Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 4)

Sinulat ni KC CORDERO

(Ikaapat na labas)

KUMPARA kanina nang una siya nitong puntahan ay iba ngayon ang ngiti ng barangay tanod. May halong pang-aasar. Iniisip siguro nito na “bumigay” siya kanina nang tumahol si Sam kaya ang impresyon nito ngayon sa kanya ay isang “paminta”.

Inisip ni Storm, ano kaya kung bigla niya itong buhatin at ibagsak sa kalsada para matauhan ito at malaman kung gaano siya kaastig?

“Tawag ka ni Chairman Gerry,” anang tanod.

Kumunot ang noo niya. “Bakit?”

“May reklamo uli sa ‘yo.”

Nagulat siya. “H-ha? Nagkaayos na kami ng may-ari ng aso kanina, ah?”

Hindi sumagot ang tanod at umalis na. Ini-lock niya ang pinto at sumunod na rito papunta sa barangay.

Pagpasok niya sa opisina ni Chairman Gerry ay may kausap ito na matandang lalaking payat, nakasalamin at nakasombrero ng para sa isang war veteran. Maging ang pananamit nito ay pagkakakilanlan na isang itong beterano ng World War II, lalo pa’t ang mga nagtanggol noon sa ating bayan ay proud na ipakita na bahagi sila ng pakikidigma sa mga kaaway sa pamamagitan ng kanilang fashion statement. May ilan ding itong medals na nakakabit sa chaleco nito.

“Maupo ka,” alok sa kanya ng chairman.

Naupo siya katabi ng matanda, na agad tumingin sa kanya.

“Siya ba ‘yung may-ari ng Volks?” tanong nito sa chairman.

Kinabahan si Storm. Bakit kaya? Ano’ng problema sa Volks niya? Naka-park kasi iyon malayo sa bahay niya sa kanilang kalye.

Tumikhim ang chairman. “Si Mang Vic,” pakilala nito sa kanya sa matanda. “Sa tapat ng bahay niya naka-park ang iyong Volks.”

Bago siya nakapagtanong kung ano’ng problema ay nagsalita na si Mang Vic. “Alisin mo ‘yung Volks mo sa tapat ng bahay ko,” anito. “Ayaw kong may sasakyan na nakaparada roon. May hika ako, e, mausok pag nag-i-start ka. Hindi ako makahinga.”

Napabuga sa hangin si Storm. Paano mangyayaring mausok ang Volks niya ay nasa tip-top condition iyon? Isa pa, madalas maimbita iyon sa mga car shows kaya wala talagang problema. Pagkaka-start naman niya ay umaalis agad siya kaya hindi nagpopondo ng usok lalo pa at hindi siya nagpaparebolusyon ng silinyador gaya ng ibang driver bago umabante.

“Ihanap mo na lang ng ibang parking area,” si Chairman Gerry.

Kumamot siya sa ulo. “Puwede po bang mai-park ko roon hanggang bukas?” pakiusap niya sa beterano. “Promise po, pagbalik ko sa hapon ay hindi ko na ipa-park doon.”

Sumigla si Mang Vic. “Ayos naman palang kausap ang batang ito, Chairman.” Kinamayan siya. “Salamat, utoy.”

Napangiti siya sa huling sinambit nito. Utoy. Ang lola lang niya ang tumatawag sa kanya nang ganoon at musika iyon sa pandinig niya. Nagkaroon tuloy siya ng konting fondness sa matanda kahit malaking problema para sa kanya ang gusto nitong mangyari.

Issue kasi sa kalye nila ang parking. Noong bagong dating siya roon, nagkataon na hindi sa side ng bahay nila ng kalsada ang parking, kung saan-saan siya nagpa-park. Ang katapat kasi niyang bahay ay puro halaman ang nakalagay sa harapan, obvious na ayaw may mag-park sa tapat nito.

