Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 10)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-10 labas)

SA kabila ng sitwasyong hindi siya ang type ni Aria ay hindi nawawalan ng pag-asa si Storm. Somehow ay iniisip niyang later on ay magiging sila rin matapos itong makalagpas sa ganoong stage ng adolescence at masyado pang fickle-minded.

Nang kukuha na sila ng college entrance examination, sinabi ni Aria na gusto nitong mag-HRM. As usual, kabuntot siya nito. Pareho silang nakapasa sa university na gusto nito. At nang sumapit ang first semester ng kanilang college life, magkaklase pa rin sila, at lagi na naman siyang nakaalalay rito. Maging ang mga new classmates nila ay inakalang sila na. Hindi naman nila sinabi sa mga ito ang totoo. Pabor iyon on his part dahil wala nang ibang guys na makaporma kay Aria.

Nagkaroon ng problema pagdating ng second semester. Nagpalit ng course si Aria, gusto raw nitong mag-Fine Arts major in Advertising dahil mas bagay raw sa personalidad nito iyon, at pangarap pala nitong maging account executive.

Siyempre pa ay gusto niya uli itong sundan. Pero nang magsabi siya sa kanyang mommy na magpapalit ng course, ang litanya nito sa kanya sa galit na boses: “At kailan ka pa nagkainteres magdrowing? Ni simpleng hugis bilog di mo maiguhit. Tigilan mo ‘yan... ituloy mo kung ano ‘yang una mong plano! Huwag mong painitin ang ulo ko!”

Napakamot na lang siya sa ulo.

Wala siyang nagawa kundi sundin ang kanyang ina dahil malaki ang takot niya rito. Same university pa rin naman nag-enroll si Aria kaya nagkikita pa rin sila. Noon din niya naranasan ang unang heartache.

Nagka-boyfriend si Aria...

Same mold nang mga naunang nagustuhan nito ipakilala sa kanya ang hitsura ng guy. Mukhang kawawa na payat—si Omeng. May kakaiba nga lang talent—napakahusay magdrowing at nakagagawa na ng comics strips sa mga tabloids.

Nawindang siya sa nangyari. For a while ay dumistansya siya kay Aria, pero tuwing may ipapakiusap ito sa kanya ay hindi naman niya matanggihan. For some weird reasons, pag may eyeball ito at ang mga pinsan nitong babae ay siya ang ipinakikilalang “suitor”.

Kung minsan ay hindi niya malaman sa sarili kung bakit siya pumapayag. Naroon pa rin kasi ang feelings niya rito. Nakailang girlfriend na rin siya pero hindi naman nagtatagal. Wala kasi siyang makita na ang tama at dating sa kanya ay kagaya nang naramdaman niya kay Aria.

Pero nagtataka siya sa sarili ngayon...

Iba ang dating sa kanya ng amo ni Sam!

Unti-unti, ang mataray at pretty girl na nag-photobomber sa isang picture niya ay kumukuha ng maraming oras ng isip niya...

                                                               **

DAY-OFF ni Storm nang araw na iyon at kumukuha siya ng sedula sa barangay hall dahil kailangan niya sa office. Nagkataon naman na nag-iisyu pala roon. Bago siya nakaalis ay hangos na dumating ang isang tanod at nagbalita kay Chairman Gerry. May dala itong cheap na flash drive.

“Tserman, alam na kung ano’ng nangyari sa aso no’ng dalaga. Nakunan ng video sa kabilang barangay,” pagbabalita nito.

Biglang nagkaroon ng frenzy sa opisina ng chairman. Nag-utos itong sunduin ang dalaga. Naisip ni Storm na makiusyoso tutal ay napagbibintangan siya sa pagkawala ni Sam. At least, anuman ang laman ng cheap na flash drive ay tiyak na maglilinis iyon sa pangalan niya.

Maya-maya ay hangos na dumating si Lorde.

“Ano na po’ng nangyari? Nakita na po si Sam?” sabik nitong tanong.

Ipinakita ng chairman ang flash drive. “Nakunan daw ng video sa kabilang barangay. Panoorin natin...”

