Skip to main content

My Pretty Photobomber (Part 9)

Nobela ni KC CORDERO

(Ika-9 na labas)

PAPASOK sa trabaho at papunta na si Lorde sa abangan ng taxi nang makasalubong niya si Storm. Hindi niya alam kung bakit pero biglang-bigla ay lumakas ang tibok ng kanyang puso! Pinilit niyang maging kalmante kahit sobra siyang nate-tense.

Ubos na ang posters ni Sam na dala nito kanina, at malaking stapler na lang ang nasa kamay ni Storm. Ngumiti ito nang magtama ang kanilang mga mata. Killer smile na may pagkapilyo.

“Malayu-layo ang nakabitan ko,” anito. “Sana may makakita agad sa kanya at nang maisoli na sa ‘yo.”

Hindi sumagot si Lorde.

“Papasok ka na?” usisa ni Storm.

Isip ng dalaga ang sumagot. Obvious ba? Poker faced na binilisan niya ang paglalakad.

Habol siya ng tingin ni Storm.

Pagdating sa bahay ay agad binuksan ni Storm ang kanyang MacBook. Nag-log in sa kanyang Facebook  account at nag-browse sa mga photos. Sa folder na “Lipat Bahay” ay inisa-isa niya ang mga files.

And voila, tama ang kutob niya!

Pinalakihan niya sa screen ang partikular na picture na iyon. Kuha iyon ng kanyang Kuya PJ noong araw na maglipat-bahay siya. Nasa may pintuan ang kanyang kuya, nakatalikod siya sa kalsada nang kunan nito ng picture. Ilan lang sa mga selfies niya nang first time siyang tumuntong sa Kalye Pagmamahalan. Nang tingnan na niya isa-isa ang kuha, sa shot na ito siya natawa.

Sa likod kasi niya ay may pretty na photobomber. Sakay ito ng isang mini folding bike at sadyang huminto sa may likuran niya nang kukunan na siya ng picture. Nakangiti ito at nag-V sign pa nang nakadikit sa mukha.

Natawa siya nang una niyang makita ang picture niyang ito. Nakyutan siya sa kakulitan ng pretty photobomber na iyon—na nakalimutan na rin niya later on. Nag-flashback lang kanina nang makita niya si Lorde sakay ng bike nito.

One mystery solved.

Saka nag-sink in sa kanya na hindi pa nga pala sila magkakilala. Anyway, si “Miss Photobomber” muna ito para sa kanya para may codename siya rito.

Mas pinalaki pa niya ang picture sa screen na kay Miss Photobomber ang emphasis.

Maganda talaga, napagtanto ni Storm. Mas maganda actually sa personal. Gusto niya ang personalidad nito na may pagka-sporty. Sa bihis nito kanina, hindi siya sure kung pupunta ba ito sa school o magdi-gym. Tuwing makikita niya kasi ito, laging parang magwo-workout ang dating.

May syota na kaya ito?

Napahinga siya nang malalim.

Aabalahin ba niya ang isip sa isa na namang babae gayung ni hindi niya alam ang status niya kay Aria?

Nakabalik na kaya si Aria sa pagliliwaliw nito? Ni walang text man lang sa kanya.

Nag-focus siya sa mukha ni Miss Photobomber bago ini-off ang MacBook.

**

SI Aria...

Habang nagpapahinga si Storm ay nagbalik sa alaala niya kung paano niya nakilala si Aria—at mula nang araw na iyon ay wala na yata siyang naging motivation sa buhay kundi ito.

Third year high school siya nang lumipat sa kanilang school si Aria. From the province ito, at nadestino ang ama na isang bank manager sa Manila kaya rito na muna mag-i-stay ang kanilang pamilya. Nakaklase niya ito, at nakatabi sa upuan.

Nang araw na iyon, natutunan niya na ang definition ng love ay ay four-letter word—Aria.

