My Pretty Photobomber (Part 12)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-12 labas)
SOBRA ang naging pasasalamat ni Lorde kay Storm dahil sa gift nito na cute na cute na puppy.
“Peace offering,” ani Storm. “Hindi naging maganda ang una nating pagkikita.” Sumeryoso siya, “at para bawas guilt na rin. Iniisip ko kasi, baka kung di ko itinaboy si Sam ay hindi siya lumayo sa ating kalye.”
Huminga nang malalim si Lorde. “Let’s just forget that, lalo lang akong nalulungkot.” Nang bigla ay may naalala ang dalaga. “Siyanga pala, hindi pa tayo magkakilala. I’m Lorde...”
“Storm...” iniabot ng binata ang kamay sa dalaga.
Tinanggap iyon ni Lorde. Pareho silang tila nakaramdam ng mahigit pa sa 220 volts na kuryente sa pagdadaiti ng kanilang mga palad.
Napakalambot na palad, naisip ni Storm.
Ang masculine ng palad niya, at ang laki, iniisip naman ng dalaga.
Nang maghiwalay ang kanilang mga kamay ay nagtanong si Lorde. “Bakit Storm ang pangalan mo?”
Nagpakawala muli ng pilyong ngiti si Storm. “Kasi, bagyo ang dating ko.”
Tumaas ang kilay ng dalaga. “Mayabang ka! Ang yabang-yabang mo, alam mo ba ‘yon?”
Tumawa ang binata.
Nilakihan ni Lorde ang pagkakabukas ng pinto. “Pasok ka. Ikaw naman ang magmeryenda. Dyahi naman na may gift ka na nga ni hindi man lang kita papapasukin.”
Sumunod siya sa dalaga papasok sa loob. Halos kagaya rin ng bahay ng kapatid niya ang architecture maging ang loob ng bahay nina Lorde. Masyado nga lang makalat at maraming gamit. Pinaupo siya nito sa sofa. Pinahawakan muna nito kay Tita Nora ang tuta, at naglagay ng maraming alcohol sa kamay.
“Coffee, tea or me?” biro sa kanya ni Lorde.
Tumawa si Storm. “Puwede ko ba talagang piliin ‘yung ‘me’?”
“No!” sumeryoso si Lorde. “Biniro ka lang, kumagat ka naman,” umirap ang dalaga. “Coffee or tea? Ano’ng gusto mo, cookies or good old fashion egg sandwich?”
“Tubig na malamig lang ako,” ani Storm. “Kakakain ko rin lang.” Hinaplos niya ang tiyan.
“Sinabi mo, e,” at nagpunta sa kusina ang dalaga. Nang bumalik ay may dalang regular size bottled water. Iniabot kay Storm.
Nagpasalamat ang binata at ininom ang tubig. Napatingin siya sa malaking picture ni Martin sa wall.
“Sino ‘yang mala-Jericho Rosales na ‘yan?” usisa niya sa dalaga. “Kuya mo?”
“Excuse me! Kuya ka riyan! Boyfriend ko iyan,” pagtataray muli ni Lorde.
Napatigil sa tangkang pag-inom sanang muli ng tubig si Storm. Alam niyang napanganga siya. Parang bombang sumabog sa pandinig niya ang naging sagot ni Lorde.
May boyfriend na pala ito!
At ramdam ng binata na parang hiniwa ang puso niya.
Nang mahamig niya ang sarili ay tumingin siya sa dalaga. “Seryoso, BF mo siya?”
“Oo. Hindi ka rin makulit, ano?”
“Matagal na kayo?”
“Opo,” umirap si Lorde. “Siya rin ‘yung nagbigay sa akin kay Sam. Kaya lagot ako sa kanya pag nalaman niya ang nangyari.”
Muling nakaramdam ng munting kirot sa puso si Storm. Kaya pala mahal na mahal ni Lorde ang namatay na pet ay galing sa boylet nito.
Inubos niya ang laman ng bote.
“Thank you sa tubig,” aniya at ipinatong ang basyo sa center table. “Mag-iiwan pala ako sa iyo ng card ko,” dumukot siya sa wallet ng isang calling card. “Just in case kailangan mo ang tulong ko, call or text me anytime.” Iniabot niya iyon kay Lorde.
