Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 11)
Nobela ni SEL BARLA(
(Ika-11 labas)
AMINADO si Betty, apektado siya ng panunukso sa kanya ni Lory kay Evan. Pero totoong may mga pagkakataong laman naman talaga ng isip niya ang binata at hindi niya iyon maipagkakaila.
A woman’s perfect man, a keeper. ‘Yun bang malinaw na malinaw sa katauhan nito ang commitment sa family life at sa sensitibong bahagi ay palaging naroroon sa mga sandali ng suliranin at kalungkutan—handang i-commit ang sarili nang sandaan at sampung porsyento sa minamahal.
Lumalaon, habang nakasasalamuha niya ang mabait na binatang negosyante, napatutunayan niyang hindi lang teorya ang lahat, at habang nadedetermina rin niyang hindi lang siya nao-overwhelm ng infatuation.
Ang malakas na pagtutungayaw ng boses ng isang babae mula sa gate ng compound ang umagaw kay Betty mula sa pagkakatitig sa maamong mukha ni Evan na nakadikit sa kanyang isip.
Lalo pang lumakas ang pagsigaw ng boses ng babae. Maya-maya pa’y nahaluan na rin iyon ng pamilyar na boses ng security guard ng compound, hudyat upang iwan ni Betty ang pagdidisenyo ng kanyang mga bag na katsa para tingnan ang talagang nangyayari.
“Si Evan, kailangan kong makausap si Evan!” Ang galit na pagpupumilit ng nagwawalang buntis na babae ang inabutan ng dalaga habang pilit na hinahawi nito ang pagharang ng guwardiya ng compound upang hindi ito ganap na makapasok sa loob.
“Wala nga po rito si Sir!” sagot ng guwardiyang hindi na alam kung papaano pa aawatin ang nagpupumilit na babae.
“Gusto mong lalo akong mag-eskandalo rito?” pananakot pa ng babaing tila nasa kabuwanan na ang malaking tiyan.
“Bakit hindi na lang po ninyo tawagan si Sir?” narinig ni Betty na suhestyon ng security guard sa kausap.
“Hindi nga niya sinasagot ang mga tawag ko!”
“Kung ganoon, wala na po talaga akong magagawa, Ma’am. Pero hindi nga po kayo pupuwedeng pumasok dahil wala naman po kayong appointment dito sa compound.”
Tinitigan nang matalim ng babae ang guwardiya. “Puwes, sabihin mo kay Evan na hindi niya ako puwedeng basta na lang talikuran! Babalik ako, kailangang magkausap kami!”
Matagal na inihatid ng tanaw ni Betty ang lumabas ng gate na nagdadalantaong babae hanggang sa mawala na ito sa kanyang paningin.
Nagbanta ang babae, hindi ito maaaring talikuran ni Evan…
Pinupuno ng mga katanungan ang utak ni Betty.
**
NAG-IWAN ng mga katanungan sa utak ni Betty ang nakaraang mga eksena—ang babaing nagdadalantaong nagwala at naghanap kay Evan, ang ilang linggo nang hindi pagsipot ng binata sa compound, ang cellphone nito na out of coverage area at hindi ma-reach ng mga tauhan para sana tanungin sa mga existing purchase order ng mga kalakal.
Ilang araw nang hindi pinatutulog ang dalaga ng mga gayung isipin patungkol kay Evan. Iniisip din niya kung may kinalaman ang hindi pagpapakita ng binata sa compound, na maaaring pinagtataguan nga nito ang babaing nagdadalantao—na baka pa rin nga, ito nga ang may pananagutan sa dinadala ng babae.
Ayaw sakyan ni Betty ang mga inihihimatong ng mga konsekuwensiyang naglalaro sa kanyang utak.
Oo at maikli pa lamang ang panahong nakasasalamuha niya ang binata, pero sa maraming pagkakataon ay napatunayan na niya ang kabutihang loob nito at siya mismo ang makahuhusga roon.
At iyon ang pinaninindigan niya sa utak.
“’Yung babaing buntis na nanggulo ‘kamo rito kamakailan?” napahinto sa paghakbang ang mga paa ni Betty papasok sa kanyang pagawaan ng mga bag na katsa nang marinig ang pag-uusap ng isang babaing tauhan ni Evan at kausap na tauhan ding lalaki nang araw na iyong magtungo siya sa compound.
“Sino ba kasi ‘yon?” balik-tanong naman ng lalaki sa babae.
“Dating girlfriend ni Sir!” mabilis na tugon ng babaing tauhan na lalo namang nagpaahon sa kuryosidad ng dalaga.
“Galit na galit kay Sir, ah!”
“Saka buntis, di ba?”
“Ngayon ko lang siya nakita.”
“Childhood sweetheart kasi ni Sir.”
“Tagaroon din sa probinsiya nila?”
“Oo.”
“Si Sir ang ama ng dinadala niya?”
“Ano’ng malay natin?”
“Pero bakit kaya siya nagwawala?”
“Mukhang pinagtataguan ni Sir!”
“Ganoon?”
“Pero tiyak, magpapabalik-balik dito ‘yon hangga’t ‘di naaabutan dito si Sir!”
Hindi maipagkakaila ni Betty, naninikip ang dibdib niya sa mga naririnig.
SUBAYBAYAN!