Maganda si Aria, and that’s an understatement. Napakaganda nito. Para itong si Andi Eigenmann sa pagkatisay maging ang shape ng mukha though mas masaya ang facial expression. Ang mahaba, brownish at medyo kulot nitong buhok na kung minsan ay tumatama sa mukha ni Storm pag umiikot ang electric fan sa kanilang classroom ay palihim niyang sinasamyo. Kung may gayuma ang bango ng buhok nito, nalanghap niyang lahat.

Diyosa agad ang turing noon kay Aria at marami itong pinataob na campus queen. Lagi itong kasali sa mga beauty contests. Araw-araw, may nagbibigay ng chocolates at maraming nakatambay na guys malapit dito pag break time.

Naging close agad sila ni Aria. Tinulungan niya itong mag-adjust sa buhay-transferee. Umalalay rin siya rito sa mga unang projects nila. Pag may pupuntahan ito at hindi pa alam, siya ang kasama.

Marami ang nag-akala noon na sila na ni Aria. Sabi nga ng mga ka-batch nila, perfect pair sila. Sa kanilang batch ay kasama siya sa listahan ng male heartthrobs—at baka nasa top three. Nang mag-Junior-Senior prom sila, escort siya nito.

Matagal niyang sinarili ang feelings kay Aria. Nang matapos na ang prom at ihatid niya ito, sinabi na niya rito ang nararamdaman.

Pero nagulat siya sa isinagot nito. Salamat daw, alam naman nito ang feelings niya para rito dahil obvious naman. Kaso lang, may iba itong crush!

At nawindang siya nang malaman kung sino...

Si Pepito!

Si Pepito ay kaklase nila. Simple, payat, hindi mahilig sa outdoor games. Lagi itong nag-iisa, naka-backpack. Cute pero hindi kaguwapuhan. Kung may isang special dito, sobrang husay nito sa math. Kapag may mathematical calculations at nagtanong ang kanilang titser, agad nakataas ang kamay nito na para bang nakapagkuwenta agad sa calculator.

Ito rin ang simpleng Vic Sotto ng kanilang klase. Halos lahat nang classmates nilang babae ay nagsasabing super funny ni Pepito pag nakakakuwentuhan. Malupit daw ang sense of humor nito.

Inisip niyang dalawang factors lang ‘yun para magkagusto rito si Aria. Mahusay rin siya sa math, though wala sa level ni Pepito. Funny rin naman siya. Lagi silang magkasama ni Aria, pero bakit sa iba pa ito na-attract—na hindi kasingguwapo niya?

Sa kare-research niya sa Google, nabasa niyang “there are women who are paradoxical in nature”. Iba ang pagtingin nila sa maraming aspeto ng buhay, and sometimes they just don’t go with the flow. Puwedeng nakikitili sila sa isang super guwapong male celebrity, pero hindi ang ganitong tipo ang gusto nilang makarelasyon. Napasama sa ganoong katangian ng mga babae si Aria.

Ganoon pa man, nagpatuloy siya sa pag-pursue kay Aria at nanatili naman siyang favorite date nito—kahit hindi sila.

Nang mag-fourth year high school sila ay magkaklase silang muli. This time, nag-confide sa kanya si Aria na may bago itong crush—si Anselmo.

Muli na naman siyang napaisip. Si Anselmo ay sobrang ordinaryo. Hindi guwapo at below average ang performance sa klase. Hiwalay ang parents nito, at laging nabu-bully ng kanilang mga kaklase. Nang tanungin niya si Aria kung bakit nito naging crush, naaawa raw kasi ito kay Anselmo.

Sa dalawang cases, naisip ni Storm na attracted si Aria sa mga lalaking medyo weakling ang dating. Kabaligtaran niya na brooding, full of zest and energy, and living life to the fullest.

Ikinalungkot niya ang preference nito sa tipo nitong lalaki.

 

SUBAYBAYAN!