Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 17)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-17 labas)

HABANG inihahatid siya ni Storm ay lumakas ang ulan. Nakikita ni Lorde ang dami ng tubig na nahahawi ng wiper sa windshield ng Volks ng binata.

“Grabe, ngayon pa umulan,” sambit niya. “Hindi pa naman yata sanay sa ulan itong car mo.”

“Astig ‘to. Kahit sa malalim na baha pag inaabot ako ay nailulusong ko. Malalaki kasi ang gulong nito kaysa ibang kotse kaya di inaabot ng tubig ang flooring at makina,” ani Storm.

Umayos sa pagkakaupo si Lorde. “Ngayon ako lalong nahiya sa ‘yo. Sobrang abala na ang nagagawa ko sa ‘yo, feeling ko ba.”

Hindi kumibo si Storm at nag-thumb’s up lang. Maya-maya ay ang binata naman ang nagtanong.

“Kayo ng boyfriend mo, matagal na?”

Hindi inaasahan ni Lorde ang tanong na iyon. Hindi siya handa. Napatingin siya sa kanang bahagi ng inuupuan niya. Tumatama ang patak ng ulan sa salamin. Naalala niyang muli si Martin.

Ewan pero biglang tumulo ang luha niya.

Maya-maya pa, nagka-sound na ang pag-iyak ng dalaga.

Nagulat naman si Storm sa naging reaksyon ni Lorde.

“S-sorry...” aniya. Binuksan ng binata ang compartment sa dashboard at inilabas ang kahon ng tissue at iniabot kay Lorde. Tinanggap naman iyon ng dalaga.

“Sorry,” ulit ng binata. “Nagkamali yata ako ng tanong. Let’s just pretend na hindi ako nagtanong, okey?”

Ang dalaga naman ang nag-thumb’s up habang nagpapahid ng luha. Tahimik nang nagpatuloy sa pagmamaneho si Storm.

Saglit pa, sumapit na sila sa place. Bahay iyon ng isang kasamahan ni Lorde. Nag-text ang isa sa dalaga na nasa loob na ang mga ito at tumuloy na lang siya.

“Okey ka na?” tanong ng binata.

Tumango si Lorde at inayos ang sarili.

Kinuha ni Storm ang payong sa likod na bahagi ng Volks, bumaba at pinagbuksan si Lorde. Kahit nagsesenti ay kinilig ang dalaga sa gesture ng binata.

Pinayungan ni Storm hanggang sa porch si Lorde kung saan naghihintay na ang nag-iinuman nitong mga kagimik. Natahimik bigla ang mga ito nang makita ang binata. Lahat ay parang nagulat nang makitang isang estranghero para sa kanila ang naghatid sa kanilang kaibigan.

“Guys, si Storm...” pakilala sa kanya ni Lorde sa mga dinatnan na sa tingin niya ay kasing-edad lahat nang dalaga. Pawang may mga hitsura ang mga iyon pero standout pa rin ang beauty ni Lorde para kay Storm. Anim ang mga iyon sa grupo. May malaking bote ng Tequila sa mesa, crushed ice, hiniwang lemon, iodized salt at kung anu-anong kukutin.

Malanding kumamay ang isa kay Storm. Nagsunuran ang iba na halatang kinikilig.

“Join ka sa amin,” alok ng isa. “Wala kaming pulutan, eh!”

“Oo nga,” ayon ng isa pa. “Ang yummy mo pa naman, parang ang sarap papakin!”

Ang lakas ng naging tawanan ng mga ito. Maging si Storm ay natawa.

Pinamulahan ng mukha si Lorde. “Oy, guys, behave! Nakakahiya kay Storm.” Lumingon ang dalaga sa binata. “Salamat sa hatid, ha? I owe you one.”

Pabulong ang naging sagot ni Storm. “Malakas na ang ulan. Hihintayin na kita. Sa kotse ako maghihintay.”

Nagulat si Lorde. “Naku, huwag na! Maiinip ka.”

Muling bumulong si Storm. “Mahirap umuwi pag gabi na. Maraming taxi drivers na rapist ngayon.”

