Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 1)
Nobela ni SEL BARLAM
(Unang labas)
LUMALAKAS ang argumento sa mga produktong makakalikasan. Isang hamon, na ibinigay kay Betty ng kanilang marketing department bilang product manager ng kumpanyang Friendly Living, na tulad din ng iba pang nasa larangan ng kalakalan ay nagsisimula nang maging mulat sa pangangalaga sa kapaligiran.
Ang araw na iyon ang kanyang nakatakdang demo ng product features sa marketing department kaya ilang araw at gabi na rin siyang paspas sa pagbubuo ng kanyang produkto mula na rin sa nakuha niyang mga feedback sa mga kostumer, research reports pati na ang market trends, na una na niyang isinaalang-alang para sa naisip niyang “bags for life”, ang eco-chic bags na reusable at yari sa katsa na ginamitan din niya ng canvass para sa iba’t ibang disenyo ng mga ito.
Eksaktong dalawang oras bago ang exhibit ay naiareglo na niyang lahat ang kanyang finished products, pati na rin ang mga paperworks na kakailanganin niya para sa pagde-demonstrate ng mga ito.
Pagkaraang isuot ang kabibiling candy pink dress na may kumbinasyong itim sa ibaba bilang business attire, inayos niya ang sarili, mabilis na hinablot ang mga dadalhin at nagmamadaling lumabas ng apartment para tumawag ng taksi.
Sa sobrang pagmamadali, hinabol na niya ang taksing biglang dumaan para lang makalulan doon pero minalas na makabunggo naman niya ang isang lalaking mabilis namang pinapara rin ang nasabing sasakyan.
Isa-isang nagbagsakan ang kanyang mga sample products at mga paperworks sa napuputikang bahagi ng kalsada! At ang pinakanakaaasar pa, bumuhos ang malakas na ulan.
“S-sorry, miss, hindi ko sinasadya! Nagmamadali rin kasi ako,” mabilis na hinging-paumanhin ng lalaki nang isa-isa nitong pulutin ang kanyang mga gamit na lalo pang naputikan nang husto dahil sa bumugso pang buhos ng ulan.
“Alam mo bang buhay, hanapbuhay at mga pangarap ko ang sinira ng kaengutan mo, ha?” gigil na gigil na sabi niya rito samantalang panay pa rin ang hingi sa kanya ng paumanhin. “At sa palagay mo ba, mapakikinabangan ko pa ang mga ‘yan?” halos panlisikan na niya ng mga mata ang lalaki.
“Itong mga bag, lalabhan ko, puwede pa ang mga ito…” susukut-sukot na wika ng lalaki.
“Basta ako, isa lang ang alam kong puwede ko ring gawin ngayon—ang sipain ka at ibalik ka kung saang mundo ng kamalasan ka nanggaling!” Pero bago pa niya nagawa iyo’y mabilis nang nakatakbo ang lalaki para tumakas sa galit niya.
Iyak nang iyak sa inis si Betty habang pinagmamasdan ang kanyang mga eco-bags at mga paperworks na lalo pang tinangay ng agos ng tubig nang nagsimula nang bumaha sa kanyang kinatatayuan.
Ang araw na iyon ng exhibit ang isa sa simula na sana ng pag-angat pa niya sa trabaho.
Kung may madyik lang siguro siya, ginawa na niyang bato ang lalaking nakabungguan, na para sa kanya ay hindi lang clumsy kundi isang malas!
**
BUKOD pa sa maganda na’y maamo rin ang suwerte kay Betty, na ‘the sort of girl fortune smiles upon’ kung tagurian ng mga kasamahan sa Friendly Living.
Maganda ang simula ng kanyang marketing career sa sales, advertising at public relations. Ang kanyang mga karanasan ang kanyang key factors. Nag-aaral pa lang siya noon sa kolehiyo pero nakuha na niya ang posisyon bilang isang student rep ng nabanggit na kumpanya, kung saan din siya nag-on-the-job-training at ngayo’y nagtatrabaho.
Maraming oportunidad, kung kaya para sa kanya’y marami rin siyang mga layuning dapat abutin tulad ng product design, development, mula sa mga estratehiya at mga taktika.
Kaya nga nang mag-anunsyo ang kumpanya ng pangangailangan sa puwesto ng product manager ay sineryoso niya ang pag-a-apply sana sa posisyon.
Pero palpak ang araw na iyon. Pinalpak ng isang lalaking nakabungguan niya nang pareho silang mag-agawan sa isang taksing paparating.
Hayun na nga. Nahulog ang kanyang mga materyales sa putik, bumuhos ang malakas na ulan at tinangay ang mga iyon ng baha.
“Makita ko lang ulit ang lalaking ‘yon, mata lang niya ang walang latay!” gigil na kuwento niya sa kaibigang si Lory sa hindi niya pagkakatuloy sa demo sana ng kanyang product features dahil sa pangyayari.
“Ang sabihin mo pa, ‘yun ‘kamong oras ng pagkakasalpukan ninyo ng lalaki!” anang dalaga na panay naman ang hagikgik sa kanyang karanasan.
“Ano naman ‘yung oras?” kunot-noong tanong niya sa kaibigan.
“Meteor shower kaya nang araw na ‘yun!”
“So?”
“Eh, ano ba kasi ‘yung unang salitang nasabi mo nang magkabungguan kayo ng guy?”
Malas!
Iyon ang unang-unang salitang lumabas sa kanyang bibig sa sobrang asar nang araw na iyon!
“O, eh, di minalas ka nga nang araw na ‘yon dahil tiyak na sumabay sa pagbagsak ng mga bulalakaw ang sinabi mo nang magkabungguan kayo ng guy!”
“Ang taas ng sikat ng araw noon, ah!”
“Kahit pa. Kaya nga bumagsak ang malakas na ulan nang araw na iyon, hindi lang natin nakikita ang meteor shower pero siyempre, tuloy ‘yon, ‘no?”
Pero ang pinakapunto ni Lory, ang malaking problema niya ngayon ay kung kailan at kung papaano mawawala sa katawan niya ang kamalasan!
At ang isa pang tanong, kailan pa ulit uulan ng mga bulalakaw para i-wish niyang muli siyang bumalik sa pagiging isang lucky woman?
SUBAYBAYAN!