Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 5)

Sinulat ni KC CORDERO

(Ikalimang labas)

ALAS OTSO na ng umaga nang magising si Storm. Tumakbo agad siya sa treadmill para mawala ang carbo intake niya kagabi. Takot siyang tumaba, kaya pag nakakainom siya ng beer ay agad siyang nagpapapawis.

Naalala niya ang kanyang Volks. Sinulyapan niya iyon sa labas. Kailangang mailipat niya mamaya, o dalhin na niya sa bahay ng parents niya pag wala pa rin siyang mapaparadahan.

No choice, naisip niya.

Dapat kasi ‘yung unang nagmay-ari ng bahay na ito ay pinataasan na lang ang yari para naging garahe ang pinakasilong. May labahan pa sana at sampayan. Kahit di niya kilala ang nagplano ng bahay ay nasisi niya ito. Parang mga taga-gobyerno rin—banat nang banat nang walang forecast sa hinaharap.

Mukhang mapipilitan siyang bumili ng motorsiklo kung sakali. Hindi na siya sanay mag-commute. At least kung motorsiklo ay puwede niyang ipasok sa salas ng bahay, hindi na niya problema ang parking.

Nagtitimpla na siya ng kape nang may kumatok sa pinto. Bigla siyang kinabahan. Unti-unti na siyang nagkaka-phobia kapag may kumakatok sa pinto niya.

Ibinaba niya ang tasang iniinuman ng kape at binuksan ang pinto. Bahagyang siyang nagulat.

Si Chairman Gerry ang nabungaran niya, nakasimangot ito.

“Good morning, Chairman,” bati niya rito.

‘Walang maganda sa umaga!” galit na sagot nito. “Bakit dito mo sa tapat ng bahay mo ipinarada itong Volks mo? Hindi tuloy nakadaan ang trak ng basura kaninang madaling-araw. Alam mo bang ang dami mong pinerhuwisyo!”

Napakamot siya sa ulo. Nakalimutan nga pala niyang ilipat agad dahil may koleksyon lagi ng basura pag madaling-araw. Iyon siguro ang narinig niyang kaguluhan kanina nang maalimpungatan siya.

Pero saan naman niya ililipat ay kung saan-saan na nga siya napapasuot pero laging pinaaalis? Gusto niyang isagot dito, bakit hindi ang mga halaman ang inalis para nakadaan ang trak ng basura? Muli, pinigilan niya ang bibig. Bago pa lang siya sa lugar, at unti-unti na siyang nakakainitan doon.

“Nagalit si Lola Tale,” si Chairman Gerry uli sa matigas na tinig. “Dating chairwoman ‘yun dito. Ipapa-tow daw ‘yang sasakyan mo sa mga taga-Department of Public Safety. Puntahan mo na bago siya makapagsumbong sa munisipyo, malakas ‘yun doon. Number 14344 ang bahay niya.”

“Opo, Chairman...”

Tinitigan muna siya nito nang matalim bago umalis. Tila gusto siyang gulpihin sa sobrang panggigigil at galit na tinitimpi.

Nag-give up na si Storm. Iuuwi na niya mamaya sa lumang bahay nila ang Volks at kukuha muna siya ng scooter, napagdesisyunan niya. Pero bago iyon, kailangan muna niyang aregluhin ang sinasabing si Aling Tale na dati palang kapitana ng barangay.

Sanay siyang manlandi ng mga lola. Napangiti si Storm. Nag-quick shower siya. Isinuot ang kanyang bagong NBA uniform na Lebron James, nilagyan ng gel ang kanyang buhok at pina-spike iyon. Nagwisik siya ng kanyang mamahaling pabango. Dala niya ang maliit na box ng brazo de mercedes na iniuwi niya kagabi nang lumabas ng bahay para puntahan si Aling Tale.

Hinanap niya ang number 14344. Isa pa iyon sa kakatwa sa Kalye Pagmamahalan, bawat bahay ay nagsisimula sa 143 ang number.

