My Pretty Photobomber (Part 15)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-15 labas)
PAGKARATING naman sa kanila ay sinilip ni Lorde ang mga papers ni Peanut. Nalaman niyang talagang pure breed ito at kumpleto na sa shots. Napangiti siya. Medyo nakatipid pa siya nang konti. Maarte pa naman siya pagdating sa pet. Si Sam noon ay alaga rin niya sa injection at pagkain.
Inihiga niya si Peanut sa pagitan ng kanyang hita at nilaru-laro. Cute kumilos ito dahil na rin sa malagong buhok. At napakaganda ng mga mata na parang nangungusap.
Nasa ganoon siyang ayos nang mapasulyap sa picture ni Martin. Bahagya siyang natigilan nang biglang maisip na picture na ni Storm ang nakasabit doon!
Ipinilig niya ang ulo. Something is wrong with her, ramdam ni Lorde. May nararamdaman siyang mali sa sarili at hindi niya maitatanggi iyon.
Naalala niya ang pilyong ngiti ni Storm. Ang pagsulyap-sulyap nito sa pusod niya at legs—na sa halip na ika-offend niya ay medyo kinikilig pa siya. Ang masarap sa ilong na samyo ng katawan nito dahil sa mamahaling perfume. Ang seksing kabuuan. Ang mga malapandesal na masel. Ang pagiging hunk sa kabila ng totoong personalidad nito na isang corporate guy.
Napa-pout ng kanyang lips si Lorde. Magkaiba ng personalidad sina Martin at Storm. Napaka-mature ni Martin sa lahat nang bagay. Hindi rin ito pilyo. Kahit nagkakasama sila sa beach at nagkakasolo ay hindi ito nagte-take advantage sa kanya. Hindi siya tinititigan na para bang huhubaran na siya.
Si Storm, kahit mabait ay mukhang may pagka-naughty. Tila ba laging mananantsing kung may time.
Si Martin, kahit athletic ay parang kulang ang energy, parang walang buhay. Si Storm, kahit nakatayo lang at di nagsasalita ay full of life.
In short, mas may excitement, may thrill si Storm. Baka naman dahil mas malapit ang edad nila. Tingin niya ay matanda lang ito sa kanya ng two to three years. Hindi gaya ni Martin na malayo na ang agwat nila at mas seryoso na ito sa buhay.
Gusto rin niya ang pagiging mabulaklak magsalita ni Storm. Lord daw siya nito, at alipin naman niya ito. Natawa siyang bigla. Kahit alam niyang bola lang iyon, kahit paano ay kinikilig siya.
Inihiga niya si Peanut sa sofa at kinuha ang calling card ni Storm sa cork board at inilagay niya sa contacts niya sa kanyang cellphone ang number nito. Ang inilagay niyang pangalan ng binata: “Alipin”.
Muli siyang napatingin sa malaking picture ni Martin. Nakaramdam siya ng guilt na feeling niya ay nagtataksil siya rito.
Inamin na kasi niya sa sarili mula pa kanina—attracted na siya kay Storm!
Napabuntunghininga siya. Problemang puso!
**
KUMATOK si Storm sa pinto ng condo ni Aria. Maganda rin ang kita ng dalaga bilang account executive sa isang malaking media company kaya agad itong nakakuha ng sariling tirahan. Takot nga lang itong magmaneho kaya ayaw bumili ng kotse.
Tumawag ito sa cellphone niya at sinabing nasa shower pa ito. Bukas daw ang pinto, pumasok na lang siya. Pinihit niya ang seradura at pumasok sa loob.
Maliit lang ang kabuuan ng condo ni Aria, nasa 20 square meters lang siguro kasama na ang nag-iisang kuwarto. Tipikal na condo unit na sama-sama na ang salas, kusina at comfort room. May katamtaman ang laki na LCD TV at compact na sound system sa harap ng sofa. May mahinang music na pumapailanlang na bossa nova. Masarap iyon sa tainga at nakakapagpaganda ng mood niya. Bahagya niyang nilakasan ang volume.
Naupo siya sa sofa.
Lumabas mula sa banyo si Aria na bagong paligo. Nakabalot sa tuwalya ang buhok nito, naka-bikini at walang bra. Para itong cover ng isang men’s magazine sa ayos nito. Umaalug-alog ang nakabuyangyang na boobs nito habang mabilis na naglalakad. Naalala niya ang sexy star na si Ellen Adarna sa kaseksihan nito.
“Baka madapa ka,” biro niya rito. “Wala naman akong nakikita.”
Tumawa lang si Aria sabay pasok sa kuwarto nito. Inilapat lang ang pinto pero hindi ini-lock.
Nasa ganitong level na sila ng pagiging komportable sa isa’t isa. Okey lang kay Aria na makita na niya halos ang kaluluwa nito. Dati-rati, sa mga ganitong pagkakataon ay tinatalaban kaagad siya bilang lalaki at naiisip na ano kaya at gumawa siya ng moves tutal ay gusto naman niya ang dalaga? Napipigilan nga lang siya ng tamang values. Iniisip tuloy niya, soul mate lang talaga siguro ang turing ni Aria sa kanya kaya ganito ito katiwala sa kanya.
Pero kung ito siguro ang gagawa ng moves sa kanya, ibang usapan na iyon.
Noon iyon, naisip ni Storm.
Ngayon, first time niyang hindi naging interesado sa natural resources ni Aria. Para bang kung pamimiliin siya ng titingnan sa nakadamit na si Lorde at ang nakahubad na si Aria, kay Lorde pa rin tututok ang mga mata niya.
Saglit pa at ready na si Aria. Isang katangian nito ang mabilis mag-ayos at magbihis dahil hindi maarteng magdamit kaya hindi siya naiinip na hintayin ito. Naka-tight jeans ito at pink na blouse nang lumabas sa kuwarto. Humahalimuyak ang bango.
“Let’s go,” anito matapos i-off ang mga appliances at ilaw.
Sa isang disco bar niya ito inihatid. Bago ito bumaba ng kanyang Volks ay humalik sa kanyang pisngi.
“I’ll let you know kung magpapasundo ako, ha?” sambit nito. “Wala ka naman yatang lakad, ano?”
Tumango siya. Pero sa isip-isip ni Storm, sana ay huwag na lang. Ewan niya pero unti-unti ay tila napapagod na siya sa pagsisilbi kay Aria. Hindi gaya noon na pinaka-reward na niya ang makita paminsan-minsan ang hubad na kaseksihan nito pag nagpupunta siya sa condo nito, at mahalikan siya sa pisngi pag inihahatid niya.
Alam ni Storm kung bakit...
Sa ngayon, ang higit na nagpapasaya sa kanya ay si Lorde. Para siyang bagets na high school na makita lang ang crush, kumpleto na ang araw niya. Maisip lang niya ito, para siyang nakainom ng energy drink sa sobrang sigla.
Naalala niya ang picture ni Martin sa wall ng bahay ni Lorde. Nakaramdam siya ng insecurity.
Napahinga siya nang malalim. Ano ba ito, naging complicated ang kanyang problemang puso.
Bakit unang nakilala ni Lorde si Martin? Sana silang dalawa na agad ang unang nag-meet para ang picture niya ang naka-hang sa wall ng bahay nito.
Maingat siyang nagmaneho pabalik dahil nagsimula nang umambon at medyo basa na ang mga kalye. Ang namumuong sama ng panahon ay kasinglungkot ng kanyang damdamin ngayon.
SUBAYBAYAN!