My Pretty Photobomber (Part 11)
Nobela ni KC CORDERO
BOOK 2
(Ika-11 labas)
HINDI nakakain for one day si Lorde dahil sa nangyari kay Sam. Nagpaalam siya sa kanyang mga kasamahan na hindi muna makakasama sa mga rehearsals at nagpa-sub muna siya. Nag-text din siya sa mga niraraketan na sa makalawa pa siya magiging okey. Nag-post din siya sa mga social media accounts niya sa nangyari sa kanyang paboritong pet. Outpouring naman ang sympathy ng mga kaibigan niya—unlike noong una siyang mag-post na nawawala pa lang ito.
Nagbabad siya sa bahay. Inubos ang oras sa panonood ng mga photos and videos ni Sam. Nag-sorry rin siya sa picture ni Martin na hindi siya naging mabuting “mommy” ni Sam at napabayaan niya ito kaya nakalabas ng gate. Sarili niya ang sinisisi ni Lorde sa nangyari at maya’t maya siyang napapaiyak.
Kailan kaya siya makaka-move on? Ang mawalan pala ng pet ay parang nawalan na rin ng dyowa ang pakiramdam.
Uminom siya ng paborito niyang hot tea na bukod sa napapanatili siyang slim kahit malakas siyang kumain at matakaw ng cakes ay may calming effect din sa kanya. Nang maramdaman ng sistema ng katawan niya ang pagdating ng mainit na tea sa kanyang sikmura ay bahagya siyang na-relieve sa nararamdamang emotional stress.
Nasa ganoon siyang sitwasyon nang tuksong pumasok sa isip niya si Storm. Bahagya siyang napa-“Shucks!” sa sarili nang maalalang napayakap siya rito nang manghina siya nang mapanood ang pagkakasagasa kay Sam.
Ewan ni Lorde kung bakit napangiti siya.
Malapad na malapad na ngiti!
Kahit kasi mahihimatay na siya dahil sa karumal-dumal na krimen na naganap kay Sam, nang mapayakap siya kay Storm ay naramdaman niya kung gaano katitigas ang mga masel nito! Kahit ang dibdib nito ay talagang pang-hunk nang mapasandal siya, maging ang matipunong katawan nito na para bang kahit bagyong Yolanda ang dumaan ay kaya siyang sagipin.
At gaya ni Martin, ang bangu-bango rin ni Storm! Obvious na naglalaan ito ng budget para sa mamahaling pabango. And she really admires guys na mahilig sa pabango dahil ibig sabihin lang niyon ay malinis sa katawan at may proper hygiene.
Napahigop siyang muli ng hot tea.
Maginoo rin ang kumag, naisip niya. Nang mapayakap siya ay naramdaman niyang iniiwas ang mga kamay na mapahawak sa kanya.
Napangiti si Lorde. She’s beginning to like that guy.
Nasa ganoon siyang pagmumuni-muni nang lumapit sa kanya si Tita Nora.
“May bisita ka,” anunsyo nito.
“Sino po?” tanong niya.
Ngumiti lang ang kanyang tiyahin. “Naroon sa labas.”
Takang tumayo siya para tingnan kung sino ang bisita. May something sa ngiti ng Tita Nora niya, at hindi talaga sinabi kung sino ang kanyang bisita, ha? Kung mag-aalok lang ng internet connection, baka mabuhusan niya ng mainit na tsaa. Naputol kasi ang pagmumuni-muni niya about Storm.
Pagbukas niya ng pinto, natigilan si Lorde nang mapagsino ang kanyang bisita.
Si Storm!
Nag-hello sa kanya ang binata. Ewan ni Lorder pero parang may itinatago ang isang kamay nito sa may likuran nito. Nakakumpletong Derrick Rose NBA uniform ito, at sapatos na mamahalin. Kung totoong marunong itong magbasketbol, naisip ni Lorde na napakaguwapong player naman nito!
Nauutal ang naging sagot niya. “H-hi...”
