Skip to main content

style="display:inline-block;width:468px;height:60px"
data-ad-client="ca-pub-9362195310998077"
data-ad-slot="5538685548">

My Pretty Photobomber (Part 25)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-25 labas)

NAPASIMANGOT si Lorde nang maglandi kay Storm ang baklang host sa program na ginaganap sa kanilang barangay.

“Ano ang kakantahin mo, Papa Storm?” tanong ng baklang host sa binata.

“Bakit Ngayon Ka Lang...”

Tumili ang bakla. Tumitig nang matagal bago yumakap uli kay Storm. “Oo nga po, e. Bakit ngayon lang kayo? Pero hindi bale, pwede pa naman po tayong humabol!”

Tawanan uli ang mga nanonood, at lalo namang napasimangot si Lorde.

Ang landi ng baklang ito, sigaw ng isip ng dalaga. Ang sarap kalbuhin!

Saglit pa, humanda na si Storm.

Nang magsimulang kumanta ang binata, natahimik ang lahat.

Si Lorde, na-surprise!

Ang husay pala nito. Ang ganda pa ng singing voice!

Ilang dalagita ang hindi nakatiis at sumabay pa sa kanta ng binata at nagsilbing female voice sa kanta.

Ninamnam ni Lorde ang kinakanta ni Storm. Ewan niya pero pakiwari ba niya ay may kinalaman iyon sa kanilang dalawa.

“Bakit ngayon ka lang dumating sa buhay ko
(Bakit ngayon lang dumating sa buhay ko)
Pilit binubuksan ang sarado ko nang puso
(Pilit binubuksan ang aking puso)
Ikaw ba ay nararapat sa akin
(Ikaw ba ay nararapat sa akin)
At siya ba’y dapat ko nang limutin
(At siya ba’y dapat limutin)
Nais kong malaman, bakit ngayon ka lang dumating
(Nais malaman bakit ngayon lang dumating)...”

Napayuko si Lorde. Bakit nga ba ngayon lang dumating si Storm kung kailan laman na ng kanyang puso si Martin?

But, wait... halos hindi na nga niya naiisip ang boyfriend. Ex-boyfriend, diin ng isip niya.

Ang lakas ng tilian ng mga dalagita nang matapos ni Storm ang kanta. Bababa na sana ito sa stage nang pigilan ng baklang host.

“Sandali lang, Papa Storm. Napansin ko lang, ang dami mong fans na young girls. Puwede bang mag-request ng isa pang kanta?”

Hindi agad nakasagot si Storm.

Nagtanong ang baklang host sa audience. “Gusto n’yo pa bang mag-request ng kanta kay Papa Storm?”

“More! More!” sagot ng audience na namamayani ang tili ng mga dalagita.

“Teka, para mas masaya... sino sa magagandang bagets na ito ang marunong kumanta?” tanong ng baklang host sa mga dalagitang magugulo at malalakas tumili.

Isang dalagita ang agad umakyat sa stage. Napakagandang bagets na mala-Liza Soberano.

“Ang taray ni Ate, ha?” biro rito ng baklang host. “Akyat agad-agad talaga. Pero pag sa classroom, takot matawag ni Ma’am!”

Halakhakan ang mga tao.

“Pero in fairness pang-beauty queen siya. Ang tangkad! O, ano ang kakantahin ninyo?”

Bahagyang nag-usap si Storm at ang dalagitang umakyat sa stage. Saglit pa, nag-duet ang mga ito ng “Ako’y Sa ‘Yo Ika’y Akin Lamang” na remake ni Daniel Padilla.

At hindi na natutuwa si Lorde!

Lalo pa’t habang kumakanta ang dalawa ay payakap nang payakap ang dalagita kay Storm na ikinakikilig at ikinatitili ng mga kasamahan ng bagets.

Ikaw na ang may sabi na ako'y mahal mo rin

At sinabi mong ang pag-ibig mo'y di magbabago
Ngunit bakit sa tuwing ako'y lumalapit, ika'y lumalayo
Puso'y laging nasasaktan pag may kasama kang iba, oh...
Di ba nila alam tayo'y nagsumpaan
Na ako'y sa 'yo at ika'y akin lamang...”

Nang magtitigan nang malagkit sina Storm at ang dalagita, maghawak ng mga kamay habang kumakanta at lalong lumakas ang tilian nang medyo magdikit pa ng mga mukha, nasaktan na nang todo si Lorde!

Sobra na ang mga napapanood niya. Sobra na!

 

SUBAYBAYAN!