Skip to main content

'Isang bala ka lang!'

February 11, 2016

PINAGHAHANAP ngayon ng Malabon City Police ang isang ginang na itinuturong utak sa pagpatay sa isang contractor na naging karelasyon umano nito.

Iniimbestigahan ng pulisya ang posibleng pagkakasangkot ng isang Pauleen Maantos  sa pamamaslang kay Hernani Saluna, 55, contractor/ foreman, ng No. 650-28 JM Templora St., Brgy. Santulan, Mala­bon, makaraang ituro ng misis ng biktima na si Susan Soliveres-Saluna na ang una ang utak sa pamamaslang.

Sa record ng pulisya, umi­inom ng alak sa loob ng 1950s Bistro Bar sa may Alley II, Templora St., Brgy. Santulan si Saluna kasama ang kaibigang si Mario Bautista, 55, nitong Enero 30 dakong alas-11 ng gabi nang lapitan ng gunman na nakasuot ng itim na jacket at helmet saka pinagbabaril ang biktima nang malapitan sa mukha gamit ang isang kalibre .45 baril. Patay agad ang biktima samantalang sugatan naman si Bautista nang tamaan ng ligaw na bala.

Sa affidavit ni Gng. Saluna, itinuturo nito si Ma­antos na dati umanong kalaguyo ng kanyang mister.  Nagkalabuan  ang dalawa na humantong sa paghihiwalay. Sinampahan pa umano ni Gng. Saluna  ang biktima ng kasong swindling sa Malabon Metropilitan Trial Court si Maantos na nagsampa naman ng kasong oral defamation kay Gng. Saluna dahil  sa binitiwang mga salita sa mga menor-de-edad na mga anak nito.

Dagdag pa ni Gng. Sa­lu­na na pinagbantaan ni Maantos ang kanyang mister  ng:  “Pag hiniwalayan mo ako ay ipapapatay kita! Isang bala ka lang!” Ginawa ng suspek ang pagbabanta bago maganap ang pamamaslang sa biktima.

EDITOR’S TAKE:

Kailangang mahanap ang suspek para marinig ang kanyang panig.