My Pretty Photobomber (Part 18)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-18 labas)
NAHIHIYA raw si Lorde kay Storm dahil hindi nito ma-invite ang binata sa inuman dahil malalandi ang mga kaibigan nito. Sagot naman niya sa text nito ay okey lang. dagdag pa niya, “Saka baka magselos ka pag may nagka-crush sa akin diyan.” Nilagyan niya ng smiley ang mensahe.
Reply ng dalaga, “Yabang!”
Nag-reply siya ng emoji na humahalik.
Ang reply nito, emoji na nang-uumbag. At text message: “Okey ka lang talaga, ha? Magtatagal pa kami.”
“Basta ikaw, my Lord-e,” sagot niya. “Ako’y alipin mo kahit hindi batid.”
Nag-reply na lang ito ng simpleng smiley.
At ewan ni Storm kung bakit nahalikan niya ang screen ng phone.
Muli siyang sumandal sa upuan. Nagbibinata ang pakiramdam niya sa sarili. Parang high school ang peg, ‘ika nga. May magawa lang na konti para sa minamahal ay masaya na.
Napatangu-tango siya sa huling naisip. Well, lalaki naman siya kaya aaminin na niyang kahit siya man ay nagtataka sa sarili at kailangan na niyang aminin na mahal na niya si Lorde. Love comes from the most unexpected places and time, sabi nga. Isa iyon sa mga hiwaga ng pag-ibig. At naramdaman niya iyon sa dalaga nang hindi inaasahan.
Malaki nga lang ang wall.
Taken na ito...
Napailing si Storm, at muling sumulyap kay Lorde na ngayon ay masaya nang nakikipagharutan sa mga BFFs.
“I love you, my pretty photobomber,” mahina niyang bulong sa hangin. Na na-wish niyang sana’y marinig ng dalaga.
Napangiti siya nang muli itong lumingon sa kinaroroonan niya at matagal na tumingin. Narinig ba nito ang bulong niya sa hangin?
Sana...
Bahagya namang tumila ang ulan at nakatulog siya nang mababaw habang nakikinig ng music.
**
NAALIMPUNGATAN si Storm nang mag-ring ang kanyang cellphone. Sadya niyang nilakasan muna ang volume ng ring tone para marinig niya sakaling makatulog siya.
Si Lorde...
Tapos na raw ang mga ito at mag-uuwian na.
Tumingin siya sa relo. Lampas alas dos na ng madaling-araw. Ini-start niya ang makina at nagsindi ng ilaw sa loob para malaman nito na natanggap niya ang message nito. Sinulyapan niya ang magkakabarkada. Nag-group hug pa muna ang mga ito bago naghiwa-hiwalay.
Unang umalis si Lorde. Napansin niyang medyo hindi diretso ang lakad nito, naparami yata ng ininom. Bumaba siya sa kotse at sinalubong ito. Inalalayang maglakad.
“May sasakyan ba ‘yung mga kasama mo?” tanong niya.
“Oo. ‘Yang SUV na black. Sabay-sabay sila riyan.”
Nakaparada ang nasabing sasakyan sa likuran ng Volks. Binuksan niya ang pinto ng kotse at inalalayang makaupo ang dalaga na agad napasandal sa upuan. Sumakay na rin siya at umalis na sila roon.
Mukhang nalasing ang dalaga, iyon ang napansin ni Storm. Lumakas siguro ang loob nito na makipagsabayan sa mga kaibigan dahil may maghahatid naman. Nakasiksik ang katawan nito sa upuan.
“Naparami yata ang inom mo?” puna niya.
“Kulit nila, eh,” anito. “Sabi nang ayoko ng hard ipinilit pa rin.”
Hindi kumibo si Storm.
“Saka gusto kong makalimot,” dugtong ni Lorde.
Napakislot si Storm. May pait sa pagkakasabi ni Lorde sa tinuran.
“Ano naman ang gusto mong kalimutan?” tanong niya.
“Wala. Akin na lang ‘yun.”
“Sige na,” pangungulit niya. “Handa akong makinig.”
Nag-bro fist sa balikat niya si Lorde. “Mr. Makulit ka talaga, Storm. Hayaan mo na, wala ‘yun. Emo lang ako ngayon, that’s it. Kaya nga nila ako niyayang uminom. Gusto nila akong damayan.”
“Puwede rin kitang damayan,” biro niya.
Muling nag-bro fist sa kanya si Lorde. “Kulit! Don’t worry, baka mai-share ko rin sa ‘yo minsan.”
“Can’t wait,” sagot niya.
Muling sumandal sa upuan si Lorde. Makalipas ang ilang sandali, tulog na ito.
Bahagyang binagalan ni Storm ang pagmamaneho. Dahil wala nang ulan at maliwanag ang mga ilaw sa poste ay kitang-kita niya ang kagandahan ni Lorde sa tabi niya. Sa kabila ng style nito na seksi kung magbihis ay halata pa rin sa dalaga ang pagiging inosente. Pure. Para pa rin itong high school student lang kung titingnan.
Napangiti si Storm nang maisip na ano kaya kung nakawan niya ito ng halik? Siya na rin ang pumigil sa kapilyuhang naisip. Ayaw niyang mawalan ito ng tiwala sa kanya.
Nang makarating sila sa Kalye Pagmamahalan ay tahimik na ang paligid at wala na ni isang tambay sa labas. Ipinarada ni Storm ang Volks sa tapat ng bahay nina Lorde. Walang ilaw sa pinaka-terrace. Naka-lock din ang gate. Nang lingunin niya ang dalaga ay medyo naghihilik ito sa sarap ng tulog.
Inisip niya kung ano’ng dapat gawin. Magdo-doorbell ba siya? Baka mabulahaw ang tita nito. Dapat kasi ay may ilaw sa terrace at naghintay ang matanda. Ano kaya ang usapan ng dalawa?
Minasdan niya si Lorde. Siguro naman ay magigising ito maya-maya nang konti. Pinatay muna niya ang makina ng kotse at iniawang nang konti ang mga bintana para sa ventilation. Hihintayin na lang niyang maalimpungatan ito.
Makalipas ang ilang sandali, palibhasa’y hindi sanay mapuyat ay naghikab si Storm. At nang sumandal siya nang todo sa upuan, hinila na rin siya ng antok.
Samantala, ganoong oras naman ang schedule ng ronda ni Chairman Gerry. May konti kasi itong insomnia at pag nakakaikot ito sa kanilang barangay ay madaling nakakatulog pagbalik sa bahay. Nagulat ang opisyal—at nagtaka—kung bakit sa tapat ng bahay nina Lorde nakaparada ang Volks ni Storm.
Pasipul-sipol ito nang mahina habang papalapit sa Volks ni Storm. Nang mapatapat ay bahagyang tumigil. Napakunot ang noo nito nang mapansing may tao sa loob ng sasakyan. Bahagya itong umuklo at sumilip.
Lalo itong nagulat at nanlaki ang mga mata sa nakitang eksena sa loob!
Tulog sina Storm at Lorde. Ang dalaga ay bahagya pang nakahilig at nakayakap sa binata!
Muntik nang mapa-“Shit!” si Chairman Gerry sa nakita. Nagmamadali itong umalis doon. Naiiling.
Akalain ba niya? Kailan lang ay halos magpatayan ang dalawa sa barangay, ngayon ay nagmamahalan na?
Malisyosong napangiti ang barangay chairman at napa-English sa sariling iniwan na ang nasaksihang eksena. “Kids these day... Tsk-tsk!”
SUBAYBAYAN!