Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 16)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-16 na labas(

NAPA-CHAT nang todo sa Facebook si Lorde sa kanyang mga kaibigan. Biglang-bigla ay nagkayayaan na gumimik sa place ng isa nilang barkada. Dahil medyo gusto rin niyang makaalis naman sa emotional roller coaster situation na pinagdaraanan ay pumayag siya at nag-commit sa mga ito na darating siya.

Agad siyang naligo. Nakabihis na siya nang magkomento si Tita Nora.

“Maulan,” puna nito. “Medyo gabi na rin. Mahihirapan kang makakuha ng taxi niyan. Tiyak na agawan sa may sakayan sa kanto.”

“Oo nga po, eh. Ngayon ko rin lang naisip,” sagot niya.

Saglit nag-isip si Lorde. Bihira ngang dumaan ang taxi sa lugar nila. Lalong mahirap magtaksi pag ganitong umuulan. Paano siya makakaalis? Lalong mahirap magdyip dahil punuan din tiyak. Napakagat siya sa mga kuko sa daliri.

Nang biglang mapatingin siya sa calling card ni Storm na nakatusok pa rin sa cork board. Napangiti siya at napapitik sa hangin.

“Yes!”

Alam na niya ang gagawin.

                                                               **

NANONOOD ng kanyang paboritong car show sa cable channel si Storm nang mag-ring ang kanyang cellphone. Napatingin siya sa kanyang relo. Kung si Aria ito, napakaaga naman yata para magpasundo. Iilang oras pa lang ang nakararaan mula nang ihatid niya ito. Dati-rati ay halos umaga na kung sunduin niya ito kung nasaan man.

Nagulat siya nang makitang numero lang ang nagrerehistro sa screen. Hindi si Aria ang tumatawag. Dinampot niya iyon at sinagot.

“Hello?” bungad niya.

“Ito ba ang aking alipin?” sagot ng nasa kabilang linya.

Napaka-sweet na boses kahit mataray ang dating. Nanlaki ang mga mata ni Storm at biglang kumabog ang dibdib. Bigla rin siyang nakaramdam ng saya.

“My Lorde?” tanong niya.

“Baliw, my Lorde ka riyan! Ako nga!” sagot ng dalaga sa kabilang linya na ang sweet na boses ay naging tipikal na barubal style nito. “Seryoso ka ba sa sinabi mong alipin kita?”

Napahinga nang masarap si Storm sa sobrang saya. “Oo naman. Ano ang maipaglilingkod ko sa isang namumukod-tanging kagandahan?”

“Nahihiya ako sa iyo kaya lang ay napasubo ako sa mga friends ko. May gimik kami, eh. Umuulan kasi, ang hirap kumuha ng taksi.”

Nahulaan na ni Storm ang ibig tukuyin ni Lorde. “Sige, ihahatid kita. Now na?”
“Hindi ba dyahi? Ang dami ko nang atraso sa iyo.”

“Hindi dapat nahihiya ang lord sa alipin. Ngayon na ba?” tanong niya uli sa dalaga.

“Okey lang talaga, ha?”

“Oo naman. Punta na ako riyan. Wait mo ako. Bubusina ako pag nasa tapat n’yo na ako.”

“Thank you,” paalam ni Lorde.

Iyon ang pinakamatamis na thank you na narinig ni Storm sa buong buhay niya.

Agad niyang ini-off ang TV, nagmamadaling nagbihis at kinuha ang kanyang Volks sa kinapaparadahan. Saglit pa, bumusina na siya sa tapat ng bahay ni Lorde.

Lumabas ang dalaga na may dalang maliit na handbag. Naka-T-shirt ito na mahaba ang manggas na kulay pink, cap na kulay pink at fitted na maong jeans. Medyo labas pa rin ang pusod nito. Naisip ni Storm na iyon ang fashion statement ng dalaga, ang labas ang tiyan. Napakaganda lalo nito sa kanyang paningin. Agad siyang bumaba at ipinagbukas ito ng pinto ng Volks.

“Thanks,” ani Lorde nang nasa driver’s seat na si Storm.

