Skip to main content

Nagkaanak na ang mister niya sa kinakasama

January 23, 2016

NAKAKULONG ngayon ang isang seaman at umano’y kalaguyo nito nang ipadakip sila ng tunay na misis ng una na isang overseas Filipino worker matapos malaman na walong taon nang nagsa­sama ang mga suspek.

Kinilala ang mga kinasuhan na sina Rogelio Cancino, 38, ng No. 22 Saint Mathew St., San Pablo Subdivision, Magkaisang Nayon, Novaliches, Quezon City, at ang umano’y kalaguyo nitong itinago sa pangalang Mylene, 28, ng Cadena de Amor Compound, Barangay 174, Camarin, Caloocan City.

Bitbit ng 35 anyos na ginang na nagtatrabaho bilang store secretary sa isang kumpanya sa Singapore ang mga dokumentong magpapatunay na siya ang lehitimong asawa ni Cancino.

Dahil sa mga ebidensiyang ipinakita ng ginang, kaagad na dinakip si Cancino at ang kinakasama sa tinitirhan nito sa Cadena de Amor compound.

Lumabas sa imbestigas­yon ni SPO2 Cherilyn Alaon ng Caloocan City Police na mula taong 2008 ay nagsama na bilang mag-live-in partner ang dalawa at nagkaroon na ng tatlong anak.

Nang umuwi ng bansa ang ginang, kaagad niyang tinipon ang mga kinakailangang dokumento bilang ebidensiya at ipinagharap ng reklamo ang asawa na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawa.

Kasong concubinage o pagkakaroon ng sekswal na relasyon ng isang kasal na lalaki sa babae na hindi niya asawa at pagbabahay rito ang isinampa ng pulisya laban kay Cancino. Pakikiapid o adultery naman ang isasampa sa babae sa piskalya ng Caloocan City.

EDITOR’S TAKE:

Sa batas ng Diyos at batas ng tao ay bawal ang makiapid.