Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 6)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-6 na labas)

SA bahay nina Lorde ay hindi mapakali ang dalaga.

Nawawala si Sam!

Nai-stress na si Lorde sa paghahanap sa kanyang makulit na pet. Maging ang Tita Nora niya ay nakihanap na rin dahil kung minsan ay nagtatago ito sa mga bunton ng tuyong dahon sa kanilang bakuran. Pero wala talaga. Kung minsan ay nakalalabas din ng kanilang gate pero bumabalik naman.

Nang medyo dumilim na at wala pa rin ito, nagsimula na siyang mag-panic. Ngayon lang nawala si Sam nang ganito katagal.

Out of frustration, nag-post siya ng picture ni Sam sa kanyang Facebook account at nag-status ng: “Sam is missing!”

Pero kung minsan ay insensitive ang mga nasa social media. Lalo siyang na-stress sa mga naging comments ng kanyang mga kaibigan:

“Naku, pinulutan na ‘yan!”

“Nadampot na ‘yan ng city pound!”

“Nadekwat siguro ng kalakal boys!”

At kung anu-ano pa.

Iisa lang ang nagbigay ng medyo maayus-ayos na komento: “Baka may naghe-heat na female dog diyan sa inyo, nanliligaw tiyak ‘yan. Hanapin mo kung sino’ng may bitch diyan, naroon tiyak ‘yun at gustong makatsuktsak-tienes!”

Inalis na niya sa kanyang timeline ang status na iyon. Naisip niyang “binata” na nga pala si Sam at bahagi niyon ang paghahanap nito ng bitch na malalahian.

Nang bigla siyang may maalala...

Hindi kaya dinampot ng lalaking sumipa rito na ipina-barangay niya? Baka natiyempuhan at isinakay sa Volks nito saka inihagis kung saan!

Sure kasi siya na kung ang ibang kapitbahay nila ang nakakita kay Sam, ibabalik iyon sa kanya. Nangyari na rin noon na nakalabas ito ng gate nila pero nakasalubong ng isa nilang kapitbahay at iniuwi sa kanila.

Nagtagis ang mga bagang ni Lorde.

Lumabas siya sa kalye. Nakita niya sa bandang dulo sa tapat ng bahay ni Lola Tale ang Volks ni Storm. Pumasok siya sa loob ng bahay at nag-print ng picture ni Sam, at kapagkuwa’y nagdiretso sa barangay hall.

Papaalis na sana si Chairman Gerry nang maabutan niya. Napatingin ito sa kanya. “Ano’ng atin?” bati nito sa kanya.

“Nawawala po ang aso ko, Chairman,” aniya rito. “At feeling ko, ninakaw!” halos mapaiyak na siya.

Pumasok muli sa opisina ang chairman. “Kailan pa ba nawala?” tanong nito at sinenyasan siyang maupo.

Ipinatong niya ang printed photo ni Sam sa mesa.

“Kanina pa pong after lunch,” umiyak na si Lorde. Kung anu-ano kasing naiisip niya na kinasapitan ng kanyang paboritong pet.

Dinampot ng chairman ang picture ni Sam at minasdan iyon. “O, sige... hayaan mo at bukas na bukas din ay ipahahanap ko sa mga tanod ko.”

“Di po ba may CCTV tayo sa ating kalye? Puwede po bang ma-review ang mga footages?” mungkahi ni Lorde. “Baka po kasi nahagip ng camera kung may dumampot sa kanya.”

Naghihintay na ang nilutong kare-kare ng misis nito pero hindi nakatanggi ang chairman sa hiling ni Lorde. Part of the job, ‘ika nga. Sinenyasan nito ang sekretarya na i-review ang video footages mula alas dose ng tanghali sa CCTV.

Malinaw ang kuha sa CCTV dahil mataas ang resolution ng camera. Hagip nito ang medyo may kaiklian na kabuuan ng Kalye Mapagmahal. Maya-maya ay nakita nila sa screen si Sam na maharot na tumatakbo.

“Oh!” reaction ni Lorde at natutop ang dibdib. Halos hawakan niya ang screen. Pinanood pa nila ang footage.