Walang interes na kinuha iyon ni Lorde at idinikit sa cork board. “So nineties!” biro ng dalaga. “Uso pa ba ang calling card ngayon?” humagikhik ito. “And by the way, bakit naman kita tatawagan?”
“Because you’re my lord...”
“At bakit mo naman ako naging lord, aber?”
“Because you’re Lord-e,” tumawa ang binata.
Nag-make face si Lorde. “Siya lang ang natawa sa joke niya, ha-ha!” fake na tumawa ito habang kinikiliti ang sarili.
Natawa rin si Storm sa naging gesture ni Lorde. Nakukyutan talaga siya sa hindi OA na pagkamataray at husay mangsopla nito.
“I have to go,” muli niyang paalam sa dalaga. “At uulitin ko, anytime na kailangan mo ang tulong ko, call me and I’ll be there. Mula ngayon ay alipin mo na ako.”
Humalukipkip ang dalaga, tumingala at nag-roll ng eyes. Another cute gesture para kay Storm.
Nang nasa may pintuan na siya ay muling tumingin si Storm sa picture ni Martin. Nakaramdam siya ng inggit dito.
Pinuna siya ni Lorde. “Lagi kang nakatingin sa kanya. Nababakla ka ba?”
Ngumiti si Storm. “Hindi. Iniisip ko lang, darating ang time na ang picture ko na ang nakasabit diyan.”
Nameywang si Lorde. “Ang yabang mo talaga! Ibang klase ang kayabangan mo!”
Hindi nawawala ang ngiti ng binata. Gustung-gusto niyang napipikon ang dalaga. “Nararamdaman ko lang na it will happen very, very soon.”
“Hay, naku... Mr. Nostradamus na magaling mag-predict,” nag-roll uli ng eyes si Lorde, “kung mangyari man iyon, ako pa mismo ang magsasabit ng picture mo riyan!”
“Promise?”
“Promise!” nagtaas ng kamay si Lorde na parang nanunumpa. “May kasama pang halik dahil sure na sure ako na hinding-hindi maaalis ang picture na iyan diyan.”
“Let’s see,” pampo-provoke ni Storm. “Tatandaan ko ‘yang mga sinabi mo, at kailangang tuparin mo ‘yan.” At bago siya tuluyang lumabas ay hinagod pa ng tingin ang mga legs ni Lorde. Na-conscious tuloy ang dalaga. “Tutuloy na ako.”
“Bye,” paalam ni Lorde. “At thank you very big sa tuta, ha?”
“Welcome. Ingatan mo ang baby natin, ha?”
“Ulol!”
Isinara na ni Lorde ang pinto.
Nang matiyak niyang wala na si Storm ay saka siya nagpakawala ng masarap na tawa.
Ang kulit ng kumag, naisip niya. Pero nae-enjoy niya ang presence nito. Ang pagiging medyo hambog.
Napatingin siya sa ibinigay nitong calling card. Kinuha niya iyon. Joaquin Cabaguio pala ang real name nito. Cabaguio. Bagyo. Kaya siguro Storm ang nickname. Napakibit-balikat siya. Makes sense to her.
Nasa ilalim ng pangalan nito ang posisyon sa isang sikat na cake house. Operations manager. Big time. Kaya pala may masasarap na mini cakes sa ref nang magpunta sila ni Chairman sa bahay nito. Ibinalik niya ang calling card sa cork board at hinanap sa loob ng bahay si Tita Nora para kunin ang bago niyang pet.
Tulog ang tuta sa ibabaw ng kanyang rubber shoes. Pinanood nila ni Tita Nora ang kahimbingan nito. Napakagandang tuta at mukhang healthy.
“Ang bait na sa iyo ng nakaaway mo, ha?” si Tita Nora. “Binigyan ka ng kapalit ni Sam.”
“Oo nga po, eh.”
“Baka maging kapalit na rin siya ni Martin, ha?” biro sa kanya ng tiyahin.
Kunwari ay hindi niya narinig ang sinabi nito pero alam ni Lorde na namula ang mga pisngi niya.
Nagulat pa si Lorde nang pisilin ni Tita Nora ang kanyang nagba-blush na pisngi.
SUBAYBAYAN!