Isinaksak ng sekretarya sa PC ang flash drive. Binuksan ang nag-iisang file. Saglit pa, nag-play ang video.

Napa-“Oh...” si Lorde nang makita si Sam na mayabang na naglalakad sa isang kalye. Maya-maya ay isang humahagibis na trak ang dumaan.

Sapul na sapol ng malaking gulong ng trak si Sam!

Nag-hysterical si Lorde. Maging si Storm ay napangiwi sa nakitang eksena at napasambit ng mahinang cuss words. Pagkalampas ng trak, pisang-pisa si Sam, para itong tortang talong ang hitsura!

“No, Sam! No!” sigaw ng dalaga. “No!” At napahagulhol ito nang ubod-lakas.

Bigla rin itong parang nanghina, namutla at tila mawawalan ng malay. Maagap naman si Storm na naalalayan ito.

Dahil nawala na sa huwisyo ang dalaga sa sobrang pagka-shock sa nakitang karumal-dumal na nangyari sa alaga, napayakap ito kay Storm habang umiiyak.

At lalong lumakas ang paghagulhol...

Hindi malaman ni Storm ang gagawin. Gusto sana niyang tapik-tapikin ito sa likod para mapayapa pero di naman niya magawa dahil biglang nakaramdam siya ng pagka-awkward. Hindi rin niya mahawakan kahit sa braso. Hinayaan na lang niya ito sa pagkakayakap sa kanya.

“Tawagin mo ang tita niya,” utos ni Chairman sa isang tanod.

Nasa ganoong ayos na nakayakap kay Storm at umiiyak ang dalaga nang dumating si Tita Nora. Nang makita ang tiyahin ay dito naman yumakap si Lorde.

“Patay na si Sam, Tita!” palahaw nito na punung-puno ng pait. “Patay na siya! Pinatay ng mga salbahe!”

At humagulhol muli ito.

Lahat nang naroon, including Storm, ay naging emosyunal. Damang-dama niya ang sakit ng kalooban ng dalaga, at hindi niya napigilang maging teary-eyed. Iba talaga kapag pet na ang sangkot. Alam niyang parang isang kapamilya na rin ang nawala sa dalaga.

Pinayapa ni Tita Nora si Lorde. “Wala na tayong magagawa,” anito. “Halika, sa bahay na tayo para makainom ka ng tubig at lumuwag ang iyong dibdib.” Nagpasalamat ang matandang babae sa konseho ng barangay bago umalis.

Malungkot nilang tinanaw ang magtita habang palabas ng barangay. Napasulyap si Storm sa naka-freeze na image ni Sam sa monitor na pisang-pisa. Napailing siya. Lumabas na rin siya ng hall.

Tanaw niya ang paglalakad ng magtita habang papauwi. May nagtulak kay Storm na sundan ang mga ito. Nalaman niyang hindi pala kalayuan ang bahay ng mga ito, sa kabilang dulo lang ng kanilang kalye.

Bumalik na siya nang matiyak kung saan ito nakatira.

Pagdating sa bahay ay hindi mawala sa kanya ang mga eksenang naganap kanina sa barangay. Nang mapangiwi siya nang makita ang nangyari kay Sam, ang paghi-hysterical ng magandang dalaga.

At ang pagyakap nito sa kanya!

Hindi niya maipaliwanag ang naramdaman nang magdikit ang mga katawan nila kanina. Kahit pala mukhang firm na firm ang katawan ng dalaga ay napakalambot. Feel na feel niya. At ang bangu-bango nito. Isa itong perpektong halimbawa ng isang rosas na babagong namumukadkad ang mga talulot na nagsasabog ng napakabangong halimuyak.

Napangiti siya. Ang suwerte-suwerte naman niya kanina!

Pero nang lumipas na ang pagmamalaki niya sa sarili dahil nayakap siya nito ay nagbalik ang kanyang awa sa dalaga. Alam niyang a big, big part of her ay nawala rin sa pagkamatay ni Sam.

Napasipol siya sa hangin at nagbukas ng kanyang MacBook.

Bigla kasi siyang may naisip...

 

END OF BOOK 1

To be continued...