Nagkapalit... Nagkatagpong Mga Puso (Part 14)
Noela ni SEL BARLAM
(Ika-14 na labas)
NAGULAT si Betty nang mapalingon sa kanyang likuran. Pasugod sa kanya si Sonya, na nakaalpas sa di pagpapapasok dito ng guwardiya; nagngangalit ang mga kamao, tagis ang mga bagang, nanginginig sa galit ang buong katawan.
Mabuti na lamang at mabilis na napigilan ito ng mga tauhang naroroon para hindi tuluyang makalapit sa dalaga.
Pero lalo lamang itong nagtungayaw sa galit mula sa pagkakaharang sa kanya ng mga trabahador.
“Ikaw ba, ikaw ba ang dahilan kung bakit ayaw nang makipagharap sa akin ni Evan? Hah, hindi mo ba alam na winawasak mo ang buhay ko, namin ng magiging anak ko?” halos sumiklab sa poot si Sonya, panay ang piglas sa mahigpit na pagkakahawak ng mga lalaking taga-compound.
“Wala akong nalalaman sa mga sinasabi mo. Pasensya ka na pero nagkakamali ka ng akala…” mahinahon ang pagkakasambit niyon ni Betty, intensyong mapahupa ang nag-aaklas na damdamin ng babae.
“Ikaw ang namamahala rito sa compound, sino’ng lolokohin mo?” lalong uminit ang mga titig ng babaing nagdadalantao sa dalaga sa akalang hindi niya pagsasabi nang totoo.
“Maniwala ka sa sinasabi ko…”
“Iharap mo sa akin ngayundin si Evan!”
“Pero wala kaming ideya sa kanyang kinaroroonan.”
“Sinungaling! Sinungaling!” saka buong-puwersang umigkas si Sonya mula sa mahigpit na pagkakapigil ng mga lalaki, at nang makahulagpos ay muling sinugod si Betty.
Maagap namang naiilag ng dalaga ang sarili, dahilan upang mawalan ng balanse si Sonya at mapasadsad paupo sa isang bahagi ng pagawaan.
Umaktong namilipit sa sakit ang babae, namumula sa galit na pinagbantaan si Betty. “Kapag may nangyaring masama sa pagdadalantao ko, magbabayad ka sa akin! Kakasuhan kita, ipakukulong kita!”
“Ikaw ang kakasuhan ko, idedemanda ko at ipakukulong ko kapag hindi mo pa rin tinigilan ang panggugulo sa buhay ko at ngayon ay pati na rin sa mga tao rito sa compound, Sonya…” bigla ang pag-ilanlang ng matatag pero pamilyar na tinig na ikinalingon ni Betty at ng lahat sa may bukana ng pagawaan.
Si Evan…
“Narinig mo ang sinabi ko, hindi ba, Sonya?” nasa anyo ng binata ang malaking pagpupuyos ng kalooban nang muling balingan si Sonya.
“Evan, hindi mo na ba ako mahal?” bumaba ang kanina’y mataas na intonasyon ng babae, ngayo’y nasa anyo ang pagsusumamo.
“Gusto kong makausap ang mga magulang mo,” may diin sa mga salita ng binata.
Umiling nang umiling si Sonya, tila batang maliit na umiyak nang umiyak.
**
“HINDI ko itinuloy ang pagpunta sa Hong Kong. Naisip kong kailangan ko nang harapin ang problemang dala ni Sonya at ng kanyang mga magulang…” tiim ang anyong pagtatapat ni Evan kay Betty matapos ipukol ang tanaw sa labas ng pagawaan ng mga eco bag ng dalaga, pagkaraan ng nilikhang eskandalo ni Sonya. “Masyado nang malaking perhuwisyo ang ginagawa nila sa buhay ko,” dugtong ulit ng binata kakambal ang isang malalim na buntung-hininga.
“P-pananagutan mo na si Sonya?” nabibikig din ang lalamunan ng dalaga. Ayaw na muna sana niyang magtanong kay Evan at nais na lang makinig sa mga gusto pang sabihin ng binata ngunit mabilis na iyong lumabas mula sa kanyang bibig.
“Hindi,” matatag ang seryosong pagkakadiin niyon ni Evan.
“Ang akala ko’y…” ikinagulat niya ang deklarasyon ng lalaki.
“Hindi ako ang ama ng kanyang dinadala…”
Nagumihanan siya sa narinig. “Pero ikaw ang pinananagot niya…” tanging nasambit niya pagkaraan.
“Dahil iyon ang itinanim niya sa tuktok ng kanyang mga magulang.”
“Hindi ko pa rin maintindihan…” litung-lito na siya sa mga pahapyaw na sagot ni Evan.
Nakita niyang lumanghap muna ng maraming hangin ang binata bago ganap na humarap sa kanya nang muling magsalita, “Magkababata kami ni Sonya, naging magkaibigan hanggang sa paglaki, naging magkarelasyon pero iyon ay sa sandaling panahon lamang. Nang makilala niya si Natan, ang lalaking inamin niya sa aking higit niyang mahal, tinapos niya sa amin ang lahat. Pero hindi roon nagtapos ang aming pagiging magkababata at magkaibigan. Palagi akong naroon sa mga panahong hindi maayos ang takbo ng relasyon nila ni Natan. Hanggang isang araw, ipinagtapat niya sa aking nagdadalantao siya pero hindi na nagpapakita sa kanya ang lalaki at nawalan na rin sila nito ng komunikasyon. Tinulungan ko siya sa maraming bagay kung paano maiaahon sa kanyang problema—pinansyal, lahat. Pero hindi ko alam, na iba pala ang ipinagtapat niya sa kanyang mga magulang. Na ako ang idiniin niya sa mga ito, na ama ng kanyang magiging anak…”
Bumigat ang kanyang dibdib sa rebelasyon ni Evan. Ngayon niya nauunawaan kung bakit ganoon na lang ang kaayawan ng binatang makaharap si Sonya at ang mga magulang nito.
“Ano ang plano mo ngayon mula kaninang nagkaharap na kayo ni Sonya?” nasa tono rin ni Betty ang pag-aalinlangan sa susunod na itatanong kay Evan.
“Di ba’t sinabi kong haharapin ko ang kanilang mga galit?” saka gumuhit ang pagpupuyos ng kalooban sa mukha ng binata.
SUBAYBAYAN!