Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 8)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-8 labas)

NAALALA pa ni Lorde, malaki ang naitulong sa kanya ni Martin para maging independent minded, madiskarte sa buhay at marunong humawak ng pera. Dahil mahusay siyang sumayaw at maraming naituro na steps ang boyfriend ay napabilang siya sa isang sexy female dance group na regular sa isang noontime show. Ang bahay niya ngayon sa Kalye Pagmamahalan ay katas na ng kanyang sariling pawis—at nabili niya kahit nag-aaral pa lang siya noon. Mura lang kasi ang mga properties sa lugar na iyon na dating pag-aari ng mga OFWs na hindi nabayaran nang buo sa bangko at na-foreclose. Dahil minor pa lang siya, sa mommy niya muna nakapangalan ang property.

Namatay ang kanyang ama when Lorde was only six due to organ failure. Lounge singer ang kanyang mom sa mga hotel, at married na uli sa isang pastor pero hindi na nagkaanak. Ang Tita Nora niya na matandang dalaga na kapatid ng dad niya ang kasama niya sa bahay. Parang sariling anak kung ituring siya nito.

Anyway, okey ang love life nila ni Martin, at akala nga niya pagsapit niya ng 25 years old ay magpapakasal na sila. Plano niya noon na magkaroon ng sariling fitness center na siya mismo at ang boyfriend ang magma-manage for their future.

Pero nang third year college na siya at palapit na ang summer vacation ay nagpaalam si Martin na bibisita muna sa relatives sa US at babalik din agad. Pagkaalis nito, she didn’t hear from him again.

Hindi na tumawag. Hindi naman niya alam ang phone number nito sa US.

Nawala ang mga social media accounts nito. Wala pa naman silang common friends na may alam sa whereabouts ni Martin o ng sinuman sa pamilya nito. Solo lang kasi sa condo na inuupahan nito noon ang binata, at sadyang secretive sa maraming aspeto ng buhay nito. Siya pa naman ang klase ng girlfriend na hindi palatanong.

Nang mag-e-mail siya, mailer daemon ang nag-reply. Inactive na ang e-mail address nito.

Nag-try siyang mag-search ng mga images nito sa net at binisita ang mga websites na nakalagay ang picture nito, nag-message sa mga bloggers na nag-feature dito pero wala siyang nakuhang feedback.

Wala tuloy siyang nagawa noon kundi ang umiyak.

Pero sabi nga, time heals all wounds. At dahil bata pa siya, madali siyang naka-recover lalo pa nang makabili na siya ng sariling bahay at lupa. Naka-move on siya sa heartaches and pains nang pagkawala ni Martin, pero may isa naman itong alaala na naiwan sa kanya—si Sam.

Hindi siya nagdaos ng engrandeng party noong debut niya. Simpleng kainan lang. Wala na siyang mga bisita nang dumating si Martin dala si Sam na noon ay two months old pa lang. First baby raw nila, biro pa nito.

Mabait si Sam, masyado nga lang active na tipikal sa isang Jack Russell Terrier. Marami itong sinirang shoes niya. Restless ito pag hindi siya nakikita. Kung minsan ay naghuhukay ng lupa at doon mahihiga pag medyo malalim na. ‘Yun daw ang mga traits ng isang JRT. Smart din ito at maraming tricks na alam, lalo na ang play dead pag kunwari ay binabaril niya ito.

Somehow, sa pagkawala ni Martin ay parang si Sam ang nagpuno sa biglang paglalaho ng kanyang boyfriend.

Ang masaklap nga lang, pati si Sam ay nawawala ngayon.

Matapang si Lorde, pero ngayon ay maya’t maya siyang napapaluha. Pati ba naman si Sam ay mawawala pa?

Lumakas ang kanyang pag-iyak. Parang ang pag-iyak din niya noong maging hopeless siyang makakuha ng sagot kung bakit nawawala si Martin.

Sa kanila, napatingin naman si Storm sa naiwang picture sa mesa ng kanyang mga bisita kanina. Dinampot niya iyon.

Picture ni Sam. Nakalimutang dalhin ni Chairman Gerry.

Napakaamo ng mukha ni Sam sa larawang iyon, at parang hinaplos ang puso niya.

Bigla, may naisip si Storm.

                                                           **

SAKAY ng kanyang mini folding bike, kinabukasan ay umikut-ikot si Lorde sa ibang kalye sa kanilang barangay sa pag-asang makita si Sam. Hindi pa siya nakakalayo ay natigilan siya sa nakita.

Si Storm...

Nagdidikit ang binata ng mga photos ni Sam. Huminto siya sa medyo malayo rito. Tiningnan niya ang isang idinikit nito sa poste na photo ni Sam, katulad ng dala niya sa barangay hall kagabi. Naiwan nga pala niya sa bahay ng binata. Ipinaayos pa siguro nito kung kaninong artist para malagyan ng mga detalye. ‘Have you seen this cute dog?’ ang pinaka-teaser. Ang inilagay nitong address kung saan dadalhin ang aso sakaling makita ay sa barangay hall nila o kay Chairman Gerry.

Ay, na-touch naman siya sa gesture nito!

Pero bigla rin niyang pinawi iyon. Malay ba niyang nagpapanggap lang ito para hindi mapagbintangan na may kinalaman sa pagkawala ni Sam?

Itinuloy niya ang pagbibisikleta hanggang mapatapat kay Storm.

Napansin siya nito.

“Good morning,” bati sa kanya ng binata.

Tumango lang siya. Hindi siya ngumiti o ano man. Dedma lang, ‘ika nga.

“Nagpa-print ako ng marami nito,” itinuro ng binata ang lalagyan ng mga posters. “Para kung sakaling may nakakita sa kanya, alam kung saan isosoli.”

Nagpakawala siya ng mahinang, “Salamat.” Ipinagpatuloy na niya ang pagbibisikleta.

Malayo na si Lorde nang may maalala si Storm.

Hindi siya maaaring magkamali!

Mamaya, pagkatapos niyang magdikit ng mga larawan ni Sam ay titiyakin niya ang kutob niya.

Natapos namang maikot ni Lorde ang mga kalye pero wala ni anino ni Sam. Malungkot siyang umuwi ng bahay. Umiinom siya ng juice at nakatunghay sa bintana sa pag-asang basta na lang susulpot ang kanyang pet nang matanaw niya sa tapat ng bahay niya si Storm na nagkakabit pa rin ng posters.

Minasdan niya ito. Napangiti siya nang mayabang na mag-stretch ito ng mga kamay at medyo mag-stationary jogging. Nagpilig din ito ng leeg. Alam niyang nangangawit na ito. Naka-sleeveless na T-shirt ito, basketball shorts at loafers. Okey ring pumorma, naisip niya. At sexy. Maya’t maya ay nagpapahid ito ng pawis sa noo gamit ang kamay.

Napalingon ito sa bahay niya. Bigla siyang nagtago! Hindi pa nito alam na iyon ang kanyang bahay. Naramdaman siguro nito na may nanonood sa ginagawa nito. Saglit pa, sa medyo malayo na ito nagkakabit ng posters.

Tinapos ni Lorde ang pagmemeryenda. May trabaho pa siya, at kailangan niyang magmadaling kumilos. Ang hirap pa namang kumuha ng taxi sa lugar nila. Agad siyang naligo at nagbihis.

Papunta na siya sa abangan ng taxi nang makasalubong si Storm.

Ewan ni Lorde pero biglang tumibok nang mabilis ang puso niya!

 

SUBAYBAYAN!