Skip to main content

Manyak na, mamamatay tao pa!

February 1, 2016

ISANG 52 anyos na ina ang pinagtataga at nasa kritikal na kondisyon habang ang kanyang 14 anyos na anak na dalagita ay pinagbantaang puputulan ng ulo bago ginahasa ng isang 19 anyos na binata na big­lang pumasok sa bahay ng mag-ina noong Enero 22 sa Sityo Katorse, Barangay Liciada, Bustos, Bulacan.

Kinilala ni P/Chief Inspector Florencio Morales, Bustos police chief, ang biktimang si Ellen Monteroyo y Lakandula, 52, may-asawa, ng Sit­yo Katorse, Barangay Liciada na kaagad isinugod sa Bulacan Medical Center-Malolos City bunga ng maraming taga sa katawan.

Itinago naman ang anak na dalagita ng biktima sa pangalang Ine, 14 anyos, habang ang suspek ay nakilalang si Mario Gadi y Aguilar, 19, binata, tubong Cabanatuan City at kapitbahay ng mag-inang biktima.

Dakong alas nuwebe ng gabi nang biglang dumating ang lasing na suspek na si Gadi at armado ng itak.

Bigla na lamang nitong pinagtataga ang biktimang si Monteroyo hanggang sa bumulagta itong naliligo sa sariling dugo kaya sinaklolohan ng dalagitang anak ang ina ngunit hi­nablot ng suspek ang buhok nito at binantaang pupugutan ng ulo.

Agad nitong dinala sa kuwarto ang dalagita at saka ginahasa.

Naaresto naman ang suspek.

EDITOR’S TAKE:

Mabuti na lang at nahuli agad ang kriminal. Sa tindi ng krimen na ginawa nito, marami ang mananalangin na mabulok na sana ito sa kulungan.