Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 10)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-10 labas)
MATAAS ang perseverance ni Evan pagdating sa paniniwala sa sarili pati na sa mga produkto at serbisyo nito. Malawak din ang interpersonal skills ng binata sa pakikipagkomunikasyon sa mga kostumer, handa sa mga posibleng calculated risks, may magandang motibasyon at may maayos na time management para sa negosyo.
Pero ang pinakahinahangaan ni Betty sa mabait na binatang entrepreneur ay hindi lang ang pagkakaroon nito ng big brain kundi ng malaki ring puso sa nasasakupang mga tauhan.
“Alam mo, kanina ko pa napapansin ang mga lihim na ngiti mo habang nakikipagkuwentuhan ako sa mga tao,” nakangiting bati ni Evan kay Betty nang pumasok ang binata sa kanyang pagawaan sa kasagsagan naman ng pagdidisenyo niya ng kanyang mga bag na katsa para sa paspas na purchased order.
“Natutuwa kasi ako kung paano mo sila itratong halos parang kapamilya na,” tugon naman niyang may proud feeling para sa binatang ngayo’y pinanonood na ang kanyang ginagawa.
“Dahil naniniwala akong sila ang pinakamahalagang sangkap sa pagtatayo at pagtatagumpay ng isang negosyo, kung kaya kailangan nilang maging kampante, kuntento at masaya sa pagitan ng kanilang mga trabaho,” dugtong ni Evan sa nauna nang sinabi.
“Iisipin ko bang kasal ka na nga sa negosyo mo?”
“Healthy personal life, feelings of accomplishment, siguro nga,” saka narinig na naman niya ang nakahihiling halakhak ni Evan sa mga pagkakataong nagkakabiruan sila tulad ngayon.
“See, kung gaano ka ka-passionate beyond business at sa iba pang aspeto ng iyong buhay.”
At matatag na entrepreneurial spirit na ayon pa kay Evan ay kailangang manatili sa lahat upang higit pang magkahugis at umunlad ang negosyo.
Unti-unti pero sa maraming paraan, nakikilala ni Betty ang lalaking sa isang lumang bahagi ng utak niya ay natanim ang isa ring maling impresyon.
**
NASA kalagitnaan pa lang ang buwan ng Enero ay nadagdagan na naman ang mga order kay Betty ng kanyang mga eco bag mula sa mga buyer ni Mrs. Dollente. Ang limang tauhan na ipinahiram sa kanya ni Evan ay tuluyan nang ibinigay sa kanya ng binata para sa tuluy-tuloy na produksyon ng kanyang mga produkto.
Dahilan iyon upang magdesisyon siyang lumipat na rin ng tirahan malapit sa compound para mas mabigyan niya ng atensyon ang kanyang negosyo at mas makaantabay sa mga pangangailangan ng kanyang mga manggagawa.
Nagkataon namang may isang one hundred square meters na bahay na ipinagbibili di kalayuan sa lugar kung kaya’t hindi na siya nagdalawang-isip. Sa tulong ni Evan ay madaling naiproseso ang mga papeles sa bilihan ng bahay at lupa.
Ilang linggo makaraan, sinimulan na niya ang paglilipat. Tinawagan niya si Lory para hingin ang tulong ng kaibigan sa pag-aayos ng kanyang mga gamit sa nilipatan.
“Naku, pasensya na talaga at ngayon lang ako nakarating mula nang tumawag ka, Betty. Sobra kasi ang trapik,” hindi pa man nakapapasok sa pintuan ng bahay ay hingi agad ng paumanhin sa kanya ni Lory, na matapos ibaba ang dalang bag sa nakitang center table ay mabilis na siyang tinulungan sa pagbubuhat sa mga dining chair na inihihilera niya sa may pinakakusina ng bahay.
“May pagkain sa mesa, baka gusto mo munang kumain?” alok muna niya sa dumating na kaibigan.
“Nag-heavy breakfast ako,” sagot ni Lory.
“Basta pag gusto mong kumain...”
“Nagulat naman ako sa biglaan mong paglipat?” ani Lory pagkaraan.
“Menos oras nga kasi papunta sa compound.”
“Mabuti at madali kang nakakita ng bahay.”
“Tinulungan ako ni Evan.”
Namilog ang mga mata ni Lory nang marinig ang pangalan ng binata. “Talagang di na siya umalis sa tabi mo, ha?”
“Nagiging malisyosa ka, ha?
“Tingnan mo, nababasa mo agad ang sinasabi ko!”
“Sadya lang mabait ‘yung mama,” depensa niya.
“Uy, may meaning!” pangungulit ni Lory.
“Sus!”
“Eh, hindi ba?”
“Alam mo, friend, feeling ko gutom ka na, kung anu-ano na ang ibibintang mo sa akin! Kumain ka muna kaya?”
Natawa si Lory sa kanyang sinabi pero imbes na tigilan siya sa panunukso patungkol kay Evan ay lalo pa siyang inintriga nito. “Pa’no kung isang araw, magtapat siya sa ‘yo, aber?”
Saka na niya babagtasin ang tulay kapag naroroon na siya, iyon ang sagot niya sa kaibigan.
SUBAYBAYAN!