Skip to main content

Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 13)

Nobela ni SEL BARLAM

(Ika-13 labas)

“SINO ba talaga si Sonya at bakit ayaw mong makipagharap sa kanya, Evan?” Desidido si Betty na mabatid ang katotohanan sa pagitan ng nagdadalantaong babaing pabalik-balik sa compound at kay Evan, na sa kung ilang beses niyang pagtatanong ay nararamdaman niyang hindi nagtatapat sa kanya ang binata.

            “Lalo lamang lalala ang sitwasyon kapag nagkita kami, Betty,” matigas ang pagkakasabi niyon ng binatang negosyante.

            “Nagdadalantao siya,” mariin niyang sabi.

            “Alam ko.”

            “Galit na galit ang kanyang mga magulang.”

            “Hindi ko na iniisip ‘yon.”

            “Pero ang sanggol na nasa kanyang sinapupunan?”

            “Na idinadamay rin nila sa kaguluhan?” mabilis na reaksyon ni Evan sa tanong ni Betty.

            “Laman at dugo mo iyon.”

            Umiling si Evan saka pagkaraa’y inilapat ang tila namimigat na ulo sa ulunang bahagi ng kinauupuang malambot na sofa.

Mariin nitong ipinikit ang mga mata. Tila nahahapo sa natuklasang mga eskandalong nangyari sa compound sa mga panahong ito ay nasa business seminar.

            “Kapag hindi ka pa rin nagpakita sa kanila, magugulo ang lahat-lahat pati hanapbuhay mo,” anang dalaga nang muling magsalita.

            “Iyon ang ayaw kong mangyari kaya isang pabor sana ang hihilingin ko sa iyo.” Tumayo mula sa kinauupuan ang binata, pormal na humarap kay Betty.

            “Ano’ng ibig mong sabihin?” kumunot nang malaki ang noo ng dalaga.

            “Ikaw na muna ang bahala sa lahat-lahat, pati na sa mga tao sa compound,” seryoso ang pagkakawika niyon ni Evan.

            Napatitig siya sa binata. “Hindi kita maintindihan…”

            “Babalik ako sa Hong Kong. Doon muna ako mamamalagi. Ayokong makaharap si Sonya, lalo na ang kanyang mga magulang,” matiim at tagis ang mga bagang na sabi ng lalaki.

            Sasalungatin pa sana niya si Evan pero mabilis na itong nakahakbang palabas ng main door ng kabibili niyang bahay.

            Kinabukasan, kahit ano’ng gawin niya’y hindi na naman niya makontak ang mga numero ng cellphone ng binata.

Blangko na ang linya ng komunikasyon mula kay Evan.

Sunud-sunod naman ang dating ng mga bagong order ng mga produkto sa compound. Nagkakaproblema na rin sa kakulangan sa mga materyales ang mga tauhan para sa ilan pang kapunuan ng tinatapos na mga PO. Nagulo, hindi lang ang proseso ng mga kalakal kundi maging ang pinansyal na takbo ng mga negosyo.

Nagdesisyon na si Betty. Kung hindi siya kikilos, lalo lang lalawak ang mga problema sa kumpanya ng binata.

Pinulong niya ang mga pangunahing trabahador na pinagkakatiwalaan ni Evan sa bawat departamento sa compound. Pinagsama-sama nila ang mga posibleng suhestyon na maaari nilang gawin para sa kaayusan ng lahat.

“Kailan po kaya ang talagang balik ni Sir Evan, Ma’am Betty? Kasi’y may mga papel po siyang dapat pirmahan para makapaglabas tayo ng perang kakailanganin ng bawat department?” Si Emi ang nagtanong, ang nangangasiwa sa pagdi-distribute sa mga pinansyal na pangangailangan ng mga negosyo sa compound.

“Hindi ko rin alam…” ani Betty pagkaraang humugot ng malalim na hininga samantalang nangangapa pa rin ng solusyon sa isip sa mga problemang iniwan ng binatang negosyante. “Pero kung pera ang kailangan, ako na muna ang bahala. Ang mahalaga’y tuluy-tuloy ang paggawa ninyo, walang mababago sa mga proseso,” pagpapatuloy ng dalaga sa harap ng mga kausap, na ang tinutukoy naman na pera ay ang natitirang bahagi ng isang milyong pisong ibinigay sa kanya ni Evan mula sa pagkakapanalo sa lotto.

Nang muling bumalik sa kani-kanilang mga puwesto ang mga tauhan, saka lalong naramdaman ng dalaga ang pamimigat ng kanyang ulo sa nagkapatung-patong na mga pressure sa loob ng compound.     

Naiinis siya kay Evan.

       Bakit ba ayaw nitong harapin ang babaing nagdadalantaong pabalik-balik sa compound?

       Gusto na tuloy niyang maniwalang nagkakamali lang siya ng persepsyon sa binata. Nagsisimula na siyang tantiyahin ang mga kilos nito. Bumabalik sa kanyang utak ang unang impresyon sa lalaki nang makabungguan niya ito at lumabas ang pagkairesponsable nang bigla na lang siyang takbuhan at iwanan sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.

       “Hoy, babae!”  Ang pasigaw na singhal na iyon mula sa likuran ni Betty ang biglang nagpadako sa kanyang mga mata sa lugar na kinatatayuan ng nagmamay-ari ng matapang na tinig.

       Si Sonya, ang babaing buntis na pabalik-balik sa compound.

       Halos matupok si Betty sa nagliliyab na mga titig ng babae.

 

SUBAYBAYAN!