Napalunok naman si Storm sa nakitang maladiyosang kagandahan sa harap nito. Nakapang-itaas na mahaba ang manggas si Lorde pero labas ang pusod at ang flat na flat at makinis na tiyan. Naka-shorts ito ng pinutol na maong na labas ang bulsa, parang ‘yung madalas isuot noon ni Anne Curtis sa “Showtime” na halos kita na ang pisngi ng langit—at napalunok siya! Pinigil ng binata ang panlalaki ng mga mata—at ang panggigigil.
Bumalik naman sa kanyang suplada mode si Lorde nang makabawi ng composure. “Ano’ng masamang hangin ang nagtaboy sa iyo rito? Ipagyayabang mo sa akin na wala kang kinalaman sa pagkamatay ni Sam, gano’n?” humalukipkip siya.
Ngumiti si Storm, at muli ay nabighani si Lorde sa pilyong expression nito.
Huwag na kasing ngingiti, bulong ni Lorde sa sarili. Baka mahimatay na naman ako at mapayakap sa iyo!
Mula naman sa isang kamay na nakatago sa may likuran nito ay may inilabas si Storm.
“Para sa iyo. Baka sakaling makatulong na maka-move on ka,” anito at ipinakita sa kanya ang itinatago.
“Oh...” bulalas ni Lorde at nasapo ng mga kamay ang bibig sa labis na pagkabigla.
Ang hawak kasi ni Storm ay isang super cute na sa tingin niya ay two-month old pa lang na puppy! Kulay puti iyon, malago ang buhok at may napaka-expressive na pair of eyes. Medyo brownish ang ilong. Animated kung kumilos. Mukhang mabait.
“Isang Bichon Frisé iyan,” si Storm. “Kagaya ng alaga ni Kris Aquino. Gift ko sa ‘yo...”
Birthday ko ba at may gift, gustong itanong ni Lorde pero walang boses na lumabas sa bibig niya. Nagkatitigan kasi agad sila ng tuta at bahagya pa itong kumiling at tila nakangiti habang magkatama ang kanilang mga mata.
“Ang cute mo!” may panggigigil na kinalabit ni Lorde ang leeg ng puppy. Napa-“Oh...” siyang muli nang buong lambing na dilaan nito ang kamay niya.
Gusto namang mainggit ni Storm sa tuta. Nauna pa itong dilaan ang crush niya, huh!
Kinuha ni Lorde mula kay Storm ang tuta. Nang bahagyang magdikit ang mga daliri nila ng binata ay napatingin sila sa isa’t isa. Agad nagyuko ng ulo ang dalaga at dalawang kamay na binuhat ang kanyang bagong pet. Hinalikan niya ito sa lips.
Muli, lihim na nainggit si Storm sa tuta! At naka-kiss agad, ha? Lucky puppy!
Habang humahalik si Lorde sa puppy ay nag-enjoy naman si Storm na mag-sightseeing sa flat na tiyan ng dalaga. Nag-imagine siyang doon siya nakaunan pag matutulog sa gabi.
“Akin na lang ba talaga ito?”
Tila naalimpungatan si Storm sa tanong ni Lorde. Ipinilig niya ang ulo at kinalimutan muna ang pangarap na unan.
“Oo, para makalimutan mo pansamantala si Sam,” sagot niya.
Biglang lumungkot si Lorde. “I don’t think I’ll ever forget Sam. But thank you for this very, very cute new little new friend of mine.”
“Welcome...”
Tumingin sa kanya si Lorde. “Baka mahal ito, ha?”
Gusto sanang isagot ni Storm, pag mahal mo ang isang tao, no problem kahit magbigay ng mahal na regalo. Pero wala pa siya sa ganoong estado ng closeness kay Lorde. Sa ngayon, ang gusto lang niya talaga ay mapasaya ito.
“Peace offering,” naisagot na lang niya. “Hindi naging maganda ang una nating pagkikita.” Sumeryoso siya, “at para bawas guilt na rin. Iniisip ko kasi, baka kung di ko itinaboy si Sam ay hindi siya lumayo sa ating kalye.”
SUBAYBAYAN!