ang naging kasalanan.

Gumuho ang mundo ni Dennis. Paano nagawang pagtaksilan siya ni Mila gayung ikakasal na sila? At sa isang lalaking ni hindi nito kilala!

Hindi raw alam ni Dennis kung paano reresolbahin ang kanyang problema.

EDITOR’S TAKE:

Napakalungkot na pangyayari para kina Dennis at Mila. Masakit para sa ego ni Dennis, nakataya naman ang dangal ni Mila lalo na kung hindi naman talaga siya pakawalang babae.

At paano pa pagtitiwalaan ni Dennis si Mila gayung hindi pa sila kasal ay nagkasala na ito sa kanya?

Kung hindi na sure si Dennis sa katapatan ni Mila, hindi na niya dapat ituloy ang kasal nila. Okey lang kahit pagtawanan siya ng mga tao ngayon. Hindi biro ang pagpapakasal, at paano pa niya tatanggapin sa dambana ang isang babaeng ihaharap niya sa Diyos pero hindi naman naging matapat sa kanya?

At sa nangyari, sa palagay ba ni Dennis ay magiging masaya pa ang kanilang buhay mag-asawa kung sakali lalo pa at tiyak na hindi na mawawala ang pagdududa niya kay Mila lalo na pag aalis ito nang hindi siya kasama?