Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 26)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-26 na labas)

NANG magtitigan nang malagkit sina Storm at ang dalagitang ka-duet nito sa stage, maghawak ng mga kamay habang kumakanta at lalong lumakas ang tilian nang medyo magdikit pa ng mga mukha, nasaktan na nang todo si Lorde.

Nag-walkout ang dalaga sa panonood!

Dahil feeling niya, kung hindi siya aalis doon ay baka mapaakyat siya sa stage nang hindi oras at sabunutan ang magandang bagets. Mauuwi ang romantic scene sa action!

Nang matapos naman ang number niya ay nagtaka si Storm na wala na sa puwesto nila si Lorde. Kinuha niya ang cellphone at tatawagan sana niya ito, pero may text message pala ito sa kanya.

At ang mensahe: “Taksil!!!”

Napakamot sa ulo ang binata.

Lumapit sa kanya si Chairman Gerry.

“Umuwi na ‘yung syota mo,” bulong nito sa kanya. “Nagselos sa ka-duet mo.”

Agad siyang sumunod sa bahay nina Lorde.

Si Tita Nora ang nagbukas ng gate nang mag-doorbell siya. Pinapasok siya nito. Nakangiti lang sa kanya ang matanda nang itanong niya rito si Lorde.

Nakaupo sa sofa ang dalaga at nilalaro si Peanut. Nakasimangot ito. Naupo siya sa tabi nito.

“O, bakit narito ka?” singhal nito sa kanya. “Baka ma-miss ka ng pang-Miss World na ka-duet mo!”

Napangiti si Storm. Gotcha, sa isip-isip niya.

“Nagseselos ka ba?” tanong niya kay Lorde.

“Bakit ako magseselos? Ang sabi ko lang, baka ma-miss ka no’ng katorse anyos na ka-duet mo. Enjoy na enjoy ka nga kanina, e. Nagtititigan pa kayo!” muling singhal nito sa kanya.

“Sabi mo nga katorse anyos lang ‘yun. Ayoko namang mabitay. Saka for the spirit of fun and camaraderie lang ‘yun sabi nga ni Chairman kaya nakikisakay lang ako.”

“Huuu, nakikisakay! Tuwang-tuwa ka nga, e!”

Lumapit siya kay Lorde at bumulong. “Selosa ka pala. Pero gusto ko ‘yan. Ibig sabihin niyan, mahal mo na ako.”

Hindi sumagot ang dalaga.

Hinawakan niya ito sa kamay. Nang hindi ito pumalag ay hinawakan niya ang mukha nito at ipinihit sa kanya. “I love you, Lorde. I love you since the first time I saw you.”

Tumingin sa kanya si Lorde.

Inulit niya ang sinabi. “I love you.” Ang kamay nito na hawak niya ay idinikit pa ni Storm sa kanyang puso.

Sumeryoso ang nakasimangot na mukha ng dalaga. “Lapitin ka pala ng chicks. Baka ako ang maraming kaagaw sa ‘yo,” anito.

Ngumiti si Storm. “Ganoon lang ang mga bagets kasi mga bata pa. Saka katuwaan lang ‘yun. Hayaan mo, promise from now on ay sa ‘yo na lang ako titingin.”

Dumikit pa siyang lalong dito. Dikit na dikit. Lumipat tuloy sa lap niya si Peanut.

“So, from now on ay tayo na?” tanong niya kay Lorde.

Yumuko ang dalaga. Matagal. Pagkatapos ay tumunghay ito at napatingin sa picture ni Martin.

Huminga nang malalim ang dalaga kapagkuwan. “Ayoko munang mag-commit, Storm. Gusto ko munang magkaroon kami ng closure ni Martin. Ayokong pumasok sa isang bagong relasyon na walang malinaw na pagtatapos sa kinapapalooban ko pang relasyon kahit wala na kaming communication. I hope you understand.”

“Mahal mo pa ba siya?” ungkat ni Storm.

Hindi sumagot ang dalaga.

Bahagyang nakaramdam ng pagkatalo ang binata.

Malungkot siya nang muling magtanong. “Ano na ba ang status ko sa puso mo, Lorde?”

Tumingin sa kanya ang dalaga. “Gusto ko muna talaga ng closure, Storm. Sa ngayon, iyon ang importante sa akin bago ko tanungin ang puso ko tungkol sa ‘yo.”

Mapait na napangiti si Storm. Saang libro ng pag-ibig kaya niya hahalukayin ang sitwasyon niya ngayon? Nagseselos na si Lorde pero ayaw namang mag-commit sa kanya dahil nakabilanggo pa ito sa alaala ni Martin. Gusto tuloy niyang tanggalin ang picture nito sa wall at pagtatapakan sa inis!

Hinalikan ni Lorde si Peanut at tumayo na. “Halika, balik na tayo sa barangay. Baka hanapin tayo ni Chairman.”

Malungkot na sumunod sa paglabas ni Lorde si Storm. At muli ay nahulog siya sa maraming pagtatanong dahil nakahawak na naman ito sa kamay niya—pero hindi pa sila.

Nahiling niyang sana naman ay huwag mauwi uli sa friendship ang lahat nang ito. Dahil kung magaan niyang natanggap ang naging sitwasyon niya kay Aria, pag si Lorde ang nag-friendzone sa kanya ay baka ma-devastate na siya nang todo.

Biglang-bigla, sa gitna ng kasiyahan sa kanilang barangay, pakiramdam ni Storm ay siya ang pinakamalungkot na nilalang sa buong mundo.

 

SUBAYBAYAN!