Skip to main content

JM De Guzman at Jessy Mendiola 'officially on' na uli

OFFICIALLY ay inamin na on national television nina JM De Guzman at Jessy Mendiola na nagkabalikan na sila. Naganap ang rebelasyon ng dalawa sa “Gandang Gabi, Vice” show ni Vice Ganda noong April 26 ng gabi kung saan nag-guest ang magkasintahan.

Ayon sa dalawang Kapamilya stars ay noong April 1 pa sila opisyal na nagkabalikan. Matatandaang noong araw ding iyon ay mabilis na kumalat sa social media ang larawan ng dalawa na sweet sa isa't isa kaya marami ang nag-speculate na sila na nga uli.

Pagbabahagi pa nina JM at Jessy ay dalawang taon ang itinagal ng relasyon nila noon, at dalawang taon din silang nahiwalay sa isa't isa.

August 2014, habang nagda-jogging sa U.P. Diliman ay aksidenteng nakita umano ni JM si Jessy. Dito raw nagsimula uli ang lahat. Kuwento ng aktor ay kinabahan siya nang makita niya ang kotse ni Jessy sa campus kaya nagtago muna siya.

“Hindi ko kasi alam sasabihin ko. Hindi ko alam kung ano ang mararamdaman ko,” ayon kay JM. Nang magkaroon daw siya ng lakas ng loob ay hinintay niya ang dalaga at kinumusta.

Agad daw namang napatakbo sa loob ng kanyang kotse si Jessy nang bumati sa kanya si JM.

Paliwanag ng actress kay Vice Ganda,“Kasi, nagulat ako! “Totoo pala 'yon, Vice, kapag nakita mo ulit ang taong nasa puso mo, akala mo sa movie lang mangyayari pero parang nag-i-slow motion ang lahat nang nasa paligid. Totoo ‘yun. Tapos sa kanya lang naka-focus lahat nang attention mo, lahat blurry, lahat slow-mo.”

Kung bakit naman daw napatakbo siya, “Hindi ko na alam kung ano ang sasabihin ko. Kaya ako napatakbo sa kotse ko.”

Tinanong naman ni Vice si  Jessy nang, “Mahal mo pa siya noon o minahal mo na lang ulit?”

Sagot ng aktres, “Akala ko hindi na. Pero noong nakita ko siya ulit, parang bumalik lahat.”

Napa-react tuloy si JM ng, “E, di wow!”

Sa aksidenteng muling pagkikita nila ay hindi raw nila alam ang contact number ng isa't isa dahil si Jessy ay nagpalit ng number, habang si JM naman ay tinanggal ang lahat ng contacts niya noong panahong may pinagdadaanan pa ang aktor.

Hindi raw agad ibinigay ni Jessy ang contact number niya kay JM. Ayon sa aktres, “Siyempre, tinatantiya ko pa kung talagang sure ako sa feelings ko.”

Nakuha naman ni JM ang number ni Jessy sa isang common friend nila. Doon na raw sila nagsimulang magkumustahan. Sumama pa ang dalaga sa aktor na manood ng movie nito na “That Thing Called Tadhana” para magbigay rito ng moral support.

Almost six months daw bago naging opisyal muli ang relasyon nila.

Aminado naman si JM na may niligawan siyang taga-showbiz noong panahong wala na sila ni Jessy.

Tinanong din ni Vice si Jessy kung makikipaghiwalay uli kay JM kung mangyari ulit ang dahilan ng breakup nila noon.

Anang aktres, "Hindi, dahil alam kong hindi na niya gagawin ulit iyon."

Nawalan ng career noon si JM dahil sa pagkalulong niya sa ipinagbabawal na gamot. Siya rin ang sinisi ng mga katrabaho sa “Angelito: Batang Ama” dahil sa pagkahinto ng matagumpay na serye.

Kumalas sa kanilang relasyon si Jessy at dumating pa sa puntong itinanggi ng aktres na may relasyon sila.

Kaya sa umpisa ng show ni Vice noong April 26 at tanungin ang dalawa kung nagkabalikan na sila, ang biro ni JM kay Jessy, “Huwag mo akong ide-deny, ha?”

After ng breakup nila noon ay na-link si Jessy kay Matteo Guidicelli pero hindi yumabong ang kanilang relasyon.

EDITOR’S TAKE:

Mukhang tuluy-tuloy na ang pagbabagong buhay ni JM at maganda na uli ang takbo ng kanyang career. Si Jessy naman ay not in a relationship kaya good news ang pagbabalikan nila. Obvious namang in love talaga sila sa isa’t isa. Love is lovelier the second time around.