Skip to main content

Mag-asawang 67 taon na nagsama, namatay na magka-holding hands

MAPAYAPANG nagwakas ang 67 taong romansa ng Californian couple na sina Floyd Hartwig, 90, at Violet, 89, nitong Pebrero. Magkahawak-kamay pa ang dalawa nang matagpuang wala nang buhay ng kanilang mga kapamilya sa kanilang tahanan..

Ayon kay Donna Scharton, anak ng mag-asawa,  sa panayam sa kanya ng FoxNews.com, “The whole thing was overwhelming, pretty traumatic, but we were trying to go by their wishes that they wanted to die at home and that they wanted to go together, they were that devoted to each other.”

Alam din daw ng mga kamag-anak ng mag-asawa na hindi na rin ang mga ito magtatagal kaya tiniyak nilang laging magkatabi sina Floyd at Violet, at laging pinaghahawak-kamay.

Dagdag pa ni Scharton, “My father died holding my mother’s hand and then my mother died five hours later.”

Marami umanong sakit ang kanyang ama at hindi na nakapagtatrabaho sa kanilang ranch pero nananatili itong laging nakaalalay kay Violet—na na-stroke naman at nagkaroon pa ng dementia.

Sabay rin umano kung mag-almusal ang mag-asawa.

Ikinasal sina Floyd at Violet noong 1947. Naging childhood sweethearts sila at muling nagkita sa isang sayawan matapos mag-leave sa Navy si Floyd. Nagkaroon sila ng tatlong anak.

Nang tanungin ng anchor kung paano niya ide-describe ang naging pag-iibigan ng kanyang parents, sagot ni Scharton, “You could tell they had a special love.”

EDITOR’S TAKE:

Sa panahon ngayon ay wala nang relasyong tumatagal. Maraming factors kung bakit. Kalimitan ay dahil hindi nagkakasundo ang mag-asawa, o kahit ang magkasintahan pa lang, sa maraming bagay.

Ang maganda sa love story nina Floyd at Violet ay nagkagustuhan sila noong mga bata pa sila, nagkahiwalay, muling nagkita at saka nagpakasal. Sinubok ng mga panahon ang kanilang mga damdamin. Kung minsan, sa pagkakalayo saka natitiyak ang katotohanan ng isang pag-ibig.

Dakila rin ang pag-ibig ni Floyd kay Violet na sa kabila ng marami niyang karamdaman ay hindi iyon naging hadlang para paglingkuran niya ang asawa. Sa isang relasyon, ang lalaki talaga ang dapat maraming sakripisyo at malawak ang pang-unawa. Sabi nga, ang babae ay dapat lang na minamahal sa maraming paraan.

At kahanga-hanga naman si Violet. Sa kabila ng kalagayan ni Floyd ay hindi siya humanap ng iba. May ibang babae na kapag nakaramdam na ng hirap sa piling ng karelasyon, nawawala na ang pag-ibig at mas inuuna ang sikmura kaysa puso.

Sana’y magsilbing inspirasyon para sa iba pang mag-sweetheart ang love story nina Floyd at Violet.