Skip to main content

Mister na matulis tinusok ni misis

October 7, 2015

DAHIL sa matinding galit, sinaksak ng isang ginang ang kanyang mister nang matuklasang may kabit ang lalaki. Naganap ang insidente  noong October 7 ng gabi sa Tondo, Maynila.

Nilalapatan ng lunas sa Tondo Memorial Medical Center ang biktimang si Conrado Estoria, 47, pantry man ng Tropical Hut restaurant.

Nakapiit naman sa Raxabago Police Station 1 ang suspek na si Ma. Maritess Estoria, 33. Ang mag-asawa ay kapwa nakatira sa 2745 J. Santos Street, Brgy. 182, Gagalangin, Tondo.

Ayon kay Supt. Redentor Ulsano, hepe ng Raxabago Police Station 1, dakong 11 p.m. nang mangyari ang insidente sa bahay ng mag-asawa.

Napag-alamang nagtalo ang dalawa nang matuklasan ng suspek na ang biktima ay may babaing ibinabahay at nagkaroon pa sila ng anak.

Napundi ang biktima sa kadadakdak ng suspek kaya nasampal nito nang malakas.

Napasubsob sa kusina ang ginang at nang makabuwelo ay dumampot ng kutsilyo at pinagsasaksak ang biktima.

Nakahingi ng saklolo ang kanilang mga anak sa barangay tanod na siyang umaresto sa suspek habang dinala sa ospital ang biktima.

EDITOR’S TAKE:

Isipin na lang natin ang trauma at kahihiyan na idudulot ng pangyayaring ito sa mga anak ng mag-asawa. At sa nakikita natin, isang broken home na naman ang kahihinatnan nito dahil sa pagiging matulis ng ama ng tahanan.