Nang una siyang mag-park sa kalyeng iyon, kinabukasan nang papasok na siya sa trabaho ay may malaking plastic garbage bag sa ibabaw ng kanyang Volks. Lumipat siya. Nilagyan naman ng dumi ng tao ang windshield sa kanyang nilipatan! Hanap uli siya ng iba pero samutsaring perhuwisyo ang inabot niya—ninakawan ng side mirror, binali ang windshield—at ang pinakamasaklap, may nag-scratch sa pintura. Nang mailipat niya sa tapat nina Mang Vic ay medyo okey naman maliban sa laging iniihian ni Sam ang mga gulong. Ngayon na lang nagreklamo si Mang Vic.

Bigla, may naisip siya. Hindi kaya ang pretty girl na nakaaway niya ang nag-udyok kay Mang Vic na huwag siyang payagang mag-park sa tapat ng bahay nito?

Hindi naman siguro...

Naunang umalis si Mang Vic. Naiwan siyang nahulog sa mahabang pag-iisip. Saan na naman siya hahanap ng mapaparadahan ng kanyang Volks?

“Problema talaga rito ang parking,” si Chairman Gerry.

Naisatinig niya ang nararamdamang pagkadismaya. “Oo nga po, eh. ‘Yung iba kasi puro halaman ang nasa tapat ng bahay nila sa halip na napaparadahan ng ibang may sasakyan na nagbabayad naman ng road users tax. Para bang sila ang may-ari ng kalsada. Hindi ba magagawan ng paraan, Chairman, na maalis ‘yung mga paso ng halaman sa kalye dahil obstruction iyon sa mga nagdaraang sasakyan?”

Medyo pikon ang chairman nang magsalita dahil ‘ika nga ay parang sinukat niya ang political will nito. “Wala tayong magagawa dahil sa mga interior streets na ganito ay kanya-kanyang tapat ang labanan. Nagkataon na hindi sa mismong tabi ng bahay mo ang parking side.”

Gusto pa sana niyang mangatwiran pero pinigilan na niya ang bibig. Bago lang siya sa lugar na iyon, mahirap nang makainitan ng mga lider.

Nagpaalam siya sa chairman at malungkot na lumabas ng barangay hall. Napatingin siya sa kanilang street sign.

Kalye Pagmamahalan.

So ironic, naisip ni Storm. Eh, wala naman siyang nararamdamang pagmamahalan sa lugar na iyon.

Pagdating niya sa bahay ay eksaktong tapos na ang NBA game na pinapanood niya. His team lost.

He murmured some cuss words para mailabas kahit paano ang mga sama ng loob.

Nagpagabi siya ng uwi kinabukasan, halos hatinggabi na matapos makipag-boys night out sa mga dating kaklase noong college tutal ay wala uli siyang pasok bukas. Pagbalik niya sa Kalye Pagmamahalan, may mga paso na rin ng halaman sa tapat ng bahay ni Mang Vic. Napailing siya, mukhang hinintay lang talaga siyang makaalis kanina bago nilagyan ng harang ang slot. Umikot siya sa buong kalye, wala talagang maparadahan. Nakaramdam siya ng frustration. Malamang na bumili na siya ng motorsiklo at ibalik na lang sa kanyang parents ang Volks tutal ay malaki ang garahe nila sa kanilang ancestral house.

Sa kawalan niya nang mapaparadahan, sa tapat mismo ng bahay muna niya ipinarada ang Volks. Wala naman sigurong daraang sasakyan hanggang magising siya kinabukasan.

Dahil pagod at medyo nakalimang bote ng light beer—his maximum—agad inantok si Storm matapos ikabit ang kanyang iPod Classic sa multimedia speaker na may malupit na bass system. Nilakasan niya ang volume na hindi naman dinig sa kapitbahay. Saglit pa, nasa dreamlandia na siya.

Ewan niya kung nananaginip lang siya makalipas ang ilang oras ng pagtulog pero naalimputangan siyang may naririnig na malakas na busina na parang galing sa isang trak. May mga satsat din ng boses ng mga tao na tila nagsisigawan. Tiningnan niya ang relo, alas singko ng umaga. Maaga pa, usually ay 7 AM siya bumabangon. Nilakasan pa niya ang volume ng multimedia speaker para di na siya maabala ng busina.

At nakatulog siyang muli.

 

SUBAYBAYAN