Kinabahan si Lorde. Lagi nga palang napapabalita na may mga babaing nagagahasa ng taxi driver lalo na pag dis-oras ng gabi.

“Kaya mo talagang hintayin ako?” paniniyak niya sa binata.

“Oo. Hihintayin kita sa kotse. Hindi ako maiinip. I’ll watch movies in my iPad.”

Kahit nahihiya ay pumayag na rin si Lorde. “Sige. Huwag kang maiinip, ha? Matagal kaming magtsikahan.”

Tumango ang binata at nagpaalam na sa mga kaibigan ni Lorde. Isang friend ng dalaga ang pumisil sa braso niya. “Paalis na ang pulutan, pakurot naman kahit konti!”

Tawanan uli ang grupo. Napakibit-balikat na lang si Lorde sa kakikayan ng mga BFFs nito.

Saglit pa at nasa kanyang Volks na si Storm. Bahagya niyang iniawang ang binata ng kotse para pumasok ang hangin pero hindi naman siya mababasa ng ulan. Ini-recline niya ang upuan at ini-adjust para makahiga siya nang konti. Nakinig muna siya ng music sa kanyang iPod Touch tutal ay matagal na rin siyang hindi nakakapag-sound tripping.

Paminsan-minsan ay sumusulyap siya sa grupo nina Lorde. Napailing siya. Iba na talaga ang mga kabataan ngayon kahit babae, hard pa ang iniinom. Isa iyon sa dahilan kaya hindi niya maiwan ang dalaga. Baka masobrahan ito ng inom at kung ano ang mangyari rito pauwi.

Naalala niya ang pag-iyak nito kanina nang tanungin niya tungkol sa boyfriend nito. Kahit hindi ito nagkuwento, alam niyang may pinagdaraanan ito sa relasyon. Naawa tuloy siyang bigla rito kanina.

Magkagalit ba ang dalawa ngayon?

Siguro, naisip niya. Dahil kung okey ang dalawa, hindi ito magpapahatid sa kanya kundi sa boylet nito. At hindi ito magiging emotional nang mag-ungkat siya tungkol sa boyfriend nito.

Muli siyang nakaramdam ng awa kay Lorde. Namatayan na nga ng aso, may problemang puso pa. Ang dart sa heart nga naman kung tumusok, minsan ay parang bagyo—sunud-sunod.

Nasa ganoon siyang pagmumuni-muni nang mag-ring ang kanyang cellphone. Nag-message si Aria na sunduin daw niya ito in 30 minutes.

Nag-reply siya. “Sorry I can’t. Big bro in the house. Nag-iinuman kami.”

Sad face ang naging reply ni Aria, na may karugtong na, “OK. Will take a cab na lang. Thanks anyways.”

Nag-send siya rito ng thumb’s up sticker.

Tumingin siya sa grupo ni Lorde. Nakikita niya ang tila animated na kilos ng dalaga habang nakikipagtsikahan. May hawak na jigger ng iniinom na alak. Mukhang okey na ito ngayon. Matagal pa niya itong minasdan bago nangingiting sumandal muli sa upuan at nagpatuloy sa pakikinig ng music.

Maya-maya ay tumunog uli ang kanyang cellphone. Akala niya ay si Aria uli at mangungulit. Nagulat siya nang malaman kung sino.

Si Lorde...

Sumulyap siya sa grupo. Hawak ng dalaga ang phone nito at nakatingin sa kinapaparadahan ng kotse niya. Binasa niya ang message.

“Hindi ka nilalamok?” tanong nito.

Sumagot siya. “Seksi naman ang mga lamok, okey lang na makagat ako.”

“He-he,” reply nito. “Di kita mayaya rito, sorry, ha? Malalandi itong mga dabarkads ko, eh.”

Sagot niya, “Saka baka magselos ka pag may nagka-crush sa akin diyan.” Nilagyan niya ng smiley ang mensahe.

Reply ng dalaga, “Yabang!”

 

SUBAYBAYAN!