Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Last Part)
Nobela ni SEL BARLAM
(Huling labas)
“HAPPY?” nakangiting tanong ni Evan kay Betty. Lalo pa nitong iginiya ang ulo ng kabiyak patungo sa pagkakahilig sa kanyang dibdib habang kapwa aliw na aliw nilang pinanonood ang magagandang displays of astral light na walang iba kundi ang mga bulalakaw. Nagkataon namang sunud-sunod na lumitaw ang mga iyon at lalo pang nagpaganda sa maaliwalas na langit na iniilawan ng bilog na buwan, sa unang gabing iyon pagkaraan nilang ikasal.
“Walang kasingligaya, Evan,” buong apeksyong tugon naman ni Betty nang nakangiting tingalain pa ang asawa.
“Umuulan na naman ng bulalakaw,” pagpapatuloy ni Evan.
“Parang pinagwi-wish tayo, ano?” biro naman ni Betty sa kabiyak.
“Ah, para sa akin, wala na akong dapat pang hilingin…” masuyong kinuha ni Evan ang mukha ni Betty, buong-pagmamahal na hinaplos iyon.
“Ako man, Evan, ikaw ang pinakamahalagang bigay sa akin ng tadhana,” saka may bubog ng mga luhang sumungaw mula sa mga mata ni Betty.
“Umiiyak ka na naman,” pinahid ng kamay ni Evan ang tuluyang tumulong mga luha ng asawa.
“Sa sobrang kaligayahan. Kasi’y nakatitiyak akong I ended up with the one I’m supposed to be with.”
“Same here. Hindi ko makikita ang sarili ko kung wala ka...”
“I love you very much, Evan.”
“At ako, hindi ako magsasawang mahalin ka, Betty.”
Mula sa nakahihiling tagpong iyon ng mag-asawa ay tila nainggit ang langit at lalo pang dumami ang shooting stars.
Kapwa tuwang-tuwang sinabayan ng pagwi-wish ng magkabiyak ang bawat pagbulusok ng mga bulalakaw.
**
ARAW ng pag-alis nina Evan at Betty patungong Hong Kong para sa isang buwang pagbabakasyon matapos maiareglo ang mga transaksyon ng kumpanya sa mga purchase order at iba pang mga serbisyo.
Hindi pa rin humihinto ang mga pag-ulan. Pero hindi iyon naging hadlang para hindi tumuloy ang mag-asawa sa naitakda nang pag-alis.
“Ano pa ba ang bago sa ulan? Noong unang-una tayong magtagpo, biglang bumuhos ang malakas na ulan. Saka nang ikasal tayo, di ba’t ang hirap ding kalasin ng wedding knot natin dahil nabasa iyon nang husto dahil din sa pagbagsak ng ulan? Pero alam mo ba kung alin pa rin sa mga paniniwala sa ulan tungkol sa mga bagong ikinasal ang pinakagusto ko?” Kasalukuyan nang binabagtas ng kinasasakyan nilang van na maghahatid sa kanila patungong paliparan ang daan nang nakangiting umimik si Evan tungkol sa pagkokomento niya sa walang-tigil na mga pag-ulan nitong nakaraang mga araw.
“Sige nga, alin?” kunot-noo ngunit masigla ang tinig na tanong ni Betty sa kabiyak, na tila nababasa na niyang gusto lang nitong magbiro.
“Eh. di ‘yung mabe-bless tayo ng fertility, magkakaroon ng maraming-maraming anak!” sabay-ilag ni Evan na tawa nang tawa nang akmang kukurutin sana niya nang pino sa tagiliran.
Sa gitna ng malakas na pag-ulan na sinasaluhan nila ng masasayang pagkukuwentuhan at pagbibiruan, hindi naging nakaiinip ang kanilang biyahe habang tumatakbo ang van. Paminsan-minsan ay nakasasali pa nila sa masiglang konbersasyon ang kanilang company driver habang maingat na nagmamaneho.
Dikawasa’y bumagal ang daloy ng trapiko. Mula sa kinahihintuan ng kanilang sasakyan ay nakita nila ang isang dalagita at binatilyo na nag-aargumento sa gitna ng malakas na ulan. Kakamut-kamot sa ulo ang binatilyo habang galit namang dinuduro ng dalagita, na sa hinuha nila’y pag-aari nito ang nagkalat na mga gamit sa basang kalsada.
Kapwa nagkatawanan sina Evan at Betty habang pinanonood ang di kalayuang eksena.
“Parang tayo noong unang pagtagpuin ng tadhana sa bugso ng ulan,” saka lalo pang tumawa si Evan na tila nakikiliti ang puso habang nakatanaw pa rin sa magkaargumentong dalagita’t binatilyo.
“Aba, walang masama kung ang uulitin nila ay ang maganda nating love story!” buong proud feeling na sabi ni Betty saka masuyong sumandal sa balikat ng asawa.
“Pero ang higit pang direktang interpretasyon ng ulan para sa atin, magiging matagumpay ang ating pagsasama dahil we will work well together under pressure in the face of obstacles!” buong apeksyong wika naman ni Evan.
Hindi na sinundan pa ni Betty ang itinugon ni Evan. Iyon lang ay sapat na sa kanya upang panghawakan ang isang panghabambuhay na pagsasama—ng mga tag-araw at tag-ulan man, na gugugulin nilang dalawa sa bawat sandali ng kanilang mga buhay.
WAKAS