Bandang dulo ng kalye ang bahay ni Aling Tale. Malaking bahay iyon at mukhang maykaya ang matanda dahil malaking bahagi ng kalye ang nasasakop nito. Ang tapat nito ay maraming halaman na nakaharang, obvious na ayaw ring magpa-park. Maganda ang bakuran sa loob na sobrang lawak.

Nag-doorbell siya sa gate. Dalawang beses. Maya-maya ay natanaw niyang may lumabas na lola na donyang-donya ang dating kahit nakapambahay lang. Early 60’s na mukhang masungit at medyo hawig kay Tita Winnie Monsod. Mukhang bawal talaga ang pasaway rito, naisip niya.

Binuksan ng lola ang gate. “Ano iyon?” tanong nito sa makapangyarihang tinig. Waring sinisino siya.

Hinagip niya ang kamay nito at nagmano. “Bless po, Lola Tale,” aniya.

Kahit nagugulumihanan ay sumagot ito. “Kaawaan ka ng Diyos. Sino ka ba? Hindi naman kita apo, ah?”

“Ako po si Storm,” pinalungkot niya ang boses at ang anyo. “’Yung may-ari po ng Volks na nakaharang sa kalsada,” yumuko siya.

Bago pa nakapagsalita ang lola ay masuyong niyakap niya ito at ikinulong sa kanyang matitigas na braso. Tiniyak din niyang malalanghap nito ang mamahalin niyang pabango. “Sorry po, Lola Tale. Wala po kasi akong maparadahan kaya iniwan ko muna sa tapat ng bahay ko. Sorry na po, ha? Hindi raw nahakot ang inyong basura. Ako na lang po ang magtatapon.”

Pogi powers. At para namang dalagitang kinilig ang lola sa naging gesture niya. Tinapik-tapik nito ang matitigas niyang braso. “Okey na iyon, anak... huwag mo na lang uulitin.”

Niyakap muna niya ito nang mahigpit bago binitawan. “Salamat po, Lola. Heto nga po pala ang masarap na tinapay, peace offering at baka na-high blood kayo kanina.”

Malanding tinampal siya ng lola sa braso. “Naku, wala ‘yun. Pero huwag mo na akong bigyan niya at baka aalmusalin mo yata ‘yan.”

Kinuha niya ang kamay nito at pilit ibinigay ang kahon ng brazo de mercedes. “Kunin n’yo na po. Isa sa specialty namin ‘yan. Diyan po ako nagtatrabaho.”

“Ay, siya... sige at salamat,” anito at may panggigigil na pinisil ang braso niya. Muntik na siyang napatili na naman dahil ang napisil nito ay ang tinamaan ng palo ng dalagang nakaaway niya noong isang araw! Buti na lang at napigil niya ang mapatili.

Aalis na sana siya nang magtanong ito. “Bago ka lang dito, ano?”

“Opo...”

“Wala kang maparadahan ng sasakyan mo?”

“Opo...”

Tumingin sa kanya ang matanda. Waring sinusuri siya. Maya-maya’y sumulyap sa mga halaman sa tapat nito. Ibinalik sa kanya ang tingin. “Maliit lang ‘yung kotse mo, di ba?”

“Opo. Para lang isang malaking pagong.”

Itinuro ng lola ang mga halaman. “Iusod mo ‘yung ibang mga paso ko papunta sa banda roon. Kumuha ka ng space na kasya ang kotse mo. Diyan ka na lang mag-park.”

Nangislap ang mga mata ni Storm. “T-talaga po, Lola?”

“Oo. Kawawa ka naman, eh. Ang pogi-pogi mo pa naman.”

Napabalik siya sa harapan nito, at sa tuwa ay nabuhat niya ito at para siyang si Richard Gomez na nai-Dawn Zulueta ang lola!

Habang pabalik siya sa bahay para kunin ang Volks matapos makapag-usod ng mga halaman ni Lola Tale at masaya sa thought na sa wakas ay tapos na ang parking space issues niya, na-realize ni Storm na somehow, someone knows how to really care for others sa Kalye Pagmamahalan.

God is so good.

 

SUBAYBAYAN!