Sa sumunod na eksena ay kitang-kita na naglilinis ng Volks si Storm gamit ang timba at tabo. Napatingin ito kay Sam nang makalapit ang aso. Akmang iihi si Sam sa gulong pero binuhusan ito ni Storm ng tubig. Napatakbo ang JRT.

“Ang walanghiya!” napasigaw si Lorde. “Walanghiya talaga ang lalaking iyan!”

Sa hindi maipaliwanag na dahilan ay nagkaroon ng technical problem ang video. Walang makita maliban sa blank screen. Nang magkaroon uli ng images ay Volks na lang ni Storm ang nakikita at mga taong napapadaan. Wala na rin si Sam.

Nagpapalahaw si Lorde. “Pinatay niya! Galit siya kay Sam kaya pinatay niya!”

Napakamot sa ulo ang chairman. “Sandali, miss, huwag agad tayong maghusga.” Dinampot nito ang picture ni Sam at tumayo na. “Halika sa bahay niya, itanong natin kung saan nagpunta ang aso mo matapos niyang buhusan ng tubig.”

Pinaputok ni Lorde ang mga daliri sa kamay. Huwag magkakamali ang hambog na iyon sa pagsagot. Kahit kasama niya ang chairman, uupakan niya ito!

Ang chairman ang kumatok sa pintuan ni Storm pagdating nila sa bahay nito. Pagbukas nito ng pinto, medyo nanlaki ang mga mata ni Lorde.

Mukhang nagpapapawis ang binata. Naka-shorts ito ng pambasketbol, nakapaa lang at walang pang-itaas. Basambasa ang katawan nito. Walang tiyan, maganda ang posisyon ng mga masel sa dibdib at maganda ang medyo nakataas na balikat. Umiwas siya ng tingin sa katawan nito. Biglang-bigla, para siyang na-tense at nawala ang plano niyang sasapakin ito pag nagkamali ng sagot!

Nagulat naman si Storm nang mabungaran sila. Dinampot ng binata ang towel na nakasampay sa isang silya at ibinalot sa katawan.

“T-tuloy kayo, Chairman...” yaya nito sa kanila. Inisip ni Storm kung ano na naman ang atraso niya. At bakit kasama ng chairman ang matapang na magandang dalaga?

“May sasabihin daw itong si miss,” ani Chairman.

“Eh, pasok po muna kayo. Dito tayo mag-usap sa loob,” pagpipilit ng binata.

Tumingin kay Lorde ang chairman. Ewan kung bakit napatango siya bilang pagsang-ayon na okey lang na pumasok sila sa bahay ni Storm. Curious kasi siya sa lalaking ito—kahit galit siya rito.

Nagsuot ng muscle T-shirt si Storm. Pinaupo sila sa may dining table. Bago ito nagtanong sa mga dumating ay mabilis na nagpakulo ng brewed coffee sa coffeemaker at naghanda ng dalawang tasa sa mesa. Kumalam ang tiyan ni Lorde nang maamoy ang aroma ng kape.

May kinuha sa ref si Storm at inilagay sa tigisang platito.

Mini cakes!

At mukhang ang sasarap!

Lalong nakaramdam ng gutom si Lorde lalo pa’t hindi siya nakapagmeryenda dahil sa kahahanap kay Sam. Ang hilig-hilig pa naman niya sa cake! Sabi nga niya, ang “magic word” para mawala ang pagod niya, ang galit, stress at lahat nang negative sa buhay niya ay iisa—cake.

Nagbuhos ito ng kape sa dalawang tasa at nilagyan ng tigisang tinidor ang dalawang mini cake. Ito na rin ang naglagay ng sugar and cream sa kape. Mukhang sanay magtimpla, obserbasyon ni Lorde.

“Meryenda muna kayo,” alok sa kanila ni Storm.

Mahirap magpanggap sa harap ng nag-aanyayang pagkain. Kahit naiisip ng chairman ang masarap na kare-kare ng misis ay umiral ang hilig nito sa kape. Niyaya nito si Lorde. “O, kain daw muna tayo.”

 

SUBAYBAYAN!