My Pretty Photobomber (Part 19)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-19 na labas)
NAKITA ni Chairman Gerry na nasa loob ng Volks sina Storm at Lorde at bahagya pang nakayakap ang dalaga sa binata. Nagulat ang chairman at nagtaka na kamakailan lang ay magkaaway pa ang dalawa pero ngayon ay nagmamahalan na. Malisyosong iniwan na lang ng local official ang inakalang romantic scene.
Lumipas pa ang maraming sandali. Naalimpungatan si Lorde nang makarinig ng tilaok ng mga manok. Nagulat din siya nang bumalik ang huwisyo at mapunang nakayakap siya kay Storm sa loob ng kotse nito!
Agad siyang kumalas sa binata!
Pinakiramdaman ni Lorde ang sarili. Baka “pinakialaman” siya ni Storm!
Wala naman siyang naramdamang kakatwa sa katawan maliban sa konting sumpong ng migraine sanhi ng hang-over.
Kumunot ang noo niya at napatingin sa binata na masarap pa rin ang tulog.
Walang sabi-sabi, sinapak niya ito sa pisngi. Para siyang nagpatay ng lamok sa nilikhang tunog ng pagdapo ng kamao niya sa pisngi nito!
Nagulat naman si Storm at biglang nagising! Napahawak ito sa pisngi.
“Bakit mo ako sinapak?” takang tanong nito.
Gigil na sumagot ang dalaga. “Eh, bakit hindi mo ako ginising? Bakit hinayaan mong dito ako makatulog? Plano mo talaga ‘yun para makapanantsansing ka dahil tipsy ako kagabi, ano?”
“Hindi...” depensa ng binata na hawak pa rin ang pisngi. “Di ka kasi magising tapos di ko naman malaman kung kailangan mong gisingin ang tita mo.”
Gigil na inilapit ng dalaga ng mukha sa binata. “Baka natsansingan mo ako, ha? Malaman-laman ko lang hahambalusin uli kita ng baseball bat!”
Pinigil ni Storm ang mapangiti. Kahit pala bagong gising si Lorde ay ang bango ng hininga nito.
“Siyempre hindi ko gagawin ‘yun,” sagot ng binata. “Pinagkatiwalaan mo ako, sisirain ko ba ang tiwala mo sa akin? Hindi, ‘no?”
Bahagyang natigilan ang dalaga at kinontrol ang inis na naramdaman. Kapagkuwa’y hinanap nito sa bag ang susi ng gate. Tinapik sa braso si Storm. “Thanks!”
At nagmamadali na itong lumabas ng Volks. Nagmamadali rin ito sa pagbubukas ng gate at pinto. Medyo madilim pa pero kita ni Storm na kumaway ito sa kanya na tila nag-bye bago pumasok sa loob ng bahay.
Naiiling na napangiti si Storm.
Kakatwa talaga ang karakter ni Lorde!
Ang hilig manakit, huh! Akalain ba niyang agad siyang nasapak? At papaluin daw uli siya ng baseball bat as if may collection ito ng inihambalos sa kanya nang una siyang awayin nito. Napahawak siya sa pisnging kanina lang ay sinapak nito.
Ang sarap sa pakiramdam...
Ganoon pala ang feeling pag ang sapak ay galing sa minamahal.
Napangiti si Storm nang maalala ang “kapilyuhang” ginawa.
Ang totoo ay gising na siya kanina nang maalimpungatan si Lorde. Nagkunwari lang siyang tulog, pero ang totoo ay ini-enjoy niya ang pagkakayakap nito sa kanya. Napakabango nito kahit medyo may samyo ng tequila. Kahit nga ngawit na ngawit na siya ay hindi siya kumikilos huwag lang mawala ang pagkakayakap ng dalaga sa kanya.
Napabuntunghinga ang binata. Ang babaw-babaw na niya ngayon. Ganoon lang ay masaya na siya.
Siya na rin ang nagbigay ng katwiran sa naisip. Pag mahal mo ang isang tao, lahat nang kababawan na tungkol dito ay sapat na para magbigay ng ligaya.
Binuhay niya ang makina ng Volks at nag-park siya sa kanyang slot. Umuwi siya sa bahay at saka itinuloy ang pagtulog na si Lorde pa rin ang iniisip
**
HINDI muna uli nag-report sa kanyang work nang araw na iyon si Lorde dahil medyo may hangover pa siya. Eksakto naman na dumating ang mommy niya para dalawin siya. Nagkukuwentuhan na sila nang mapansin nito si Peanut.
“O, iba na ang aso mo. Asan na si Sam?” usisa nito.
Ikinuwento niya sa ina ang nangyari sa alaga. Sinabi rin niya rito kung kanino galing si Peanut.
Nagbiro ang kanyang mommy. “May bagong guy na kakilala na nagbigay ng tuta, hindi kaya maging boyfriend mo rin ‘yan? Ganyan ang nagiging cycle ng love life mo, eh.” Tumawa ang matandang babae pagkasabi niyon.
Hindi sumagot si Lorde. Kumislap sa isip niya ang nagisnan niyang eksena na nakayakap siya kay Storm at nakahilig pa ang ulo niya sa dibdib nito. Para silang magsyota. Napangiti tuloy siya nang wala sa loob.
Pinuna iyon ng kanyang mommy. “O, kumikislap pa ‘yang mga mata mo. Mukhang in love ka na naman.”
“Hindi, Mom, ha?” tanggi niya.
Nagkibit-balikat ang mommy niya. “Hay, naku, Lorde... babae rin naman ang mommy mo. Alam na alam ko ang mga ikinikilos ng isang babae pag in love. Saka anak kita, wala kang maitatago sa akin kahit pa may inililihim ka.”
Hindi na siya sumagot pero lalong namula ang pisngi niya sa sinabi ng ina.
“Sana lang ay hindi rin siya basta mawala kagaya ng ex mo,” kapagkuwa’y sambit nito.
“Hindi ko ex si Martin, Mom,” depensa niya.
“E, ilang taon na ba siyang wala? Pag ganoon na katagal na hindi nagpapakita at hindi mo pa naman asawa, ex-boyfriend na ‘yun. Asawa nga hindi na bumabalik, boyfriend pa ba ang hindi?”
Wala siyang naging tugon.
Magkatabi silang mag-ina sa sofa at nagkakape habang pinapanood si Peanut na nilalaro ang isa niyang tsinelas. Hinila siya ng ina palapit dito. Niyakap siya at parang baby na hinaplos sa buhok.
“Mag-move on ka na kay Martin,” anito. “You’re a very, very smart girl. Huwag mong sayangin ang panahon sa paghihintay sa kanya. You’re too young para maging martir sa pag-ibig. Saka kung talagang mahal ka niya, hindi ka niya iiwan. Hindi siya basta mawawala na para kang tangang iniwan. Ayokong makialam sa love life mo pero bilang ina ay ayoko rin namang nasasaktan ka. At dahil ginagawa ka niyang parang tanga, ayoko na sa kanya!” May konting galit sa boses nito.
Humigpit ang yakap ni Lorde sa ina. Saglit pa, ang pinipigil niyang luha ay kusang kumawala. Nagkaroon din ng sound ang kanyang pag-iyak.
“Sige lang, iiyak mo ‘yan,” tuloy ang kanyang ina sa paghaplos sa kanyang buhok. “Mas gagaan ang dinadala mo pag makakaiyak ka, hindi ‘yang magtatago ka sa kunwari’y tapang mo.”
At umiyak nga nang umiyak si Lorde.
SUBAYBAYAN!