Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 14)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-14 na labas)

“HINDI ako rapist,” ngumiti si Storm. “In fact, ako ang madalas na ma-rape,” pagbibiro niya.

“At gustung-gusto mo naman?” asik sa kanya ni Lorde.

“Umiiwas ako,” biro pa rin ni Storm. “Gusto kong ibigay ang puri ko sa babaing mahal ko.”
Nag-roll muli ng mga mata si Lorde. “Whatever! O, sige na nga. Lumalakas ang hangin dito sa labas sa mga kayabangan mo. At para malaman ko na kung may shots na si Peanut.”

“So, Peanut pala ang name niya, ha?” kinuskos ni Storm ang ulo ng tuta.

“Kahulan ka niyan, sige ka,” biro sa kanya ni Lorde. “Baka tumili ka na naman.”

Hindi pinansin ni Storm ang ibig tukuyin ng dalaga. “Hindi ako kakahulan niyan, daddy niya ako, e. Di ba, Peanut?”

Si Lorde naman ang natahimik.

“Halika na sa loob,” muling yaya ng binata. “Hindi magandang tingnan na rito sa labas ng bahay mo ako nililigawan. Baka itsismis ka ng mga ka-barangay natin.”

“Ulol!” sigaw niya rito at sumunod na papasok sa bahay.

Nang nasa loob na sila ay hindi agad siya naupo sa silyang hinila nito.

“Iwan mong bukas ang pinto, ha?” utos niya rito.

Nagtaka si Storm. “Bakit?”

“Para mabilis akong makakatakbo pag may masama kang tangka sa akin.”

Napahalakhak ang binata. Gayunpaman ay hindi nga niya isinara ang pinto at hinayaang nakabukas iyon nang malaki.

“Puwede na?” tanong niya kay Lorde.

Tumango ang dalaga. “Mabilis na akong makakatakbo riyan.”

Muli niyang pinaupo si Lorde. Naupo naman ito na kalong si Peanut.

“Sandali lang, ha?” paalam niya rito. “Magpapalit lang ako ng damit. Basambasa ako ng pawis.”

Tumango lang si Lorde at nilaru-laro ang isang paa ni Peanut.

Pumasok sa kuwarto si Storm. Nang lumabas ito ay naka-jogging pants na black at sandong pang-itaas na ginagamit ng mga body builder na halos lantad ang nipples nito at muscles sa dibdib. Na-tense si Lorde sa kaseksihan ng binata.

As usual ay ipinaggawa ni Storm ng kape ang dalaga, na-enjoy muli ni Lorde ang napaka-skilled na kilos nito. Dalawa ang inihanda nitong kape, tigisa sila. Pero siya lang ang binigyan nito ng nakatatakam na mini cake na tila gold ang malinaw na caramel sa ibabaw. Napalunok agad ang dalaga. Natakam.

“Inom ka na ng kape,” udyok nito sa kanya.

Hinawakan ni Lorde ang tasa. “Baka pag ininom ko ito mawalan ako ng malay, ha? Baka nilagyan mo ito ng pampatulog saka mo ako rereypin,” biro niya sa binata.

Tumawa si Storm. “Kahit naman bagyo ang dating ko, mabait pa rin ako. Don’t worry, safe ka rito sa bahay ng kuya ko. You’re with the gentlest guy in the whole wide universe.”

Tumawa nang walang sound si Lorde. Muling kunwari ay kiniliti ang sarili. Pagkatapos ay humigop na siya ng kape at tinikman ang nag-aanyaya sa sarap na mini cake.

“Ang sarap!” hindi niya napigilang bulalas.

“Minsan daan ka sa store and coffee shop namin. Maraming mas masasarap doon,” si Storm.

“Libre?” tanong ng dalaga.

“Of course, basta ikaw.”

“Seryoso ‘yan, ha? Isasama ko ang barkada ko baka mamulubi ka.”

“No problem. Handa akong magastusan basta ikaw.”

Tumingin si Lorde kay Storm. “Bigla naman akong nahiya sa iyo. Ang mahal pala ng breed ni Peanut.”

Gustong isagot ni Storm na espesyal kasi para sa kanya ang dalaga kaya hindi ordinaryong aso ang ibinigay niya rito pero pinigil niya ang sarili. Baka kasi isipin nito, dahil nga pricey si Peanut ay nagpaparamdam naman siya na type niya ang dalaga. O kaya ay nagyayabang.

Sa halip, ang isinagot niya, “Don’t worry, I got Peanut on a bargain. Kakilala ko ang binilhan ko.”

“Salamat uli. Sabagay, big time ka naman pala at isang manager, at sikat pa ang cake house na pinapasukan mo.”

“So, binasa mo pala ang so nineties na calling card ko, ha?” biro ng binata.

“Na-curious lang,” kaswal na sagot ni Lorde. “Wala ka bang pasok ngayon?”

“Medyo erratic pa ang schedule ko kasi naglilipat pa ako rito. Sa kuya ko talaga ang house na ito pero ako muna ang pinatitira niya. Next week tapos na ang vacation ko.”

Saglit pa, natapos na ni Lorde ang mini cake. Naglabas uli ng isa pa si Storm. Tumanggi na ang dalaga. “Next time na lang. titikman ko ‘yung pinaka-special sa store n’yo.”

“Aasahan ko ang pagdating mo. Isama mo ang mga friends mo, I’m cool with that.”

Hindi sumagot si Lorde pero palihim niyang minasdan si Storm na noon ay humihigop ng kape. Ang seksi nito sa suot. Walang bilbil. Ang liit ng beywang na lalong pinaliit ng suot na jogging pants. Namumukol din ang mga masel nito sa braso. Parang mga pandesal—na kulang na lang ay isawsaw niya sa kanyang kape!

Bigla niyang binawi ang tingin at kunwari ay hinaplos si Peanut nang biglang lumingon sa kanya si Storm! Lihim siyang napangiti, wala itong kamalay-malay na siya ang pasimpleng nangre-rape sa binata sa pamamagitan ng kanyang mga mata.

Well, bilang babae at single ay may karapatan pa rin naman siyang mag-window shopping sa sinumang hunk na nasa kanyang harapan.

“Water?” tanong sa kanya ni Storm.

Umiling siya. “’Yung documents ni Peanut. Para makauwi na rin ako. Masyado na kitang naaabala.”

Tumayo si Storm at pumasok sa kuwarto. Nang bumalik ay may dalang brown envelop at iniabot sa kanya.

“Ingatan mo ang baptismal certificate ng baby natin, ha?” biro nito.

“Tse!” sagot niya habang inaabot iyon. Tumayo na rin siya at nagpaalam dito. “Salamat again. Alis na ako.”

“Ingat ka,” hinaplos ni Storm ang ulo ni Peanut na palibhasa’y tutang-tuta pa ay tulog na uli. “Take care of our baby. At uulitin ko ‘yung sinabi ko na basta you need my help, call my name and I’ll be there. You’re my lord... at idadagdag ko na ring mula ngayon ay alipin mo na ako.” Ngumiti muli ang binata at bahagya pang yumuko sa kanya.

Hindi na sumagot si Lorde at lumabas na ng pintuan. Habol ito ng tingin ni Storm.

Kahit sa likod, maganda ang view ng dalaga, naobserbahan ng binata. Matambok pala ang puwet nito at ang ganda ng shape. Napasipol tuloy siya sa hangin nang walang sound.

At masigla niyang nilinis ang pinagkainan nilang dalawa.

 

SUBAYBAYAN!