My Pretty Photobomber (Part 3)
Ni KC CORDERO
(Ikatlong labas)
SA kanila naman ay hindi matapus-tapos ang pagtawa ni Lorde. Hindi siya maka-move on sa eksenang nasaksihan kanina sa barangay. Akalain mo ‘yun? Napaka-hunk nang sumipa kay Sam pero pag nagugulat pala ay nag-aastang beki!
Parang nakapagkit sa isip niya ang biglang pagtili nito at pagtataas ng dalawang kamay sa pagkagulat. Pagkatapos ay natutop ang bibig.
“Beking-beki!” aniya at humalakhak uli. Nahahampas na niya ang kanyang higaan sa sobrang tuwa. Nang mapagod sa katatawa ay humihingal na nahawakan niya ang tiyan.
Kasama niya sa kuwarto si Sam, na takang-takang nakatingin sa amo at kung nakakapagsalita lang ang aso ay baka itanong nito sa kanya kung napo-possess ba siya o ano?
Sabagay ay hindi ito ang unang pagkakataon na nakasaksi si Lorde na may guy na straight na tumili. Well, she’s assuming na ang “kriminal” kanina ay hindi naman bakla.
Noong second year high school siya ay may nanligaw sa kanya na fourth year high school na basketball player ng kanilang varsity team—si Danry. Malaking lalaki ito at kahit 17 years old pa lang ay mamang-mama na ang dating. Member naman siya ng cheerleading squad. Crush niya si Danry, at obvious na type siya nito. Madalas silang magkuwentuhan pag nagkakasabay sila ng praktis sa gym.
Parang sila na, though hindi pa nagsasabi sa kanya si Danry na love siya nito. Madalas siyang i-text at padalhan ng love quotes—na ikinakikilig niya. Minsan ay nagsabi itong ihahatid siya.
After school ay nagkita sila sa labas ng campus. Walking distance lang ang bahay nila noon sa school, at bago siya inihatid nito ay bumili muna sila ng tigisang waffle on stick at malaking cup ng Slurpee sa isang convenience store. Habang daan ay nagkukuwentuhan sila, at parehong kinikilig habang nagkakadikit ang kanilang mga braso. Si Danry pa ang maydala ng mabigat niyang backpack.
Sa bangketa na daraanan nila bago dumating sa mismong bahay nila ay may isang tindahan na may awning o canopy na yari lang sa ordinaryong plastic at may maliliit na tabla bilang poste para hindi mainitan ang mga kumakain na karamihan ay mga taxi driver. Kung bakit naman eksaktong pagtapat nila sa awning ay saka nag-ingay ang magsyotang pusa na nagse-sex at naghabulan sa bubong. Sa sobrang rough ng dalawang pusa—na nature ng mga ito pag nasa stage na nagse-sex—ay nakarating ang paghahabulan kung saan-saan hanggang sa mahulog ang mga ito sa awning.
Diretso kay Danry!
At sa pagkagulat niya—at ng mga taxi driver na kumakain, napatili ang hunk na basketball player at nabitawan ang mga kinakain!
Ang tili nito ay parang tili rin ng isang beki! Nasambit pa nito matapos ang mahabang “Ayyy!” ang isang private part ng mga kababaihan na nagsisimula sa letter “P”, at napatalon na parang nakakita ng daga habang nakatupi ang mga binti.
Tawanan ang mga taxi driver!
Maging si Lorde ay ang lakas ng tawa sa naging reaksyon ni Danry. Nagmukha kasi itong beki sa paningin niya dahil sa ginawang pagtili. Walang tigil ang kanyang pagtawa noon.
Napahiya yata, hindi na siya nito inihatid hanggang sa kanilang bahay at iniabot na sa kanya ang kanyang backpack. Mula noon, hindi na rin ito lumapit sa kanya at hindi na niya nakita mula nang maka-graduate ng high school.
At ngayon, nasaksihan na naman niya kanina ang ganoong “unguarded moment” sa lalaking malupit sa aso pero tumitili pala.
Bumangon siya at nagpunta sa kusina kasunod si Sam. Uminom siya ng tubig, kasunod pa rin ang doggie. Lagi itong nakasunod sa kanya pag nasa bahay siya. Kapagkuwa’y nagpunta siya sa salas at nahiga sa malambot na sofa.
Iniisip pa rin niya ang “kriminal” kanina.
Mukhang bago lang ito sa kanilang street. Hindi niya kilala ang mga kapitbahay pero somehow ay pamilyar sa kanya ang mukha ng mga tagaroon. Parang ngayon lang niya ito nakita.
Cutie ito para sa pamantayan niya. Maganda ang height. May katawan na bagaman at hindi pa batu-bato ang masel batay sa tingin niya sa mga braso nito ay nakahulma naman. Moreno na may pilyong mga mata na nagbe-betray ng pagiging makulit nito. Early 20’s at mukhang may work na. Gusto niya ang asta nito na parang maangas—liyad ang dibdib, gumagalaw ang mga balikat kung maglakad at parang NBA player kung buhatin ang mga paa.
At halatang malakas. Akalain ba niyang mabasag sa kamay nito ang baseball bat na inihataw niya rito kanina ay made of high grade plastic iyon?
Cool din ang dating dahil mukhang marespeto. At hindi siya pinatulan kahit ilang beses niyang dinutdot ng hintuturo ang dibdib nito.
Napangiti siya nang may maalala. Maging ang dibdib nito ay matigas! Para bang ang sarap pagsandalan ng mukha.
Napasulyap si Lorde sa wall. Bahagya siyang natigilan nang mapatingin sa malaking picture ni Martin.
Napatakip siya sa bibig sabay bulong habang nakatingin sa larawan. “Sorry, babae lang po. Kinikilig-kilig kung minsan!”
Binuhat niya si Sam, kinalong at hinilot ang leeg hanggang sa makatulog ito.
Mahal na mahal niya si Sam. Ito na lang kasi ang tanging alaala na naiwan sa kanya ni Martin.
At tuluyan nang nag-emote si Lorde. Kung kanina ay mamatay-matay siya sa pagtawa, ngayon naman ay may luhang namuo sa kanyang mga mata.
**
DAHIL tinamad nang maglaba si Storm ay nanood na muna siya ng NBA games. Naiisip niya habang pinapanood ang laro ng paborito niyang team na mukhang malas yata ‘yung paghingi ni Aria ng tulong kanina. Masarap pa kasi ang tulog niya nang gumising siya nang tumawag ito. Kung bakit hindi pa agad sinabi kagabi na magpapahatid sa kanya.
Naalala niya si Sam. Ngayon siya nakadama ng awa sa doggie na nasipa niya kanina. Make no mistake about it, he loves dogs at may alaga rin siya noong high school siya. Pero ngayon, sa dami ng ginagawa niya ay di na niya magawang mag-alaga muli lalo pa’t he believes that having a pet is a commitment. Para ring syota ang pet na kailangang i-care.
Napatigil siya sa pagmumuni-muni nang may kumatok sa kanyang pintuan. Sino na naman kaya ito, naitanong niya sa isip. Nang buksan niya ang pinto, ang barangay tanod na supladito uli ang napagbuksan niya.
SUBAYBAYAN!