My Pretty Photobomber (Part 7)
Nobela ni KC CORDERO
(Ika-7 labas)
NANG hainan ni Storm si Lorde at si Chairman ng meryenda ay biglang nakaramdam ng hiya sa binata ang dalaga.
“K-kain ka rin,” alok ni Lorde kay Storm.
Ngumiti si Storm na kita ang mapuputing ngipin. “Tapos na ako. Sige lang, enjoy my humble merienda.”
Nagbukas ito ng ref at kumuha ng power drink. Iyon ang ininom.
Tinikman ni Lorde ang mini cake. Konti lang muna ang idinampi niya sa taste bud niya. Napakasarap! Nang tingnan niya ang chairman ay halos paubos na nito ang para rito. Ang takaw ni Chairman, huh, anang isip niya. Nilubos na rin niya ang pagkain sa cake. Isinunod niya ang kape na napakasarap ng timpla.
Nang makita ni Storm na ubos na ang meryenda ay naglabas ito ng dalawang bote ng mineral water at ibinigay sa kanila. Nakainom na ng tubig ang dalawang “bisita” nang magtanong ang binata.
“Ano po ba ang atin?” kay Chairman Gerry ito nakatingin.
Tumikhim ang chairman at sumulyap kay Lorde. “E, nawawala kasi ang aso nitong si miss. Nanood kami sa CCTV, ang huling nakita namin ay binuhusan mo siya ng tubig.”
Gusto sanang magsalita ni Lorde. Pero naisip niyang napakaingrata naman niya na pinainom na nga siya ng masarap na kape at pinakain ng masarap din na cake, magtataray pa siya? Besides nasa loob siya ng bahay nito. Teritoryo kumabaga iyon ni Storm. She remains silent at hinayaan nang ang chairman ang bumangka sa harapang iyon.
Tumingin kay Lorde si Storm. Ngayon ay alam na ng binata ang dahilan ng surprise visit na ito. Lihim siyang napangiti. Pinagbibintangan siya na may kinalaman sa nangyaring pagkawala ng aso ng dalaga. May kakulitan din talaga ang kagandahang ito, naisip niya. Sa kanya pa talaga ibibintang ang pagkawala ng aso ay takot nga siya roon.
Naalala niya ang nangyari nang bugawin niya si Sam. “Kasi iihian na naman niya ‘yung gulong ng kotse ko kaya medyo tinapunan ko ng konting tubig. Baka kasi kagatin ako, eh,” malumanay na katwiran ni Storm.
Bigla, naalala ni Lorde ang pagkakatili ni Storm nang tahulan ni Sam sa barangay. Napahalakhak ang dalaga. Hindi niya napigil!
Takang-takang napatingin sa kanya ang chairman. Maging si Storm ay nagtapon sa kanya ng quizzical look.
“W-wala... wala!” ani Lorde nang mahamig ang sarili. At kung kanina ay gusto niyang ipamukha kay Storm na ito ang kumuha kay Sam, iba na ang atake ng tanong niya. “Hindi mo ba napansin kung saan siya gumawi?” aniya sabay kagat sa hinlalaki para hindi na mapatawang muli.
“Doon siya tumakbo sa pakanan na kalye. Akala ko naman sadyang inalpasan lang para umihi kung saan-saan,” paliwanag ng binata, na may halong konting biro at sarcasm.
Makalipas ang ilang sandali ay tumayo na ang chairman. “Salamat sa kape at pasensya na sa abala.” Tinapik nito si Lorde. “Hayaan mo, ineng, bukas ay ipahahanap ko sa mga tanod.”
Dismayado sa kanyang sarili si Lorde na tumayo na rin. Tumingin kay Storm na ngayon ay pilyong nakatitig sa kanya. “Pasensya na, ha? Naabala ka yata. Salamat sa meryenda.”
Nagkibit-balikat si Storm at ngumiti. “No problem. Basta ikaw, willing akong laging maabala at magpameryenda.”
Duh! Gusto sanang isagot dito ni Lorde. At bakit?
Nakalabas na ng pinto ang chairman kaya mabilis nang sumunod dito si Lorde. Feeling kasi niya ay namamagneto siya sa mga ngiti ni Storm na mas matamis pa sa ipinakain nitong mini cake.
Sinundan ni Storm ng tingin ang dalaga habang papalayo. Napailing siya nang maalala ang pagtawa nito kanina. May palagay siyang alam niya ang dahilan kung bakit. Naalala nito ang “pagtili” niya nang tahulan siya ni Sam sa barangay hall.
Well, darating din ang araw na malalaman nito kung gaano siya kabarako.
Nang makauwi naman sa kanila, bukod kay Sam ay may isa pang nagpapaaburido ngayon kay Lorde.
Si Storm...
**
AYAW muna niyang maguluhan ang puso niya. Iyon ang naging disposisyon ni Lorde mula nang “mawala” sa kanyang buhay si Martin. Hindi ito sumakabilang buhay kundi literal na nawala. Naglahong parang bula. Kung bakit, hindi rin niya alam.
Samantalang noon, ang pangako nito sa kanya ay he will spend the rest of his life with her.
Nakaramdam siya ng lungkot, at nagbalik sa kanyang memory ang mga nakaraan nila ni Martin.
Nakilala niya ito noong second year college siya. Member siya ng kanilang cheering squad. Mahilig siya sa pagsasayaw, kaya ang course niya ay inter-disciplinary studies. Gusto niyang maging physical education instructor. Masipag siyang mag-summer kaya October pa lang ay kumpleto na siya sa course. By next year ay magmamartsa na lang siya come graduation. Trainer nila noon si Martin sa squad.
Fil-American ito pero parehong Filipino ang parents. Lumaki sa States, nagbakasyon minsan sa Pilipinas at medyo nagustuhan ang lifestyle dito. Dahil mahilig sa outdoor activities at isang dance choreographer noong nasa US pa, iyon ang naging raket dito.
Kabilang ang university nina Lorde sa naging client ni Martin. Ito ang nagturo sa kanila ng mahihirap na stunts, and later on ay naging mentor din ng hip-hop dance group kung saan member din ang dalaga.
Eighteen years old pa lang si Lorde nang ma-meet niya si Martin. Nang ipakilala ito sa kanilang group ng kanilang dean, head over heels agad siya rito. Guwapo, with surfer’s skin, matangkad, malupit ang diction pero maayos din namang mag-Tagalog dahil pareho ngang Pinoy ang parents at sinanay raw ito sa pagsasalita ng ating Pambansang Wika. Malaki nga lang ang age gap nila, halos nine years.
But love sees no barriers. Kahit binatang-binata na ito noon at dalagita pa lang halos siya ay na-in love siya rito. Palibhasa’y dancer, patay na patay siya sa husay nitong magsayaw. “The Moves” nga ang tawag nila rito. At halata rin naman niya na kahit marami sa mga co-dancer niya ang nagpapakita ng motibo rito, sa kanya lagi nakatutok ang mga eyes ni Martin.
Marami siyang flings noong high school siya just like any ordinary young girls, pero si Martin ang unang official boyfriend niya. After a couple of dates ay naging sila na. Nang lagi na silang magkadikit, she found out that he smells good all the time kahit pa lagi itong pinapawisan dahil sa active lifestyle.
SUBAYBAYAN!