Skip to main content

Magsyotang nag-away, ninakawan ng taxi driver

February 17, 2016

NAGAWANG itakas ng isang taxi driver ang mga bagahe ng pasahero nito na magkasintahan makaraang umano’y posibleng  mapikon sa eksenang pag-aaway ng dalawa  sa loob at labas ng sasakyan, February 13 ng madaling-araw sa Pasay City.

Hinahanap na ngayon ng pulisya ang taxi driver na nakilala sa pamamagitan ng kanyang identification card na si Alberto Pestano, ng Cayaon Transport, na inireklamo nina Abdurahman Mutairi, 30, at ng kasintahang si Mia Lou Gilbert, 25.

Sa sumbong ng da­lawa, naganap ang insi­dente dakong alas-3:45 ng madaling-araw sa may Celeridad Street, Pasay. Sumakay umano sila sa Cayaon taxi (TYM-165) na minamaneho ni Pestano sa kanto ng Burgos Street, Makati City at nagpahatid sa Aurora Street, Pasay City.

Inilagay ng dalawa ang kanilang bagahe sa compartment ng taxi.  Habang bumibiyahe, nag-umpisang magtalo ang dalawa nang magalit sa hindi mabatid na dahilan ang babae at pinahinto ang taxi sa may Celeridad Street saka bumaba.  Sumunod naman ang lalaki hanggang sa kalsada magtalo at magsigawan ang mga ito.

Muli namang sumakay ang magkasintahan at tuluyang naihatid sila sa Aurora Street.  Ngunit nang pinabubuksan na ang compartment, pinaharurot na ng tsuper ang taxi tangay ang bagahe ng mga pasahero.

Natangay ng driver ang nasa Saudi Riyal na aabot sa P10,000, ATM card ng Alrajhi bank, cellphone na nagkakahalaga ng P13,000 at pasaporte ng biktima gayundin ang iba pang mamahaling gamit.

EDITOR’S TAKE:

Kawatan talaga ang driver dahil hindi rason na nag-away lang ang magdyowang pasahero ay nanakawan na niya. Para naman sa magdyowa, ang pag-aaway ay dapat sa pribadong lugar ginagawa para walang maperhuwisyong ibang tao.