“Saan tayo?” tanong ng binata.

Sinabi ni Lorde ang place, na hindi rin naman kalayuan sa lugar nila.

Naobserbahan ng dalaga na maayos magmaneho si Storm, may pagka-defensive driver. Ngayon lang siya nakasakay sa Volkwagen, at totoo nga ang sinabi ng binata na pang-car show iyon. Maganda ang leather interior at maging ang upuan ay customized. Naka-set up nang todo ang stereo system na may napakasarap sa tainga na bass system. Maging ang steering wheel at ang kambyo ay accessorised. Ang alam niya sa Volks ay walang air-con pero meron iyon kaya malamig. Masarap sa ilong ang air freshener, pero mas prominent pa rin ang pabangong iwinisik ni Storm sa katawan.

Palihim niyang minasdan ang binata na concentrated sa pagmamaneho. Suot nito ang puting T-shirt na obvious ay corporate giveaway ng company ng mga ito. Naka-khaki cargo shorts at Sanuk shoes. Kahit sa simpleng porma ay ang guwapo nito. Ang bangu-bangong tingnan.

“Ang ganda naman ng ride mo,” komento ni Lorde. “Ang sosyal.”

“Ito kasi ang pinaka-girlfriend ko,” sagot ni Storm. “Ito rin lang naman ang pinagkakagastusan ko. May company car sana ako pero di ko na kinuha, problema ang parking sa atin. Ang ina-avail ko lang ay gasoline allowance.”

Iyon daw ang GF ni Storm, iyon ang pagkaintindi ni Lorde sa sinabi ng binata. Wala ba itong syota? Out of curiosity ay pasimple siyang nagtanong. “Buti hindi nagseselos ang totoong girlfriend mo sa kotse mo pag ginagastusan mo?”

“Wala akong syota,” with conviction na sagot ni Storm.

“Maniwala ako! Ikaw pa!”

Bahagyang bumitaw sa manibela si Storm at nag-cross fingers. “Seryoso.”

Humalukipkip si Lorde. “Humahaba ang ilong mo. Obvious na nagla-lie ka.”

Pinisil ng binata ang sariling ilong. “Sadya lang matangos ‘yan.”

Hindi na kumontra si Lorde. Totoo ngang maganda ang ilong ni Storm. Isa iyon sa main factors kaya guwapo ito.

Pero hindi talaga siya makapaniwalang wala itong syota kaya nag-usisa uli siya. “Nag-break kayo kailan lang kaya wala kang GF?”

Tumawa si Storm. “Para tayong nasa The Buzz, ah!”

“Wala nang The Buzz. Ano nga’ng nangyari?” pangungulit ni Lorde.

Huminga nang malalim si Storm. “Two years na akong loveless.”
“Asan na ‘yung girl? Bakit ka nakipag-break?”

Muling natawa si Storm. “Ako talaga ang nakipag-break, ha? Hindi ba puwedeng siya?”

“Magkuwento ka nga kasi...” muling pangungulit ng dalaga.

“Uhm, after college nakapunta siya ng Canada. Nakakilala ng French guy, dahil malungkot siya nag-fall kay French guy at nabuntis siya.”

Natahimik si Lorde.

Naalala niya si Martin.

Hindi kaya nakabuntis naman ito ng ibang babae kaya nawala?

Pinalis niya ang kabang naramdaman.

“Nasaktan ka?” tanong niya sa binata.

“Sort of. Well, siyempre. Pero dahil siguro hindi naman sa akin nanggaling ang pagkakamali sa relasyon, nag-move on na lang ako. Saka nagkatrabaho kasi ako kaya medyo nakalimot na rin.”

Hindi na uli nagtanong si Lorde. Bahagyang namayani ang katahimikan sa pagitan nila. Para bang may nagdaang anghel, ‘ika nga.

Napatingin sa labas ang dalaga. Malakas na ang ulan. Nakikita niya ang dami ng tubig na nahahawi ng wiper sa windshield.

Kinabahan siya na baka abutin sila ng baha.

 

SUBAYBAYAN!