Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 12)
Nobela ni SEL BARLAM
(Ika-12 labas)
WALA pa rin si Evan. Hindi pa rin matawagan ang cellphone ng binata. Tanging ang recorded voice ng babaing operator ang paulit-ulit na maririnig at nagsasabing ang subscriber na tinatawagan ay hindi maaaring maabot ng komunikasyon.
Lalo namang dumalas ang pagbabalik-balik ng babaing nagdadalantao sa compound. Ngayo’y hindi lang ito nag-iisa, kundi may kasama nang isang matandang babae at isang matanda ring lalaki na galit na galit ding hinahanap si Evan. Hindi nauubos ang pagbabanta ng mga ito sa hindi pagpapakita sa kanila ng binata.
Apektado na ang buong compound sa nagaganap. Maging ang pagpasok at pagre-release ng mga purchase order ay naging mabagal dahil sa eskandalong nalilikha ng nagdadalantaong babae at ng mga kasama nito sa harapan ng main gate.
Naguguluhan na rin si Betty. Wala siyang magawa kundi pakalmahin ang mga tauhan sa loob ng compound upang maibalik ang pokus ng mga ito sa hinahabol na deadline ng mga kalakal.
Ang totoo, nakadarama na siya ng inis kay Evan. Maliwanag na ang halos ilang linggo nang hindi nito pagsulpot ay nangangahulugan na ng kairesponsablehan. Batid man nito o hindi ang tungkol sa buntis na babae, kailangan pa rin nitong mas isaprayoridad ang mga obligasyon bilang may-ari ng mga negosyo.
Sa nagkapatung-patong na mga problema ng di pagdating ni Evan, maging ang date of delivery ng kanyang mga eco bag ay nasagasaan. Ngayo’y kailangan nilang mag-double time para makahabol sa eksaktong petsa ng deadline.
“Pati tuloy kayo, damay sa problema, Ma’am Betty,” sambit kay Betty ng isang tauhang dalaga ng compound habang tinutulungan niya ito sa pagku-quality control ng mga mug na tapos nang disenyuhan.
“Naku, wala namang problema roon. Ang mahalaga, pagtulung-tulungan nating maisaayos ang lahat ng ito,” nakangiti namang tugon ng dalaga sa kausap na tauhan.
“Pati po ba sa inyo, hindi nagte-text o tumatawag man lang si Sir?” baling ulit kay Betty ng kausap.
“Hindi, eh…” may pagkadismayang tugon ng dalaga.
“Hindi po kaya may kinalaman sa babaing buntis?” usisa pa rin ng tauhan.
Iyon din ang itinatanong ni Betty sa sarili.
* *
ANG sunud-sunod na pagtunog ng ringing tone ng cellphone ni Betty ang nagmamadaling nag-utos sa kanya para iwan ang pag-aasikaso sa kanyang mga eco bag at awtomatikong damputin ang kanyang unit mula sa ibabaw ng office desk para itsek kung sino ang tumatawag.
Pangalan ni Evan ang nakarehistro roon.
Mabilis, walang dalawang-isip na pinindot ng dalaga ang answer keypad para sagutin ang tawag.
“Evan!” mataas agad ang intonasyon ng boses ni Betty na pumalaot sa kabilang linya.
“Betty, ano’ng balita? Nai-deliver ba sa deadline ang mga purchase order? May pumasok ba ulit na mga PO? Ang mga tao, kumusta?” sunud-sunod namang tanong ni Evan pagkarinig na pagkarinig sa boses ng dalaga.
“Iyan lang ba ang gusto mong malaman?” timpi pa rin ang tinig ni Betty sa binatang ilang linggo rin niyang hinintay magparamdam sa kung ilang linggo ring hindi pagpapakita sa compound.
“Nag-aalala nga kasi ako, baka nasira ang mga tao sa deadline…”
“Wala silang ginawa kundi ang maghintay ng tawag mo,” nasa himig ng dalaga ang panunumbat.
“Pasensiya na, hindi na nga kasi ako nakapagsabi sa inyong lahat diyan. Apurahan ang naging lipad ko patungong Hong Kong. Bigla ang pagkakaroon ng slot para sa seminar ng mga may existing business. Sayang naman ang oportunidad na hindi makasalamuha ang iba pang like-minded business owners sa iba’t ibang bansa,” paliwanag ng binata.
Kadarating lang ni Evan galing Hong Kong? Ngayon lang naunawaan ni Betty kung bakit hindi nakatatanggap ng tawag ang cellphone unit ng binata sa kung ilang beses niyang pagsisikap na tawagan ito.
“Nagkakagulo na rito sa compound,” mabilis ang pagkakasabi niyon ni Betty para mabilis ding malaman ni Evan. Ayaw niyang iliguy-ligoy pa sa binata ang mga nagaganap sa pagawaan nito.
“Nagkakagulo?” yumapos ang malaking kuryosidad sa boses ng binata.
“May isang babaing nagdadalantaong pabalik-balik dito, nanggugulo, nagwawala at hinahanap ka. Nitong huli, may kasama na siyang isang matandang babae at isang matanda ring lalaki, tila mga magulang niya. Hindi na alam ng guwardiya ng compound kung papaano sila aawatin.”
“Si Sonya?” bigla ang pagbalot ng agam-agam sa tinig ni Evan.
Pagkaraan niyon, tanging ang mahinang tunog ng namatay na linya mula sa cellphone unit ng binata ang narinig ng dalaga.
SUBAYBAYAN!